The Project Gutenberg EBook of Hiwaga ng Pagibig, by Balbino B. Nanong

This eBook is for the use of anyone anywhere at no cost and with
almost no restrictions whatsoever.  You may copy it, give it away or
re-use it under the terms of the Project Gutenberg License included
with this eBook or online at www.gutenberg.org


Title: Hiwaga ng Pagibig

Author: Balbino B. Nanong

Release Date: July 31, 2006 [EBook #18955]

Language: Tagalog

Character set encoding: ISO-8859-1

*** START OF THIS PROJECT GUTENBERG EBOOK HIWAGA NG PAGIBIG ***




Produced by Tamiko I. Camacho, Pilar Somoza, and the Online
Distributed Proofreading Team at http://www.pgdp.net (This
file was made using scans of public domain works from the
University of Michigan Digital Libraries.) Handog ng
Proyektong Gutenberg ng Pilipinas para sa pagpapahalaga
ng panitikang Pilipino. (http://www.gutenberg.ph)







HIWAGA

ng

PAG-IBIG

B.B.Nanong.

="PUSONG MINATAMIS ANG MAMATAY NG DAHIL SA PAGSUSUKAB NG ASAWA"=



=NOBELANG TAGALOG=

HIWAGA NG PAGIBIG

KATHA NI

Balbino B. Nanong

(Kasapi sa "PANULAT BANAHAW")

LUKBAN, TAYABAS

KAUNAUNAHANG AKLAT NG

"Panulat Banahaw"

=UNANG PAGKALIMBAG=

=Maynila, K.P.=

=Limbag sa=

"ORIENTAL PRiNTING" 408 Ronquillo, Sta. Kruz MAYNILA, K. P. 1922




Ang sino mang may nais magkaroon ng sipi ng aklat na ito maaaring
makipagusap o makipagalam kay Gg. P. C. Palines, katiwala ng may
katha. Tel. 8601, 1030 Azcarraga, Maynila.

Gayon din, ipinagbibili sa mga libreria.



[Larawan: BALBINO B. NANONG]

Ang pagibig ay isang bagay na hindi dapat paglaruan; kung ang pagibig
ay isang laruan ay walang katamisan sa puso.

_B.B. Nanong._




_SA MADLA:_

_Ang aklat na ito, sakaling sa pagkatunghay ninyo sa mga dahon, ay di
kakitaan ng mga matatamis na pangungusap, ng matatayog na pagkukuro ng
kaisipan, at gayon din, sakaling di maging masarap sa inyong panglasa
ang nalalaman dito, ay hinihiling ko ang paumanhin ng madla sa abang
kathang ito; pagka't ako ay hindi isang tanyag na manunulat at
mangangatha._

_Sinulat ko ang aklat na ito, sa maalab na nasang makapaglingkod ang
abang kaliitan sa bayang may sariling wika, nguni't alanganing lagi
ang katatayuan--maraming nagtatakwil sa Inang Wika_....

_Sinulat ko rin ito, sa maalab na nasang mailarawan ang tinawid ng
dalawang magkasintahan nguni't kapag nagkaminsan ang matamis na
pagiibigan ay nagkakaroon ng mapait na wakas para sa dalawang puso_.

_Ngayon, ay ipinababatid ko sa madla, na, sakaling maraming mali sa
pagkakasulat nito, marahil, sanhi na lamang ng kabataan ng aking
panitik--hindi pantas na mangangatha._

_Kaya aking inuulit, na, sa pagbasa ng aklat na ito at hindi kapulhan
ng bagay sa inyong panglasa, ay hingi ko ang paumanhin sa lahat, dala
ng hindi ko pa kabihasnan. Gayon man ay hangad ko rin at inaasahang
ito ay isa man lamang mabilang sa mga punpon ng aklat na nasusulat sa
ating wika._

_BALBINO B. NANONG._




=HANDOG=:

Sa mahal kong kapatid: kay Consolacion Elento at sa madlang kasapi sa
"Panulat Banahaw" lalong lalo na sa mga magagandang tala: Ursula
Maderal, Atilana Abrilla, Guadalupe Abad, Pining Ravida, V. Abutal at
Roming Dator; at sa masisiglang kasaping Z. O. Maderal, B. E. Palacio,
E. Nañola at Ben. Racelis. At, gayon din inihahandog ko ito sa mga
kapisanang naglilinang ng sariling wika sa lalawigang Tayabas, lalong
lalo na sa "Pagasa ng Lucena", "Panitik Atimonan" at "Hilaga ng
Tayabas."

_ANG SUMULAT_.




HIWAGA N~G PAGIBIG


I

SA LILIM NG ISANG MANGGA.


Kung madadama lamang natin ang dibdib ni Leonora, ay ating
mararamdaman na para bang lalong lumalakas ang pagkaba. Malakas at
masasal na parang tinatahip ang dibdib sa lakas ng tibok ng puso.
Parang may sindak, nguni't sa harap pa ba kaya naman ng isang
kasintahan masisindak at waring matatakot? Isang hiwaga ang ganito!

Sila'y magkapiling ni Eduardo. Ang kanilang mga puso ay parang
nangapiping ilang sandali sa dahilang tila tumagos sa puso ng binibini
ang pangungusap na binigkas ng binata. Ang huling katagang binigkas ni
Eduardo ay parang nagdulot sa puso ni Leoning ng isang pagkaawa.
Nguni't ang pagkaawa niyang yaon ay nangahulugan ng kanyang pagkapipi
sa dahilang hindi mabigkas ng bibig ang isasagot, samantalang, sa
katotohanan ay di natin nababatid ang mga lihim ng kanilang puso.

At upang matalos naman natin kung bakit ang binibini ay parang
sumisikdo ang puso at parang tinatahip ang dibdib ay narito ang
dahilan. Siya ay di natin dapat pagkamalang natatakot. Ang nasa harap
niya ay si Eduardo, isang uliran, mabait at matimtimang binata. Walang
kilos na magaspang at marungis na paguugali.

Nang mga sandaling yaon ay idinadaing niya sa harap ni Leoning ang
dalisay na tibukin ng kanyang puso sa dahilang sinisinta niya nang
tapat si Leonora.

--Leoning, malaon nang ang palad ko ay nasa kandungan ng dusa.
Nguni't kailan ko pa kaya matatamo ang pagasang maituturing kong
ligaya ng aking buhay? Katulad ko Leoning ay isang bulaklak na
nalalanta at ang tanging makapagpapasariwa, lamang ay ang hamog ng
iyong kaawaan.

Datapwa't ang binibini ay patuloy sa kanyang pagkapipi; hindi pa rin
sumasagot, kaya si Eduardo ay muling nangusap.

--Leoning, kailan pa? Maanong sa ngayon ay idulot mo na at kung
hihintayin mo pa ang bukas, oh! Leoning, sa aba ko ay wala na! Tila
isang libingang napakapanglaw ang kahihinatnan ng palad ko. Kaya, kung
may paglingap ka ay igawad mo na ngayon sa akin.

Ang ganitong mga pangungusap na binigkas ni Eduardo ay parang lubos na
tumagos sa kaibuturan ng puso ni Leoning. Sa gayon, si Leoning ay
nagkaroon ng awa at tila ganap na nahabag sa anyong kanyang namalas
kay Eduardo. Naawa siya. Nguni't ang kasagutang bibigkasin ay parang
nabitin sa kanyang labi. Pinagaalinlanganan niya ang pagbigkas sa
matamis na salitang "OO" para sa isang Eduardo, kaya't pinigil pa rin
niya at di binitawan.

Ang mga sandaling yaon ay siyang huling gabi ng kanilang paguusap, at
kung maulit man ay maluluwatan na pagka't sa kinabukasan ng araw na
yaon ay patungo ng Maynila, si Eduardo, sa dahilang panahon na naman
ng pagbubukas ng mga paaralan. Hindi na niya maaaring magawa pa ang
dating pagdalaw kay Leoning na walang liban tuwing hapon.

Kaya't boong pagsusumikap ang ginawa ni Eduardo, upang kung maaari
lamang tamuhin niya ang kanyang mithing makamtan; ang pagibig ni
Leoning bago lisanin ang sariling bayan. Kaya't sa gitna ng
paghaharing yaon ng katahimikan ay pamuli siyang nangusap:

--Leoning, ano ang kahulugan ng di mo pagsagot na ito sa akin?
Niwawalang bahala mo kaya pagka't akong kaharap mo ay isang abang
maralitang Eduardo lamang na di dapat pansinin?

--Eduardo, bakit ka nagsalita ng ganyan?

--Leoning, hindi ba katotohanan ang aking sinabi?

--Eduardo, huwag mong pasakitan ang aking puso. Oo, iniibig kita. Ikaw
lamang ang buhay ko.

--Leoning, salamat, diyata...?

--Eduardo, asahan mong boong puso kitang iniibig.

--Leoning!!!

--Eduardo!!!

Walang naitugon ang binata sa dalaga kundi isang halik sa mapulang
labi at isang mahigpit na yakap. Kay papalad na mga puso! Salamat at
walang nakasaksi sa kanila kundi ang mga bituin at ang kabilugang
buwang sa kaliwanagan ay parang nakabitin sa langit.

--Eduardo, baka pagkatapos ng lahat ng ito ay pabayaan mo ang aking
palad?

--Leoning, alalahanin mong libingan ang kasasadlakan ko kapag nagmaliw
ang aking pag-ibig.

--Eduardo, baka....

--Leoning, maniwala ka.

--Baka sabi mo lamang ang lahat ng iyan.

--Leoning, malasin mo ang mga bituin, malasin mo ang buwang iyang
nagsasabog ng kaliwanagan--iyan, iyan ang mga tangi kong saksi.

--Masasaksi mo nga iyan; nguni't hindi mo ba naaalaala na ang buwang
iyan ay naglalaho kung sinasaputan ng ulap? Ganyan din naman ang
iyong pagibig na mangyayaring maglaho pagdating ng panahon.

--Huwag mong pahirapan ang aking puso. Alalahanin mong ang puso ko ay
katulad ng isang bulaklak na kapag hindi nadilig na isang umaga ay
nalalanta; kaya't kung malanta nga ang paglingap mo, ay! sa aba ko ay
wala nang pagasa kundi ang tunguhin ang huling hantungan ng lahat.

--Eduardo, ang lahat ng iyan ay masasabi mo; nguni't pagdating mo
marahil sa Maynila, ay pawi nang lahat sa iyong alaala ang mga
pangungusap mong iyan sa harap ko.

--Leoning, balintuna ang iyong hinagap. Alalahanin mong sa kaibuturan
ng puso ko ay isa kang bulaklak na pinakakaingatan at laging dinidilig
ng aking pagmamahal.

--Eduardo, marahil ay malilimot mo rin ang lahat ng iyong mga
pangungusap. Kung nasa piling mo na marahil ang magagandang bulaklak
sa Maynila, na, pugad ng mga pusong uhaw sa hamog ng ligaya ay
lilimutin mo na ang lahat ng ito.

--Leoning, huwag mong pangarapin ang ganyang mong hinala; alalahanin
mong ang paglisan ko bukas ay nangangahulugan ng mapait na gunitain.

--At marahil, sa paglisan mong iyan ay limot mo na ako sa alaala.

--Leoning, alamin mo na mula sa mga sandaling ito ay nakatitik na sa
kaibuturan ng aking puso ang iyong pangalan.

--Oo, nguni't pagdating sa Maynila, ay pawi na.

--Leoning, namamali ka; ang sabihin mo'y hanggang libingan.

--Hanggang libingan na di mo na maaalaala ang iyong pangako? Marahil
nga....

--Leoning, saan man mahantong ang aba kong palad ay di maaaring
mawalay sa gunita ko't alaala ang larawan mo.

--Isinusumpa mo kaya ang lahat mong mga pangungusap na iyan?

--Leoning, sumpa ko.

--Hanggang....

--Hanggang hukay Leoning ko!

--¡...............!

--Leoning!

--Eduardo!

--Habang buhay!!!

--Hanggang libingan naman!

--Hindi ka kaya makalimot?

--Habang tumitibok ang puso ko.

Saksi nila ang mabituing langit. Ang liwanag ng buwan ay parang
nalulugod na bumabati sa kanilang pagkamapalad. Ang simoy ng hangin ay
parang nagbabalita sa madla ng pagkamapalad ng dalawang puso: ni
Eduardo at ni Leoning. Ang halimuyak ng mga bulaklak na nasa bakurang
mahalaman ay tila naghahatid ng samyo at kabanguhan sa kahilang
paguulayaw.

Kay papalad!

Dalawang pusong nagkakaisa ng tibukin. Si Eduardo ay naliligaya sa
piling ni Leoning. Si Leoning ay nalulugod sa harap ni Eduardo. Si
Leoning ay isang mabangong bulaklak na humahalimuyak kung nagbubukang
liwayway. Si Eduardo naman ay isang paruparung nagkapakpak na uhaw sa
katamisan ng nektar at bango ng pag-ibig.

Ang gabing yaon ay parang isang langit na mabituin at puno ng mga
pangarap at pagasa kay Eduardo. Kung pagkuruin niya ay tila siya na
lamang ang pinakamapalad at pinakamaligaya sa sangdaigdig. Laging
sariwa ang ngiti. Naging masigla siya buhat ng mga sandaling bitiwan
ni Leoning ang oong kanyang malaon nang ninanais makamtan. Kay palad
nga naman niya! Tinamo rin niya sa kabila ng pagod at masasaklap na
pagtitiis ang ligaya ng kanyang puso.

Samantala, si Leoning ay nalulugod din naman sa kabilang dako. Pusong
umiibig sa kapwa puso ay pusong naliligaya. Kay tamis dilidilihin!
Isang batisang pinagmumulan ng mga pangarap at kaaliwan para kay
Leoning ang kanyang puso sa dahilang siya'y umiibig.

Datapwa't sa pagkalugod ni Leoning ay parang nakatatanaw siya sa
kabilang dako ng manipis na ulap: nalulugod siya sa harap ni Eduardo,
nguni't iilang sandali na lamang ang itatagal ng kanilang paguulayaw
at pagpapalitan ng ngiti at titig. Matatapos na ang paguusap nang
lihim ng kanilang mga mata kung sakali't nahihinto ang kanilang
paguusap. Kinabukasan ay hindi na mauulit ang ganito. Aalis na si
Eduardo at ang pangyayaring ito ay tila isang tinik na susubyang sa
kanyang puso. Magkakahiwalay silang maluwat. Kay lungkot na mga
sandali!

Kay Eduardo man ay gayon din. Parang subyang na dumuduro sa kaibuturan
ng kanyang puso ang gayong paghihiwalay. Ilang saglit na lamang at
sila'y magpapaalaman.

--Leoning, huwag sanang magbabago ang iyong damdamin.

--Eduardo, huwag ka sanang makalilimot sa iyong sumpa.

--Leoning, aalis na ako. Huwag ka sanang magbabago ng kalooban at
alalahanin mo sana akong parati.

--Eduardo, ipinababaon ko ang aking pagmamahal sa iyo. Alagaan mo
sanang lagi at ako ay iyong alalahanin.

--Leoning, Leoning, hanggang hukay.

At isang mariing halik at mahigpit na yakap ang nailagda ni Eduardo
kay Leoning. Salamat na lamang at walang nakasaksi sa kanila. Ang
dalawang batang kasama ni Leoning at saka ang matandang kanyang ali,
ay salamat at paraparang nagsisipaghilik ng mga sandaling yaon at kung
hindi sana ay di nila magagawa ang gayon.

Habang naaabot ng tanaw ni Leoning, si Eduardo ay di nagbabago ang
pagkakatitig ng binibini. Sa palagay ni Leoning ay parang isang
dapit-hapon ang gayon. Dinalaw rin siya ng munting pagkalungkot. Isang
tanaw pa ang inihabol ni Leoning, nguni't, oh! wala na....

Pagdating ni Eduardo sa sariling tahanan ay nagbihis ng kanyang damit
na pangpahinga at bago natulog ay idinalangin at sinabi ang ganito:

--Huwag nawang makalilimot si Leoning sa aming sumpaan!




II


Dalawang buwang singkad ang lumipas mula nang lisanin ni Eduardo ang
sariling bayan.

Si Eduardo ay parating tumatanggap ng mga sulat na buhat kay Leoning.

Si Eduardo ay palagay ang loob. Ang kanyang pagaaral ay lalong
sinisikap upang sa wakas ay magtamo ng tagumpay.

Lalo at lalong sumisigla ang kanyang katawan. Lubos na nasisiyahan.
Kay palad na Eduardo nga naman! Lagi nang sa mga huling titik ng mga
liham na kanyang tinatanggap ay di nawawala ang matatamis na alaala ni
Leoning, na, siyang lubos niyang nagiging kaluwalhatian.

"--Tanggapin mo ang matatamis na alaala at walang kupas na pagmamahal
ng iyong Leoning na sumisinta hanggang hukay."

Ganyang mga pangungusap ang lagi nang tinatanggap at nababasa ni
Eduardo kung sumusulat sa kanya si Leoning.

Kay tamis nga namang magaalaala ni Leoning!

Kaya't gayon na lamang ang kasiyahang loob ng binata. Iyan ang tangi
niyang nagiging kaligayahan sa lahat ng sandali ng pagiisa.

Ang bawa't pangungusap ni Leoning ay di pinangangawitang basahin.
Minsan ... makalawa ... makaitlo ... Kung tinititigan niya ang sulat
mula sa binibini ay waring siya'y nakikipagusap. Anong tamis nga
namang magmahal ni Leoning!

Si Leoning ay isang binibining katutubo ang kayumian. Ang kanyang
puso ay minsan lamang kung sumumpa sa kanyang iniirog, bukod sa
maganda at mabait.

Nguni't sa pagiisa ni Eduardo ay kanyang naiisip na matagal pang
panahon bago niya masisilayan ang mukha ni Leoning.

Iyan ang mapait dilidilihin para sa kanya. Kailan pa niya makikita ang
mukha ng kanyang kasintahan? Kailan pa?

Kailan pa kaya niya makikita ang kanyang ilaw at buhay? Kailan niya
makikita ang titig na mapangakit ng kanyang Leoning?

Kay pait nga naman ng ganito!

--Ano kaya ngayon si Leoning? Naaalaala rin kaya niya ako paris ng
ginagawa kong pagaalaala sa kanya?--ang madalas nasa pagiisa'y
naitatanong ni Eduardo sa sarili.

Oh! ang puso nga namang nalalayo sa sinisinta!

Para kay Eduardo ay lalo't lalong nananariwa ang pagkasabik na kanyang
makita si Leoning. Kaya't madalas niyang masabi sa sarili:

--Huwag nawang maglalaho ang kanyang sumpa!

Nalulungkot siya sapagka't ang kanyang kasintahan ay nasa malayong
hindi maabot ng kanyang tanaw. Ang kanyang puso ay nangungulila sa
madlang kaaliwan. Ngayon niya nadadama ang sakit ng malayo sa
kasintahan. Walang kasing pait!

Baka nga naman pagdating ng panahon ay ganap na siyang limutin? Anong
malay ng isang Eduardo, na, nasa malayo?

Oh! kaawaawang Eduardo kung magkakaganito!

Pati yaong gabi ng mga sandaling sila'y nagpapaalaman ay waring
sumusurot sa kanyang alaala. Maaaring sa isang iglap nga lamang ay
ipagwalang bahala ni Leoning ang gayon. Maaari ngang mangyari ang
lahat ng mga hinagap na ito.

Sukat ng maalaala ni Eduardo ang kanyang bayan ... Maari ngang ang
isang Leoning ay ganap na makalimot. Maaari nga sapagka't doo'y
maraming mayayamang binata. Maaaring si Leoning ay mabihag ng iba.

Paano nga naman ang isang Eduardo, kung ang isang Leoning ay lumimot
pagkatapos?

Kaawaawang binata!

Oh! ang puso nga namang nalalayo sa kapuwa puso!

Mangarap na lamang at umasa. Manalig sa pagasang ikinakalat ng
bubukang liwayway pagsikat ng araw.




III


Bulaklak na uhaw sa patak ng hamog sa kaumagahan at anyung nalalanta;
kampupot na ang kabanguhan ay humahalimuyak nguni't ang kasariwaan ay
waring naluluoy na,--katulad ng isang talang untiunting tinatakasan ng
liwanag,--ganyan, ganyan ngayon ang kaparis ni Leoning.

Ang kanyang puso ay waring may subyang. Nangungulilang lubos sa mga
kaaliwan sa buhay. Sa kanyang pagiisa ay madalas na pumapatak na
lamang ang masasaklap na butil ng luha--luhang tila perlas na
dumadaloy sa kanyang mga pisngi. Kay pait ng mga sandaling mangulila
sa kasuyuan!

Apat na liham na ang kanyang ipinadala kay Eduardo, nguni't kahit
isang kasagutan ay di siya nagtatamo man lamang. Nasaan nga naman ang
dating paglingap ng ating binata? Bakit parang kasing bilis ng kidlat
na naglaho? Nasaan ang kanyang dating paglingap kay Leoning? Nilimot
na kaya niyang lahat?

Datidati nga naman agad siyang sinasagot ni Eduardo. Datapuwa't
ngayon? Oh! parang ulap ang pagasang siya'y makatanggap ng sulat mula
kay Eduardo. Bakit sa apat niyang liham ay wala siyang natatamong
kahit isang sagot? Kahabaghabag na Leoning!

Si Leoning ay napapaluha na lamang halos sa bawa't sandali. Ang
kanyang puso'y lihim na tumatangis. Si Eduardo nga nama'y kay daling
lumimot!

At, ngayon ay boo na sa kalooban ni Leoning na sadyang siya ay
nilimot ni Eduardo. Aling puso nga namang tulad ni Leoning ang hindi
tumangis? Aling kaluluwa ang hindi dalawin ng lungkot kung gayong
maulila sa kanyang kasuyuan?

Aling bagay pa kaya ang kalungkotlungkot gunitain sa isang damdamin
paris ng maulila sa pagiibigan? May masakit pa kaya sa isang pusong
may malinis na pagibig paris ng limutin ng kasintahan? May puso kayang
makapagtitiis na hindi lumuha dahil sa paglimot ng isang sinanglaan ng
wagas na pagibig? Aling puso ng babai na may malinis na pagibig ang
hindi maghimutok sa paglimot ng isang irog?

Eduardo, diyata't ang sumpa mo'y napatulad na lamang sa asong matapos
tangayin ng hangi'y napauwi sa wala? Napatulad na lamang kaya sa
paglubog ng araw sa pagdadapit hapon na hindi na muling sisikat? Ay!
alalahanin mo ang aking palad! Sa aba ko! Diyata't papagtitiisin mo ng
hirap ang isang pusong umiibig ng tapat? Oo, hindi kumukupas sa puso
ko ang banal kong pangako: iniibig kita, iniibig kita! Nguni't, oh
palad!

Naghihimutok ang kanyang damdamin sapagka't buo na ang kanyang
pananalig na siya ay nilimot ng kanyang irog, ng kanyang minamahal ng
higit sa buhay: si Eduardo.

Sadyang si Leoning ay isang dalagang uliran sa pagibig. Minsan lamang
kung sumumpa sapagka't siya ay may dangal at may puri. Ngayon ay
nadadama niya ang hirap ng isang umiibig na nalalayo sa piling ng
kanyang kasintahan.

Sa tabi ng bintana ay madalas mapatigil ang kanyang pagbuburda na
malayo ang titig at waring may malalim na iniisip.

       *       *       *       *       *

Noo'y isang masayang umaga.

Walang anoano'y isang autong "Buick" ang huminto sa tapat ng kanilang
bahay. Ang autong ito ay galing sa Maynila. Sino ang lalaking sakay?
Ang kasintahan kaya ni Leoning? Si Eduardo kaya? Kaya't matamang
pinagmasdan ni Leoning ang sakay samantalang umiibis sa sasakyan.

Nguni't ang hinalang yaon ni Leoning ay nabigo. Yao'y isang lalaking
matanda na: ang kapatid ng ali ni Leoning, si mang Alejandro.

--Tuloy po kayo--ang pagdaka ay nawika ni Leoning--Bah! si mang
Andoy--at tuloy tinawag ni Leoning si aling Rita, na, noo'y na sa
silid ng tahanan at nagaayosayos ng ilang mga damit na tahiin.

--Aba, si Andoy--ang boong galak na nawika ni aling Rita--ano kumusta
ang dalawang bata na ipinadala ko sa iyo? Kumusta sila roon?

--Mabuti naman sa awa ng Diyos--ang sagot ng kausap--pinapagaaral ko
sila sa "Tondo Primary School" na siyang pinakamalapit na eskuelahan
sa bahay.

--Di mabuti kung gayon.

--Rita, kaya ako naparito ngayon, ay, upang sabihin ko sa iyo kung
maaari ay ikaw na sana ang aking maging taong bahay sapagka't lubhang
napakahirap sa akin ang walang kasama dahil sa ako'y nagyayaot-dito sa
mga kalapit na lalawigan. Napakahirap ang _magnegocio!_ At, upang ikaw
na tuloy ang mamahala sa dalawang bata.

--At pasa sa Maynila ako? Di kung gayon ay ipagsasama ko na pati ang
batang ito--sabay turo kay Leoning--pagka't wala iyang kasama rito.

--Mangyari pa.

--Nguni't anong magagawa niyan doon Alejandro, ay sa narito ang
kanyang pinagkakakitaan: ang manahi at magburda ng damit.

--Ah, at marunong ba siya?

--Oh! tingnan mo ang kanyang mga gawa--at ipinakita noon ang
niyayaring burda ni Leoning.

--Sa Maynila ay malaking higit sa rito ang makikita ng batang iyan.
Oo, ipagsama na natin, ¿bakit hindi mo agad ibinalita sa akin, di
sana'y nakasahod na iyan ng malakilaki? Oo, ako ang bahala, ipapasok
ko agad siya sa pagawaan riyan sa Maynila.

--Kung gayon ang lahat ay maaari.

Anong galak ang tinamo ni Leonora! Oh Maynila! Gayon na lamang ang
pagkatuwa niya dahilan sa sasapiting walang pagsala ang pook ng aliw
... ang Maynila! Sasapiting walang pagsala ang laging
napapangarap--ang kinalalagyan ng kanyang irog: ni Eduardo.

Anong ligaya nga naman ng gayon sa puso ni Leoning! Nananariwang tulad
ng sampagitang humahalimuyak ang naging malulungkutin niyang kalooban
pagka't makikita niyang walang pagsala si Eduardo.

Ang lahat ay wala ng pagkaurong. Ang mga daladalahan nina Leoning at
aling Rita ay handa ng lahat. Ang lahat ay ayos na.

Kay palad na pusong magkakaisang bayan at di na paris ng dating ang
kanilang pagkakalayo ay napapagitanan ng malalawak na kaparangan,
matatarik na bundok at mahahabang tanawin!




IV


Sa tapat ng isa sa mga restaurant sa daang Juan Luna, sa pook ng
Tundo, ay nagsilunsad mula sa isang auto ang tatlong binata at doo'y
nagsitungga ng serbesa. Sila ay sina Jose, Pako at Eduardo.

Sa harap ng isang mesa ay maligaya silang nagsisipagusap:

--Pako, bakit mo nakilala ang dalagang yaon?

--Kilala ko siya, nguni't hindi ko lamang kabatian. Hindi ko pati
nalalaman kung ano ang kanyang pangalan.

--Kailan mo pa siya nakita?

--Hindi na marahil ngayon kukulangin sa isang buwan.

--Eduardo--ang sabad naman ni Jose--tila may ibig sabihin ang mga
pagkikita ninyong yaon. Hindi ba?

--Iyan ang dalagang sinabi ko sa iyo kaninang tayo ay magkausap sa
tabi ng dagat.

--Ah! iyan ba?--at kinamayan ang kausap ng boong galak--Sadyang may
suerte ka kaibigan.

--Ah, Eduardo--ang sambot naman ni Pako--sadyang ang ganda lamang ng
dalagang yaon ay sukat na. Buhat pa ng unang makita ko siya dito sa
Maynila ay lubos na akong humanga sa kanyang pagkamabining kumilos.
Talagang may suerte ka nga naman kaibigan.

--Nguni't ako'y walang malay na siya ay naririto.

--Kung nalaman ko ba lamang agad--ang--tugon ni Pako--naibalita ko
agad sa iyo.

--Sana nga; sayang na sayang.

--Bakit naman siya naparito sa Maynila?

--Iyan nga ang di ko maalaman.

--Pako, hindi mo ba alam kung saan nakatira?

--Ang matandang may-ari ng kanyang kinatitirahan ay kilala sa tawag na
Don Alejandro. Siya ay isang mayamang sa Tundo.

--At, sa akala mo kaya ay talagang mariwasa?

--Sa palagay ko, sukat na ang sa kanyang kilos ay makilala. Ang autong
kihalululanan ng binibining ating nakita ay pagaari niya bukod pa sa
ang matandang yaon ay madalas kong makitang kasama ng mga matataas na
taong nabibilang sa mga lalong kilalang lipunan na kadalasan ay mga
kilalang abogado at kinatawang bayan.

--Nguni't sa akala mo naman kaya ay di tayo kaabaan na makayapak sa
kanilang tahanan?

--Nasa iyo iyan kaibigan.

--Kabatian ko ang binibini, isa pa ay tunay ko siyang kababayan.
Marahil ay hindi naman tayo mahihiya.

--Kung gayon ay may pagasa tayong makapanhik; nguni't aywan ko lamang
... hindi ko pa rin lubhang natataho ang kaugalian ng matanda.

--Kung gayon ay anong mabuting paraan upang sila ay ating makatagpo
ngayon?

--Tumungo tayo sa amin--ang anyaya ni Pako sa dalawa.

At makatapos makapagbayad ay nagtindigan na sila at nagsisakay na
pamuli sa auto.

Sumapit sila sa tahanan nina Pako, sa may Liwasang Moriones, Tundo.
At, palad! gayon na lamang ang pagkagalak ni Eduardo pagka't ang
tahanang yaon ay katapat ng tahanang kinatitirahan ng kanyang irog: ni
Leoning.

--Pako, at tapat pala nitong inyo ang kanila?

--Oo, malasin mo ang ganda ng pagkakaayos ng tahanang iyan.

--Oo, nga kay ganda!

At bagama't hindi pa napapanhik ni Eduardo ang kinatitirahang yaon ni
Leoning ay gayon na lamang ang kanyang paghanga sa pagkakaayos.

Palibhasa'y ang mga bintana ay nakabukas na lahat kaya't ang ganda ng
pagkakaayos ng ilang bahagi ng loob ay di naging kaila sa paningin ng
ating binata.

At, dumating na ang ikawalo ng gabi. Di pa nagsisidating ang
hinihintay nina Eduardo: ang paguwi nila Leoning. Inip na inip na si
Eduardo. Sa mga gayong oras ay dapat nang magsiuwi sila sana,
sapagka't matagal nang tapos ang tugtugan sa Luneta. Lahat ng mga
taong nabuhat doon ay paraparang nasa kanila ng pamamahay.

Nguni't walang ano ano'y sa darating ang isang auto. Anong galak ni
Eduardo! Halos mapalundag sa tuwa pagka't sila ay magkakatagpo.

--Halina at salubugin natin sina Leoning.

At, sila ay sabaysabay na nagsipanaog dahilan sa pagasang sa pagibis
ng sakay ay aanyayahan sila ni Leoning, na pumanhik muna, sa kanilang
tahanan. Hindi maaaring sila ay mapahiya sapagka't si Eduardo ay
kilala ni Leoning at bukod pa sa rito'y kilala rin siya ni aling Rita.

Datapwa't kay laking kasamaang palad! Nabigo ang kanilang pagasa.
Bakit? Ang autong tumigil ay walang sakay kundi ang Tsuper. Saan
naroon sina Leoning, ang ali at ang matandang lalaki na kasama nito
kanina sa pagliliwaliw sa Luneta, na pinagkatagpuan nila ni Leoning,
na daglian?

Kay samang pagkakataon!

Isang pagkabigo na naman ang naging palad ng ating binata.




V


Gayon pala ang mangyayari kung sila man ay pagkita ni Eduardo:
Magkatanaw-tama na lamang ang kanilang mga titig. Nagkasalubong sila,
datapwa't parang walang ano man. Magkakausap ba sila ay kapwa matuling
ang autong kinasasakyan?

Ganyan ang nangyari kanikanina lamang na sila ay magkita sa masayang
liwaliwan sa Luneta.

Ah, kaya madalas ay nanginginip din siya! Iilan pa nga naman ang
kanyang nagiging mga kakilala. Ang kanyang kabuhayan ay di nakatatamo
ng dating ligaya paris ng nasa sariling bayan. Wala na nga namang
napakatamis sa damdamin paris ng nasa sarili.

Bagama't noong una ay halos mapalundag siya sa katuwaan sa pagsapit ng
Maynila, ay nang nalalaon na ay dinalaw rin ang kanyang puso ng
pagkalungkot. Para sa kanya ay wala ring halaga ang maririkit na
tanawin na kanyang nakikita sa Maynila, paris ng makita niya ang
kanyang kasintahan. Ang mga panooring makabago sa kanyang pangmalas ay
para bang madali niyang pinagsasawaan. Ang mailaw na siudad ng Maynila
ay di niya maituring na kaligayahan ng puso.

Pumapasok ngayon siya sa paaralan ng mga may kasanayan sa pagbuborda.
Twing umaga ay inihahatid siya ng auto ni mang Alejandro sa kanyang
pinapasukan na nakatayo sa daang Heneral Solano, sa San Miguel.
Datapuwa't ang ganito niyang kabuhayan ay di rin makapagbigay lubos
kaaliwan sa kanyang buhay. Ang lagi niyang pinipitapita at
idinadalangin ay ang makita ang mukha ng kanyang irog: ang mukha ni
Eduardo. Datapwa't saan niya makikita si Eduardo? Ang kanyang mga
kasama sa pasukan ay pawang mga babae lamang.

Kaya't kung umagang patungo siya sa kanyang pinapasukan ay halos, ang
maraming taong nagsisipaglakad sa banketa ng mga iba't ibang lansangan
ng siudad ay isa-isa niyang pinagsusuri. Datapwa't marami ng araw ang
nakaraan ay pawang pagkabigo lamang lahat ang kanyang nagiging palad.
Hindi niya makita si Eduardo. Saan nga naman niya hahanapin? Sa
Escolta, habang siya ay dumaraan sa mataong yaon ay di rin niya
masilayan sa karamihan ng nagdadaanan. Kahit nga naman si Eduardo ay
magdaan sa kanyang tabi lamang datapwa't pag sadyang hindi sila
nagtanaw-tama ay hindi sila magkikita. Kay dami daming tao, kay
tutuling lakad pa naman.

Kahabaghabag na Leoning na sabik makita ang kanyang minamahal!

Pawang pagkabigo nga lamang ang nangyari sa kanya. Saang lipunan niya
makikita ang kanyang iniirog? Oh, Maynila iyan pala ang Maynila, iyan
pala ang iyong kahiwagaan! Kay gusot na siudad! At, si Leoning sa
kanyang pagiisa ay minsan ay nasasabi na lamang sa sariling:

--Oh, ito ba ang Maynila? Kay gusotgusot pala!

Ang lahat nga lamang para sa kanya ay pagkabigo. Ang pagasa niya noong
una, na, kanyang makikita agad ang iniibig ay parang isang pangarap
lamang. Oo, pangarap lamang pala! Kay dami daming tao ng Maynila!
Saan mo nga naman matitiyak makita agad ang isang Eduardo? Saan niya
hahanapin? Pangit para sa kalooban ni Leoning ang siya ay magsadya sa
tahanan ng isang binata. Nais niyang sukat na lamang ang sila ay
magkita sa isang pagkakataon.

Pangit nga naman kung kanyang sasadyai'y tahanan pa ni Eduardo. Nais
niyang makita ang kalagayan ng binata datapwa't hindi niya gagawin ang
magsadya sa kanyang tahanan. At, sa paanong paraan niya maaring
patunguhan ang bahay ng ating binata? Sinong magtuturo sa kanya? Oh!
ang lahat ay di maaari. Hindi niya maaaring patunguhan pagka't ang mga
iba't ibang bahagi nitong Maynila ay hindi niya nababatid. Ipagtanong?
Nguni't kanino? Hindi ba isang kahiyahiyang siya ay tutungo sa gayo't
gayong pook na ang sasadyain ay lalaki pa naman?

Hindi nga, naman mangyayari ang gayon!

       *       *       *       *       *

Hanggang sa pagdating na ni Eduardo ng sariling tahanan na hindi
malimutan ang kanyang tinamong pagkabigo, na, kanyang inaasahang sa
gabing yaon ay magkakatagpong walang sala sila ni Leoning.

Kay pait na kapalaran naman para sa kanya ng gayon!

Gayon na lamang ang kagalakan ng loob noong una pagka't nagkaroon siya
ng magandang palad na maalaman ang kinatitirahan ni Leoning at lubos
na sa sarili ang pagasang sila ay magkikita. Anong buti nga namang
pagkakataon ang kanyang sinamantala datapwa't hindi rin nagtagumpay!

At, ang kanyang hangad na pakikipagkita kay Leoning ay nawalang
saysay. Nabigo siya ... Saan nga naman napunta sina Leoning, si aling
Rita at ang matandang lalaking kasama nila: si mang Alejandro? Bakit
nang dumarating na ang auto ay hindi sila sakay? Saan kaya sila
nangaroon ngayon?

Saan nga naman naroon? Saan kaya natin hahanapin? Saang bahagi ng
siudad sila nagsipunta? Saan natin hahanapin sa magusot na siudad ng
Maynila?

Baka sakaling inaanyayahan ng mga kaibigan ni mang Alejandro? Baka
kaya napapadalo sa isang kasayahan? Aywan natin. Malapit nga marahil
na magkatotoo ang ganito. Si mang Alejandro ay maraming kaibigan sa
siudad. Madalas ang siya ay anyayahan ng kanyang mga kaibigan. Sa mga
liwaliwan, sa mga sayawan ay di nawawala ang matandang ito. Nguni't
saan bahagi ng malawak na siudad naroon ngayon sila?

Sa isang maaliwalas na tahanan na natitirik sa daang San Marcelino ay
kasalukuyang naghahari noon ang isang masiglang sayawan. Ang tahanang
yaon ay lubhang napakaganda ang pagkakaayos na nasa loob pa mandin ng
isang halamanang maraming mga bulaklakan ang mga palibot. Ang tahanang
yaon ay mapagkikilala na isang mariwasa ang may-ari.

Kasalukuyan noong idinaraos ang sayawang parangal sa dalawang mapalad
na pinagisang dibdib: ang anak na babae ni Don Gonzalo at ang lalaki
na si Eligio Arce na isang taga Iloilo.

Ang bawa't panauhin, sa dalawang papasok sa panibagong baytang ng
buhay, ay nagsisipaghandog ng maliligayang bati. Si mang Alejandro ay
naroon. At kung naroon si mang Alejandro ay walang salang naroon din
si Leoning at si aling Rita. Di nga mangyayaring mawala.

Noo'y naghahari ang gayon na lamang kasiglahan ng sayawan. Sa bawa't
mukha ng mga panauhin ay walang ano mang kalungkutang mababakas. Lahat
ay ngumingiti.

Datapuwa't para kay Leoning, bagama't ang kanyang damdamin ay nasa
kandungan ng gayong kaligayahan, ngunit sa kanya ay walang ano man
iyon. Kung sakali mang ang kaakitakit na mukha niya ay paminsanminsang
sinusungawan ng mga ngiti ay ang mga ngiting yaon ay hindi kaligayahan
ng kanyang puso. Ngumingiti siya, nguni't sa kabilang dako ay walang
namamahay sa kanyang kalooban maliban sa kalungkutan at pangungulila
sa kanyang iniirog. Ngumingiti siya datapwa't ang kanyang puso ay
lihim na tumatangis at nalulungkot.

Nakikipagsayaw siya ng mga sandaling yaon ng nguni't hindi nasisiyahan
ang kanyang puso. Sa gayong kandungan ng mga ligaya't pangarap ng mga
pusong nauuhaw sa pagsimsim ng kaligayahan at katamisan ng buhay, para
sa kanya ay isang ulap, lalo't kung hindi niya kapiling ang kanyang
minamahal ng lalo't higit sa buhay: si Eduardo.

Halos hihirang tugtog ang hindi niya nasayawan at laging nakukuha
siyang pareha ng mga bago niyang kakilala. Karamihan pa naman ay mga
kilala't tanyag na mga kabinataan ang nagaagawang siya ang maging
palad na makasayaw. Hindi nga kaya ang isang Leoning ay magbago ng
loob sa gayong mga pagkakataon at limutin ang isang Eduardo? Mga
kilala at tanyag na mga tao pa naman ang waring nagsisipaghagis sa
kanya ng mga irap na may kahulogan at ibig sabihin. Hindi kaya siya
makalimot pagdating ng ilang araw sa kanyang sinisintang si Eduardo?
Hindi na kaya siya mabihag ng ibang binatang naaakit ng kanyang dilag
at kagandahan?

Ilang mga binata na ang sa kanya ay naguunahang makipagsayaw datapwa't
siya ay laging may kapareha. Ang gayon ay isang napakahiwaga.

Kaya't dalawang binatang waring lubos na nasasabik makasayaw si
Leoning ang naguusap ukol sa binibini.

--Kung ako lamang ay magkakapalad na makasayaw sa dalagang yaon ay kay
palad ko na.

--Ako man--ang sambot naman ng kausap.

--Napakaganda kung kumilos, ano hindi ba?

--Oh! kilos ba lamang? Pati mga titig niya ay lubos ng makabaliw sa
isang puso.

--Ang ngiti man lang niya ay sukat ng makapagbigay, lugod sa iyo kung
iyo ng kapareha.

--Oo, nga kung ngingitian ka niya ay walang salang maliligaya ka na ng
gayon na lamang.

At, si Leoning nga naman ay waring isang bulaklak na namumukod sa
lahat ang katangian: tulad ng kampupot na bago lamang na bumubukad na
nagsasabog ng halimuyak. Maraming nagsisihanga at nagsisipaghagis ng
titig sa kanya.

At, habang lumalakad ang panahon, si Leoning ay lalong dumadami ang
kakilala: mga matataas na tao at marami'y mga _titulado_ pa. Hindi
kung sino sino lamang na mga binata. Ano pa't sa matataas na lipunang
lagi madalas siyang maanyayahan. Palibhasa'y si mang Alejandro ay
kaibigan ng maraming kilalang tao sa Maynila kaya't ito namang si
Leoning ay hindi rin nawawala at kasama saan mang kasayahan mapunta
ang matandang ito.

Paris nga naman nang naganyaya ngayon sa kanila, na, hindi rin
napahuhuli kay mang Alejandro. Mariwasa at maraming kumakalansing.
Kaya't si Leoning, maging sa kasuotan ay hindi napapahuli sa mga
lalong naggagaraan kasuotan palibhasa'y parang tunay na anak siya
ngayon ni mang Alejandro. Ngayon ay di naman lamang pinagagawa ang
ating binibini. Ang dating ginagawa niya noong una na magburda at
manahi ay hindi na ngayon nahahawakan.

Kaya't karamihan sa mga kaibigan ni mang Alejandro, mayaman at
matataas na tao, ngayo'y nagiging mga kakilala tuloy ni Leoning: at
nagiging mga kapalagayang loob pa.

Natapos at natapos ang sayawan at umuwi ng sariling tahanan na ang
taglay sa puso ay ang kalungkutan. Anong lugod nga naman sana kung ang
sayawang yaong lipos ng aliw ay naging kasayawsayaw niya si Eduardo?

Kaya ito ang pagkabigo ni Eduardo noong gabi sa pagasang makita si
Leoning.

Ang kanyang pagasa ay talagang nabigo. Sadyang hindi niya makakatagpo
noon si Leoning. Ang autong yaon na kanilang hinintay at maasahang
kinalululanan ni Leoning ay sadyang ipinahatid ni mang Alejandro sa
kanilang tahanan upang ipagbigay alam sa mga utusang huwag hintin ang
kanilang pagdating. Datapwa't ang autong iyon ay nagbalik din sa San
Marcelino makalipas ang ilang sandali.




VI


Si Eduardo nga naman ay walang palad!

Nang magdamag na iyon ay halos di na siya naidlip kamuntiman. Sa
pagkakita niya kay Leoning ay waring pinagiisip niya na napakahiwaga.
Anong paraan nga naman at si Leoning ay naparito sa Maynila na hindi
niya sukat akalain? May katwiran nga naman ang isang Leoning kung
sisihin ng isang Eduardo kung bakit ibinalik na lahat ang liham ng
binata. Wala nga palang totoo si Leoning sa sariling bayan. Nagtataka
ang isang Eduardo? Bakit ni balita ay hindi man lang ibinalita sa
kanya ni Leoning? Apat na liham ang nabalik sa kanya.

Napakalaking suliranin para sa kanya ang gayon! Naito pala sa Maynila
si Leoning! Bakit? anong nagbigay daan at nawili siyang manahan sa
siudad na itong puno ng hiwaga?

Sa pagkakita niya kay Leoning na waring lalong nagibayo ngayon ang
ganda kay sa noong naroon pa sa lalawigan ay siyang lalo namang
nagdudulot sa kanyang puso ng malaking pananabik at pakikipagtagpo sa
binibini.

Halos ang bawa't tunog ng orasan ay kanyang narinig sa boong magdamag.
Pilitin man niyang ipikit ang kanyang mga mata ay waring nakikita rin
niyang lagi, sa kanyang mga balintataw ang magandang larawan ni
Leoning.

Sa kanyang pagkakahimlay, ang maliwanag na sikat ng buwan ay waring
nagtatanod sa kanya. Kaya't hanggang sa sumapit na ang kalaliman ng
gabi na tahimik na ang lahat, ay nagbangon siya at ang maaliwalas at
mabituing langit na walang bahid ng ano mang ulap ay kanyang
pinagpakuan ng tingin.

Kay aliwalas nga naman ng langit noon!

Ni badha ng ano mang ulap ay walang masisinag sa kaitaasan. Kabilugan
ang buwan. Anong dikit malasin kalangitan! Waring nagdudulot sa kanya
ng lugod ng puso at kaligayahan ng damdamin. Kay sarap ng simoy ng
hangin! Anong sarap kung masanghap! Kay bango ng simoy na dala ang mga
kabanguhang humahalimuyak sa mga bulaklakan!

Ang gabing yaon ay isang gabing puno ng pangarap at tulain!

Sa kanya, ang gabi, ay waring nagpapahiwatig ng isang kaligayahan ng
puso! Waring nagbabalita kay Eduardo ng magandang kapalaran ng buhay
na puno ng pagasa. Waring ibinubulong sa kanya ang kaligayahan ng
puso. Waring naririnig niya ang mga awit ng pusong mapapalad na
nagduduyang sa bisig ng magandang kalikasang puno ng pangarap.

At ... nang magmamadaling araw na, bago siya maidlip ng bahagya ay
walang nasabi ang kanyang sarili kundi:

--Anong lugod sana kung makakapiling ko si Leoning sa pagkakataong
paris nitong gabing puno ng sariwang pagasa, ng lugod ng puso at
buhay!

       *       *       *       *       *

Kinabukasan, pagkagising ni Eduardo, ay wala nang ibang sinikap sa
sarili kundi ang paraang kanyang gagawin upang makausap ang binibini.

Kaya't wala na siyang sinikap kundi ang maghanda. Kung baga sa digmaan
ay para siyang lulusob.

Sa Tundo, kay ligayang pook!

Si Leoning ay doon naninirahan at bagama't ang pook na ito ay may
kaunting kalayuan sa kanyang tinitirahan ay naging gayon na lamang
kalapit para sa kanya. Kung noong una ay di man lang niya
kinagigiliwan paroonan, ngayon ay siyang paraiso ng kanyang puso. Iyan
ngayon ang kanyang kinagigiliwan.

Sa kanyang kalooban ay buo na ang pagasa at pananalig na makausap ang
kanyang irog. Mababatid ni Eduardo kung ano ang dahilan at si Leoning
ay naparito sa siudad. Mababatid rin naman ng ating binibini kung ano
ang sanhi ng kanilang pagkakatigilan ng pagpapalitan ng mga balita ng
kanilang pagsusulatan.

Para sa binata ay kay buting pagkakataon. Gayon na lamang ang kanyang
kasiyahang loob.

Dumating ang takdang oras.

Magara ang damit ng ating binata at bagay na bagay sa kanyang tindig.

--At, anong palad na pagkakataon--ang nawika sa sarili.

Natanaw niya sa may durungawan si Leoning.

Anong palad nga naman! Ang kanilang mga paningin ay karakang
nagkasalubong: nginitian agad siya at boong lugod na inanyayahang
pumanhik.

--Mabuti na lamang at hindi nagbabago si Leoning--ang nawika ni
Eduardo.

At si aling Rita na noo'y na sa labas ay pagdaka'y pumasok at
sinalubong ng boong lugod ang ating binata.

--Eduardo, magtuloy ka, halika--ang wika ng matanda--Ano, kumusta ka?

--Mabuti po sa awa ng Dios.

--Bakit mo nalaman itong amin?

--Hindi ko po sinasadyang mapadaan dito nguni't nakita ko si Leoning
sa inyong durugawan.

--Mabuti naman at nalaman mo ito. Pumarito ka ngang lagi.

Gayon na lamang ang pagkalugod niya sa anyayang yaon ng matanda; kay
gandang loob!

--Leoning, kausapin mo nga sila, ipagsama mo sa loob, hala pasok kayo
at ako lamang ay magaayosayos dito sa labas--ang dugtong pa ni aling
Rita.

At nagsipasok sila. Anong tuwa ng binata! Wala kundi pawang kasiyahan
sa puso ang naghahari.

Datapwa't paghakbang ni Eduardo sa loob ng kabahayan ay nagtaka at
napamangha siya ng gayon na lamang. Bakit? Ano ang kanyang nakita?
kung nababatid lamang niya! Hindi sana siya nagpunta agad kina
Leoning, nagdaan muna sana siya kina Pako at magpalipas ng ilang
sandili doon.

May panauhin pala si Leoning!

At, bakit nakikipagngitian kay Leoning? Nanggilalas siyang lalo ng
mangusap ang binibini.

--Ipagpatawad ninyo ang sandaling iyon--ang sabi ng binibini sa
lalaki. Hinagisan na lamang ni Eduardo ng tingin ang kinausap.

Ano nga naman ang kahulugan ng mga yaon? Sino ang taong ito? Ito
kaya'y kaagaw niya kay Leoning?

Nang magkatama ng titig ang ating binata at ang dinatnang panauhin
nina Leoning ay nagsalita ang binibini ng ganito:




VII


Kinararangal kong ipakilala sa iyo ang kinatawan sa lalawigang C ...
ang kagalanggalang na kinatawang Velarde.

--Eduardo de la Rosa po.

--Maraming pong salamat.

--Ang binata pong iyan ay aking kababayan--ang patulo'y ni Leoning.
Siya ay isang nagaaral dito sa Maynila at di magluluwat at
makatatatapos na sa kanyang pagaaral,--ilang araw pa't siya'y isa nang
manananggol na tatawagin.

--Ah, samakatuwid nga pala ay di nagkamali ang aking sarili sa
pagpapalagay na sila--sabay turo sa kaharap--iyan ay nakilala ko na.
Ang ngalang iyan Bbg. Leoning ay nakilala ko na noon pang mga buwang
nakaraan.

--Nakilala na ng kinatawan? At, kayo po pala ay nagkatagpo nang minsan
nila?

--Oo, lamang, ang pagkakakilala kong yaon ay di paris ng sa ngayong
kami ay nagkaabutan ng kamay.

--At, sa ano pong paraan?

--Nakilala ko siya sa isang pagkakataon.

Samantalang sa kabilang dako ay ni kaputok na salita ay di man lamang
makabigkas ang ating binata dahilan sa kanyang pagkamangha sa mga
pangungusap ng kinatawan. Bakit sinabing siya ay nakakilala ng
kinatawang yaon? Bakit nga naman ay sa ngangayon lamang sila
nagkatagpo? Sa paanong paraan siya nakilala ng kinatawang ito? Kaya't
kanyang naitanong sa sarili:

Datapuwa't ang sumagot ay ang kanya na ring sarili;

--Nakatagpo ko na kaya ang kinatawang ito?

Sinagot ng kanya na ring budhi: hindi, hindi, hindi. Hindi pa niya
namumukhaan ang kinatawang yaon.

Gayon na lamang ang kanyang pagkamangha: isang kinatawan pa ang
nakakilalang mauna sa kanya. Nagtataka siya nang gayon na lamang.

At pagkuwa'y naibulong pa rin niya sa sarili.

--Aywan ko sa kinatawang iyan kung bakit sinabi niyang ako ay kanya
nang nakilala noong pang una.

At, ang katotohanan nga naman ay sadyang hindi pa nakakatagpo ni
Eduardo ang kinatawang ito. Para kay Eduardo, hindi man lamang sila
nagkakatama ng mata kundi ng mga sandaling yaon lamang. Ang
katotohanan ay talagang hindi. Hindi pa sila nagkakatagpo ni minsan.
Nguni't sa paanong paraan nga naman at nakilala siya ng kinatawan?

Nang boong liwanag na marinig ni Eduardo ang mga huling salitang yaon
ay halos nais na niyang mangusap. Nguni't para bang ang kanyang dila
ay nadikit sa ngalangala: ni hindi makapangusap. Pinagsusuri niyang
mabuti ang kalooban ng kinatawan na baka ang gayong ginagawi ng ginoo
ay isang paghamak lamang sa kanyang pagkatao. Baka isang pagalipusta
nga lamang pagka't, sino nga ba naman siya sa harap ng isang kinatawan
gayong siya ay isa lamang hindi kilala sa mga lubhang matataas na
lipunan. Sino nga ba naman si Eduardo sa harap ng isang marangal na
tao? Sino siya?

Datapuwa't hindi, si Eduardo ay isang may magandang bukas. Hindi pa
lamang dumarating ang kanyang araw, hindi pa lamang ganap na sumisikat
ang magandang liwayway ng kanyang palad ... Oo, si Eduardo ay hindi
rin naman lubhang kaabaabaan sa harap ng kinatawang ito. May
maningning siyang bukas na hinihintay. Siya ay may maningning na
pagasang kasing uri ng lantay na ginto. Higit pa marahil sa ginto!

Kaya't, palibhasa'y taglay ng kanyang kalooban ang mapayapa at ang
malamig na pagmumunimuni ay hinintay na muna niyang pamuling magsalita
ang kinatawan.

--Malaon ko na nga iyang nakilala, Bbg. Leoning--ang patuloy ng
kinatawan--nguni't gaya ng sinabi ko na sa inyo, lamang ang
pagkakilala ko diyan ay di paris ng lubos kong pagkakakilala sa ngayon
na kami ay nagkamay.

--At, sa ano nga pong paraan?--ang agad ay agaw ni Leoning.

--Ang pagkakakilala ko ay dahilan sa kanyang kagitingang kapuripuri
para sa kanyang mga kababayan. Siya ay may maningning na pagasa sa
kinabukasan ng ating lahi.

Namula at lalong napamangha ang ating binata dahilan sa kanyang
pagaakala na sadyang siya nga yata'y nais lamang alipustain ng
kinatawang yaon. Ang ating binata ay anyung dinalaw ng poot ang loob
at sasagutin na sana niya ang marangal na kinatawan--akala niya ay
hinahamak ang kanyang pagkatao,--nguni't hinadlangan agad siya ng
ating kinatawang Velarde at sinabing:

--Hindi naman ito sa pagpuri ng harapan--ang dugtong ng kinatawan at
saka nagpatuloy.

--Ang pagkakilala ko sa inyo ay ipagtataka nga ng inyong sarili. Hindi
ba ginoong Eduardo de la Rosa?

--At sa ano pong paraan mahal na kinatawan?--ang pagdaka ay naisagot
ng tinanong.

--Karangalan ninyo at karangalan ko ang ipagtapat ang lahat. At,
masasabi ko pa ring hindi karangalan lamang natin kundi ng inyong
bayan at mga kababayan.

Gayon na lamang ang pagkamangha ng dalawang kaharap, sa kinatawang
nagsasalita at kung bakit nga nama't ayaw pang ipagtapat agad ng
lubusan ang kanyang sasabihin.

--Nang kayo ay unang makilala ko, G. de la Rosa, ay buhat pa noong
kayo ay magtamo ng _First Prize_ sa ginanap na talumpatian ng mga
nagtatapos sa kolegio ng pagkamanananggol sa maaliwalas na Grand Opera
House.

Nang mabigkas ang ganitong mga pangungusap ng kinatawan ay saka pa
lamang nagluwag ang dibdib ni Eduardo at halos ang humalili sa kanyang
pusong kanikanina ay waring may poot ay gayon na lamang kasiyahang
loob. Totoo nga ang sinabi ng kinatawan.

--Kaya Bbg. Leoning, hindi sa pagpuri ng harapan ay masasabi ko sa
inyong si G. de la Rosa ay isang mapagwagi sa katalinuhan na siyang
karapatdapat putungan ng laurel ng tagumpay.

At pagkasabi nito ng kinatawan ay tinapunan ng isang tingin ng ating
binibini ang binatang pinapurihan. Ang tinging yaon na may kahalong
ngiti ay nangahulugan para kay Eduardo ng isang pangarap na puno ng
pagasa at buhay. Isang kinatawan ang pumupuri sa kanyang pagkamatalino
sa harap pa naman ng isang paraluman. Gaanong lugod at kagalakan sa
puso ang gayon!

Purihin ng isang kinatawan? Kay palad na pagkakataon!

--Kaya gining Leoning, kung hindi sila magagalit sa aking pagpuring
ito ay ipagpapatuloy ko.

--Mahal na kinatawan, wala kayong dapat alalahanin sa isang abang
lingkod ninyo--ang sagot ng binata.

--Sila gining Leoning, ay maningning na pagasa ng ating lahi. Nasa
kanya ang dangal at pagasa ng Inang Bayan. At, upang aking
mapatutuhanan sa inyo ng boong pagtatapat ay kung narinig lamang
ninyo ang kanyang binigkas ay sukat ng magdulot sa inyong puso ng
isang alaala sa ginoong iyan, na, ang ginoong iyan ay marahil ay
masusulat sa inyong puso ang ginintuang mga habilin na malalalim at
may kahulugang mga pangungusap.

Opo, ang bawat taong mga naroon na nakikinig, nang mga sandaling yaon
na binigkas niya ang talumpati ay naghabilin sa lahat ng diwa ng mga
dakilang aral at mga may kahulugan at ginintuang kaisipan na namulas
sa kanyang mga labi. Hindi ito isang pagkutya sa inyo G. de la Rosa.
Ako'y nagtatapat sa inyong pagkatao sa mga sandaling ito, wala nga
akong ibang nais at hangad kundi kayo ay aking makilala, maging
matalik na kasama at kaibigan. Hindi kaya pangit sa loob ninyo G. de
la Rosa?

--Maraming salamat po kung gayong ang abang palad ko ay mabibilang
ninyong isang lingkod.

--Sakaling kayo ay nangangailangan ng tulong, ay nalalaan ako kung
makakakaya.

--Gayon din po naman.

--Bb. Leoning, kaya marahil, ang lahat ay nabatid na ninyo.

--Maliwanag kung gayon ang lahat.

Para kay Eduardo ay isang karangalan niyang hindi malilimot ang gayong
pagkakatagpo nila ng kinatawan. Isang karangalan ng kanyang sarili ang
gayong pagpuri pa naman sa harap ng kanyang paraluman. Kay inam na
pagkakataon!

Samantalang para kay Leoning ay isang karangalan sa sarili ang gayong
pagkabatid niya sa mga ginintuang damdamin ng kanyang Eduardo.
Karangalan niya ang isang Eduardo kung gayon. Nasa kanya ang pagasa at
maningning na tagumpay ng bayan at lahi.

--Ako'y naroon G. de la Rosa sa loob ng Opera nang kayo ay magtamo ng
unang ganting pala ng tagumpay ninyo. Iyan ang paraan kung bakit ko
nakilala ang inyong pangalan. Kaya hindi na ninyo ipagtataka kung
bakit sinabi kong nakilala nga kitang malaon na ay di paris ng
pagkikilala nating ngayon na pinagabot ang mga kamay. At, kung bakit
hindi napapawi sa akin gunita ang inyong pangalan? Naito: ang
talumpating yaong inyong inilaban, na, puno ng maraming kahulugan at
palaisipan ay nalathala pa sa isang pahayagang malaganap.

At nang mabatid ni Leoning ang ganito ay dagliang kinamayan ang
kanyang irog: si Eduardo at sinabing:

--Binabati kita sa iyong tagumpay na kinamtan.

--Salamat ng marami Leoning.

Na, ang pagkamay na iyan ni Leoning ay anong kahulugan na naman? Ang
puso ni Eduardo ay waring nasa tunay na tampok ng kanyang kadakilaan.
Nalulugod siya ng gayon na lamang. Lalo at lalong nagkakaroon ng
kahulugan sa puso ni Eduardo ang gayon. Tagumpay ... Tagumpay nga ang
lahat sa kanya! Halos lihim na napalundag ang kanyang puso sa galak.

Kay buting palad nga naman!

May maningning na pagasa at ginintuang pangarap ang ating binata!

Sa harap ni Leoning ay isang kinatawan ang pumuri, isang mataas na
tao.

Datapuwa't pagkalipas ng ilang saglit ay dinukot ng kinatawan sa
kanyang bulsa ang taglay na orasan at nang makitang ikaanim na pala at
kalahati ng hapon ay nagtindig siya at sinabing:

--Magpapaalam na po ako sa inyo. Saka na muli akong dadalaw rito
pagka't hindi ko na mahihintay ngayon si G. Alejandro, may mga
pagkakataon akong dadaluhan.

--At hindi na po kayo maghihintay?

--Hindi na, paalam sa inyo G. De la Rosa--at ito ay kinamayan.

--Adios po.

At kinamayan din ang binibini at pagkakuwa'y nagpaalam din kay aling
Rita, na, noon ay nasa labas.

At, tuloy tuloy nang nagpaalam ang ating kinatawan.




VIII


Sa piling ng isang Leoning ay lalong dumakila ang isang Eduardo.
Lalong naging maningning ang kanyang pagasa. Kay buti nga namang
idinulot ng pagkakataong yaon! Sa harap ni Leoning ay naging isa
siyang dakila, isang bayani na pinuputungan sa ulo ng masaganang
laurel. Purihin siya sa harap ng kanyang paraluman, ay anong tamis sa
isang kalooban ng binata! Sa pakiwari niya ay walang kasing halaga,
walang kasing uri,--nasa tampok siya ng gintong tagumpay at
pagkadakila,--dangal ng kanyang sarili at kapurihan sa harap ng sino
mang tao.

At, ngayon sa harap ni Leoning ay siya'y isang bayani. Isang bayani
siya na sa pakikidigma ay nagwagi na taglay ang laurel ng tagumpay....
Sa harap ni Leoning ay naging mahalaga siya; lalong naging dakila sa
puso ng kanyang paraluman. Si Eduardo, ngayon, ay siyang pagasa at
dangal ng kanyang irog: ni Leoning. Siya ang pagasa, ang pagibig, ang
buhay....

Samantalang sa kabilang dako naman, si Leoning ay siyang sulo sa
piling ni Eduardo, siyang liwanag at tanging aliw ng puso. Para kay
Eduardo ay isang maulap na langit ang titiisin niya kung wala si
Leoning. Kung maglalaho si Leoning ay isang libingan, isang yungib na
di man lamang inaabot ng sikat ng liwanag, isang langit na wala kahit
isang bituin.

Kaya mauulit ngang magbalik ang lahat! Sila ay magkakangitian,
magkakatitigan ng mga mata, magkakabatiran ng mga lihim ng puso!

At, makalipas ang ilang sandaling makapagpaalam ang panauhin ay
napagisa na lamang silang dalawa. Nang mga sandaling yaong kanilang
sinasarili na ang pagsasalitaan ay waring ang naguumapaw sa kanilang
puso ay ang pagkalugod ng isa't isa. Nagkakahiyaan noong una
datapuwa't ilang saglit lamang ay nagiba na ang kanilang damdamin:
waring naguusap ng kusa ng tapatan. Nawala ang mga sandaling kanilang
kanina ay pinapaghaharing katahimikan. Waring nangapipi ng hindi
naman. Ang naghahari sa kanilang puso ay ang pagirog, ang pagibig na
malinis. Magkapiling ngayon ang kanilang mga damdamin na waring mga
dati'y nabilanggo. Ang kanilang mga pusong malaong nagkasabikan,
nagkalayong ngayon ay mapalad na pamuling nagkatagpo.

--Leoning--ang panibukas ng binata--anong hiwaga at ang magusot na
siudad ay kinawilihan mong tunguhin?

--Nang una nga ay ni sa pangarap ay di man lamang sumagi sa aking
gunita na ito ay aking maabot, datapuwa't sadyang ganito lamang ang
panahon.

--Ni hindi ko rin nga akalain.

--Ang sarili ko man, nguni't....

--Leoning, ano ang paraan at naparito ka--ang agaw agad ni Eduardo.

--Upang ipagtapat ko agad sa iyo ang lahat at lahat ay ito: Isang
umaga, ang kapatid ni aling Rita, na, si mang Alejandro ay nagpunta sa
ating bayan at di ko nga akalain ay inanyayahan kami na sumama sa
kanya. At, matapos mapagusapan nilang dalawa ang lahat at lahat, lalo
na sa kabutihan ng paninirahan sa siudad ay siyang nagbigay daan kung
kaya't sa madali ring panahon ay iniwan namin ang sarili.

--Kaya kita tinanong ng ganito ay lubos at gayon na lamang ang
pagtataka ko sa inyong pagkaparito.

--Magtataka ka nga marahil nguni't maliwanag na ngayon sa iyo ang
lahat.

--Oo, nga Leoning, maliwanag na ngayon ang lahat, hind ko na dapat
ipagtaka.

--At, saka hindi mo na naman dapat pang pagtakhan ang ganitong
pagkaparito ko sa siudad.

--Nguni't masasabi kong lalong napabuti naman.

--At bakit, nang sa anong dahilan?

--Sapagka't si Leoning ko ay hindi na malalayong paris ng dati sa
aking paningin.

--Ah, Eduardo, at hanggang sa ngayon pa ba'y sariwa pa sa puso mo ang
lahat ng iyan?

--Bakit iyong hihinalaing malanta ang lalong sumasariwang pagibig ko
sa iyo?

--Hindi ba siyang katotohanan na limot mo na ang lahat?

--Leoning, bakit mangyayari naman ang gayon?

--At hindi ka ba nagsisinungaling sa iyong mga pangungusap?

--Kausap mo yaring puso.

--Na, sinungaling!

--Nagtatapat ng boong puso Leoning.

--Kasinungalingan!

--Kasinungalingan daw.

--Eduardo, diyata kaya't hindi?

--Nang sa anong paraan Leoning? Huwag mong pahirapan ang puso kong
malaong nangulila sa iyong harapan.

--Pahirapan Eduardo, pahirapan pa ang iyong sasabihin matapos mong
paglaruan ang aking palad na....

At di naituloy ni Leoning ang sasabihin.

--Paglalarong ano Leoning?

--Oh! di nakita mo na at ikaw pa'y magkukungwari.

--Leoning, nagtatapat ako sa iyo, ngayon ay tapatin mo naman ako.

--Eduardo, tinatapat kita.

--Na, ano?

--Dito nga naman sa siudad...!--na, waring di madugtungan ni Leoning
ang sasabihin.

--Na, ano Leoning? Huwag mong pahirapan ang aking pusong matapat sa
iyo.

--Eduardo, na di nga nagkamali ang pangarap ko noong una, ang hinagap
ko sa iyo nang ako ay nasa lalawigan pa.

--Ipagtapat mo Leoning ang lahat ng iyon.

--Na, nagkatotoo nga ang lahat na, ako'y iyong lilimutin.

--Diyata Leoning at ako pa ang pararatangan mong lumimot.

--Katotohanan Eduardo ang lahat kong sinabi.

--Leoning, pinahihirapan mo ang aking damdamin.

--Eduardo, ang sinasabi mong hirap na iyan ay wala pang ika isang
libo, paris ng ginawi mo sa aba kong palad.

--Leoning, liwanagin mo ang lahat.

--Oo, maliwanag Eduardo, ang lahat: hindi ba maliwanag pa sa sikat ng
araw ang iyong paglimot?

--Leoning, walang sangdaling nawaglit man lamang sa alaala ko, ikaw.

--At di nakita mo na nga ang iyong kasinungalingan?

--Hindi ako nagsisinungaling; huwag mong paratangan ang sarili ng
ganyan, malinis ang tibukin ng aking puso.

--Na, hindi ka nagsisinungalin?

--Leoning, isinusumpa ko!

--Isinusumpa raw!

--Tunay.

--Na, apat kong liham sa iyong ni isang kasagutan ay di man lamang ako
nagtamong tugunin kahit minsan. Hindi ba maliwanag pang higit sa sikat
ng araw? Talagang hindi nga naman nagkabula ang pangarap ko Eduardo,
na, pagdating mo na ng Maynila ay limot mo ang isang sumisinta ng
tapat.

--Leoning may katuwiran ka, nguni't hindi mo naliliwanagan ang lahat.

--Na ako pa ang malalabuan sa iyong pagsisinungaling.

--Hindi Leoning.

--Hindi, ang ako ay pahirapan?

--Leoning, oo, hindi mo nga lamang nababatid ang lahat. Kung nang mga
sandaling tinatanggap ko ang iyong liham ay makikita mo lamang ang aba
kong kalagayan, ay mapatak din marahil ang luha mo kung may habag ka
sa abang Eduardong ngayon ay kausap mo. Leoning, salamat at ako ay
hindi sadyang kulang palad pa at kung nagkataon sana ay hindi na ako
si Eduardo ngayon.

--At ano ang nangyari sa iyo Eduardo?

--Leoning, napapasalamat ako sapagka't ako ay naaalaala mo marahil
nang panahong yaon. At kung nasaksihan mo lamang nang mga sandaling
mangyari sa katawan ko ang sakuna at kung hindi ko nga nailagan
marahil ay ni isang "ay" o isang "Diyos Ko" ay hindi man ako
nakapangusap.

--At napaano ka Eduardo?

--"Nang isang hapon ay ako ay inanyayahan ng mga kakilala ko't
kaibigan sa isang sayawan sa masayang Malate. Ang sayawang yaon ay
parangal sa pagsapit ng ikalabing siyam ni Bbg. Anita Fernandez,
datapuwa't ang naging wakas nga ng kasayahan ay ang kasakunaang
nangyari naman sa akin. Hindi ko na kailangang sabihin pa sa iyo ang
mahahabang salaysaying ukol dito. At, nang kasalukuyang naghahari ang
kaligayahan ay biglangbiglang nagkagulo ang marami sa paguunahang
manaog dahilan sa isang sunog ang naging simula.

Maraming mga binibini ang nasaktan at ako nga ay inabot ng isang
malubhang sakuna. Hindi sa isang pagmamalaking loob ay tinangka ko ang
makatulong sa pagliligtas ng ilang mga mahahalagang kasangkapan ng mga
nasunugan, datapuwa't sa isang masamang pagkakataon ay isang sing
bilis ng kidlat na biglang pumatak mula sa itaas na tumama sa kamay ko
ang mabigat na pirasong kahoy, saka isang kahon, na di ko nailagan na
siya ko ring ikinalugmok agad noon din.

Napasigaw na lamang ako at sa pagsaklolo sa akin ng ilan, ay
tinulungan ako sa paguwi ng tahanan, na, ang kamay ko ay gayong
nagsisidhi ang sakit na di ko maikilos at namaga na tuloy.

Mahigit na isang buwang ang kamay ko ay may putpot at nakasabit sa
leeg ko sa pamamagitan ng damit na nakapulupot. At, sa awa ng mga
manggagamot ay mabuti na lamang at ang butong nabali ay napasauli sa
dati at lumakas.

Makalilibo kong ninais na ang ganito ay ibalita sa iyo datapuwa't ang
kamay ko'y ni hindi makahawak ng panulat. Ninais kong magpasulat sa
iba, nguni't ang budhi ko na rin ang nagpakatanggitanggi sa dahilang
hindi ko nais mabatid ng iba ang lihim ng ating puso. At, hindi ba
ikaw rin Leoning ang may sabing hangga't maililihim natin sa madla
ang malinis na pagiibigan ay di natin ipamamalay?"

--Oo, Eduardo.

--Kaya't wala akong maging paraang gawin upang ibalita sa iyo ang
gayong nangyari sa akin at saka mababatid mo na, naito ang kadahilanan
kung bakit ang mga liham mo ay di ko nasagot. At, salamat at hindi sa
ibang panig ng katawang maselan ako inabot ng gayong sakuna at kung
nagkataon sana ay hindi na ako Eduardo ngayon. Wala na ngayong Eduardo
at mababalita mong namayapa na.

At napairap at ngumiti si Leoning sa pagkasabing gayon ang kanya
sanang naging palad.

At nagpatuloy si Eduardo nang makitang ang binibini ay umirap ng
bahagya sa kanya at ngumiti.

--Maluha ka rin kaya Leoning, maluha ka rin kaya kung ako'y tinanghal
na bangkay?

--¡............!

--Leoning, maluha ka rin kaya?

--Eduardo, hindi ako ang maluluha, kundi ang paralumang noo'y
sumaklolo sa iyo.

--Nguni't kulang palad nga ako at walang paraluman noong lumapit man
lamang sa akin ... Wala akong tinatawag sa sarili kundi: Leoning!
Leoning! Nguni't ang tinatawag kong yaong ngalan ay di man lamang
nagmakaawang lumapit. Oo, wala, walang walang lumapit. Kung hindi pa
lumapit ang....

At hinadlang ni Leoning.

--Kundi ibang Leoning.

--Kundi ang mga kaibigan kong mga binata.

--At, nang ikaw ay gumaling ni balita ay di ka naman lamang nag....

--Leoning, anim na liham na paraparang ibinalik ni Bbg. Leonora.

--Na, kahit isa ay wala akong tinanggap.

--Pagka't marahil ay narito ka na sa siudad.

--Na, sa makatwid ay sinisisi mo si Leoning?

--Hindi, at naliwanagan ko ang lahat.

--Maliwanag na iyong nilimot.

--Leoning hindi mo na kailangang pahirapan ang aking puso.

--Dinaramdam mo ang hirap ng iyong puso nguni't ang abang palad ko ay
di mo namamalayang ang titiitiis ng dahil sa pagaalaaala sa iyo.

--Leoning tunay kaya?

--Asahan mong ako'y di marunong lumimot sa sinanglaan ng pagibig.

--Leoning, salamat.--At hinawakan ang kamay ng binibini na dahilan sa
galak ng kanyang puso....

Datapuwa't ang kanilang maligayang paguusap ay nahinto. Ang masaya
nilang paguusap ay nabulabog. Ang kanilang pagngingitian ay natigil,
kapwa nagulat ang dalawa. Bakit? Ano ang kahulugan noon? Isang putok
ng rebolber ang kanilang narinig. Ano ang nangyayari? At dinunghal ni
Eduardo ang bintana ay maraming taong nagkakagulo. Bakit ano ang
nangyari? Ano ang nangyaring yaong gulo na sa tapat pa naman ng bahay
nina Leoning? At, nang makita ni Eduardo ang pinagkakaguluhan ay
nakita niyang isang bisig ang inaaugusan ng dugo: sino iyon?

Subali't sa kanyang pagkakapako ng tingin sa taong yaong may sugat ay
siya namang pagkabaling ng tingin sa kanya at nang siya ay makita ay
biglang ngalan niya ay tinawag na napapahabag.

--Eduardo, tulungan mo ako halika.

Ganyang pangungusap ang kanyang narinig nang siya ay makita ng may
sugat ang bisig. Sino ang lalaking yaon; at ano ang kapahamakang yaon
nangyari? Sino ang may diwang masama na nagpatama sa bisig niya ng
punglo?

Alamin natin!




IX


Ang gulong yaon ay nakabulahaw ng gayon na lamang karaming tao. Sino
nga naman ang may kagagawan noon? Isang bisig ang inaagusan ng dugong
hindi maampat ang pagtulo. Waring lalong naghuhumapdi habang
nagtatagal. Ang ibang nakamalas sa anyong kaawaawa ng may sugat ay
halos dinalaw rin ng habag ang mga damdamin, kinaaawaan ang binatang
sawing naghihirap.

Kaya't di naglipat saglit at ang naruong nakamalas sa kalagayan ng
binata ay kaagad na tumawag ng karo-ambulansia ng pagamutang bayan
(Heneral Hospital). Ang kaawaawang kulang palad na binata ay halos
nalugmok na lamang sa lansangan. Kaawaawang binata! Ang binatang yaon
ay dili iba't ang matalik na kasama't kaibigan ni Eduardo: si Pako,
ang binatang nakatira sa tapat nila Leoning.

--Eduardo, mangyaring tumawag ka sa maykapangyarihan upang pagusigin
ang may masamang hangad na iyon sa akin.

--Pako, na paano ka? Ano ang ginawa mo at ikaw ay sinaktan ng kung
sino?

--Mapayapa akong naglalakad nang hindi ko hinihintay ay nangyari ito
sa akin.

--Sino ang may kagagawan kaya?

--Wala akong malay.

--Diyata?

--Oo, narinig ko na lamang ang putok at naging parang kidlat na
biglang tumagos sa bisig ko ang punglo.

--Pako, wala kang nakita kahit na sino?

--Walang wala nga.

Samantalang walang makaimik sa mga taong nangaroon, na, nakasaksi sa
kalagayan ng kaawaawang binata. Salamat na lamang at dinaluhan agad ng
may kapangyarihan: dalawang pulis ang madaling lumapit upang siyasatin
ang pangyayaring yaon.

Datapwa't sa pagdalo kayang yaon ay matiyak din agad nila kung sino
ang may kasalanan? Sino kaya roon ang kanilang paguusigin?

Paglapit ng dalawang pulis na magsisiyasat ay paraparang natahimik ang
lahat. Naghari ang mga sandaling walang nagsasalita man lamang. Ano
kaya at sino ang tatanungin doon? Wala namang matiyak ang tinamaan
kung sino ang may gawa ng kasakunaan umabot sa kanyang katawan.

At, ang dalawang pulis ang siyang nagtatanong ng mga bagaybagay sa
pangyayari kay Pako, kung sino ang may kagagawan noon ay walang
matiyak naman ang ating binata, sa katotohanan, hindi niya nakita ang
may masamang hangad na iyong napoot sa kanya.

Makalipas ang ilang sandali, ay dalawang malaking lalaki naman ang
lumapit, na, waring humawi sa salipunpon ng mga tao. Ang dalawang ito
ay kapwa makisig: mga sekreta pala. Sila naman ang nagkuha ng tanong
sa tinamaan, nguni't ni hindi rin matiyak kung sino ang may kagagawan.

--Sino ang may kagagawan ng ganito?

--Hindi ko po maalaman.

--Bakit pinatamaan ka ng punglo?

--Wala po akong malay; papauwi na lamang ako nang hindi ko hinihintay
ay nangyari nga ang sakunang ito.

--Mayroon ka bang kaalit?

--Wala po akong nalalaman.

--Wala ka bang nakakasamaang loob dito?

--Wala po.

--Hindi mo na matiyak kung saan nagbuhat ang punglo?

Datapwa't ang tanong na ito ay hindi nasagot ng binata. Nakatalikod
siya ng tamaan. Samakatwid ay sa kanyang likod nagmula. Nguni't hindi
rin naman niya matiyak ng lubusan. Hindi nga naman nakita niya at sa
katotohanan ay wala siyang matitiyak na sino man sapagka't nang siya
ay pauwi na ay tahimik ang kanyang loob na hindi niya hinihintay ang
gayong mangyayari. Kung nalalaman lamang niya, di sana ay nakahandang
umilag. Wala ni sino mang nasa harap niya na nakita na may maghahangad
ng gayon. Ano nga naman ang mabuti? Sino ang may pananagutan sa gayong
sakuna?

Sino nga kaya ang mananagot?

Wala, wala sapagka't ang may masamang budhi ay di nakita. Wala
sapagkat walang matiyak ang mga maykapangyarihan, kung sino ang may
kagagawan ng pangyayaring yaon. Wala, sapagka't hindi matiyak nino man
at ni hindi rin matiyak ng tunay na tinamaan. Wala, sapagka't walang
matukoy ang tinamaan: wala siyang kaalit, walang kasamaang loob at
walang nalalamang may nagmamasamang loob sa kanya.

Datapwa't hindi, kailangan ang may sala ay madakip. Hindi maaaring
walang gagawang sino man sa may kalapit din ng pook na iyon ng
pinangyarihan. Hindi mawawala roon ang nagbigay-bulahaw sa mamamayan
ng gulong yaon.

Walang salang naroroon!

Kailangan lamang ang isang mahigpit na pagsusuri at mahigpit na
pagsisiyasat. Kailangang makuha sa mga pook ding malapit doon.
Kailangang paghanaping mabuti, kailangan ang mahigpit na paguusig sa
may kasalanan. Kailangang pagusigin, ang nakapagbigay gulong yaon sa
katahimikan ng mga tao. Kailangan ang lahat ng ito.

At, hindi maaring ipaggayon gayon lamang ang pangyayaring ito.
Kailangan paghabulin ng isang kaawaawang binata ang kanyang kinamtang
kasawian. Diyata ba't kanyang pababayaan na lamang ang gayon? Oh!
hindi! Hindi niya maaaring pabayaan. Mayroon tayong pamahalaang
matatag at malaya. Na, ang isang tao, ang isang _individual_ ay malaya
at di maaring upasalain ng maling pananalig. Ang isang tao ay nasa
ilalim ng kapangyarihan ng mga batas, na, ang mga batas na iyan ay
siyang matibay na saligan at pinagbabatayan ng mga matwid ng isang
mamamayan.

Na, ang isang tao ay di dapat upasalain kung sino man siya. Na, ngayon
ay di na paris ng mga nagdaang panahon na ang nakapaghahari ay ang
lakas sa hina. Malaya ngayon ang lahat; walang busabus, walang alipin.
Lahat ay may kanyang matwid na gumamit ng karapatan sa harap ng batas
na kailan ma't ang batas na ito ay matuwid at siyang umiiral.

Na, ang mga taong lumabag sa ipinaguutos ng batas ay mapaparusahan.

Kaya't kinakailangan ng isang tao ay sumunod at sumubaybay sa
ipinaguutos ng kapangyarihan kailan ma't nababatay sa batas. At, ang
pagsunod ng isang tao, o ng bawa't _individual_ sa batas na
pinagbabatayan ay isang paraang magiging daan ng pagkakaroon ng isang
bayang payapa, ng isang bayang dakila, ng isang bayang sa sangsinukob
ay walang nakapaghahari kundi ang batas ni Bathala at ang batas na ito
ay ang pagkakapantaypantay.

Kaya kailangan ang madaling pagkilos ng maykapangyarihan. Kailangan
ang paghanap sa dapat na pag-usigin. Oo, kailangan ang lahat ng ito
sapagka't kung ipagpapaliban pa ay baka makalayo, baka lalong mawalang
bisa ang lahat ng mga paraan sa ikadadakip ng may masamang budhing
yaon. Oo, kailangan sapagka't baka ang may kagagawan noong may diwang
"Bolsibismo" ay minsan pang maulit. Baka maulit pa ang pangyayaring
yaon na di dapat mangyari sa isang bayang payapa.

At, sa pangyayaring yaon ay di nagpabaya ang mga maykapangyarihan.
Pipiliting hanapin ang may kagagawan noon. Kaya kailangan ang sila ay
magsikilos. Kailangan liksihan ang paguusig sa ikatatagpo ng nanakit
na yaong ngayon ay nawawala sa mata ng madla.

Nguni't ang lahat ng pagkakasala ay dapat pagbayaran. Alin mang may
utang ay nagbabayad. Mahuhuling walang sala, kundi man ngayon ay bukas
o dili kaya'y darating ang tadhanang araw na kanyang magiging sukdulan
upang isigaw ang lahat ng kanyang mga ginawa at masasamang hangarin.

Kailangan paghanapin ang lahat ng ito upang ang matuwid ay siyang
lumitaw sa harap ng katiwalian. Kailangan sapagka't ang matuwid ay
kailan man ay matuwid na dapat paghabulin ng isang tao ang kanyang
sinusubaybayan.

At, ang masasama ay may kanyang kalalagayan. Ang masama ay masama.
Kaya kailangan ang masama ay mabukod sa mabuti at ang mabuti ay
mabukod sa masama. Sa sangdaigdig ay sadyang may ganito, na ang
masasama ay sa masama at ang mabuti ay sa mabuti.

Sino nga naman ang magkakapasasabi ng gayong pinagmulan ng
pangyayaring muntik ng ikinasawi ng isang binatang tahimik ang loob at
walang malay?

Nguni't ang lahat ng bagay ay mayroong wakas. Ang lahat dito sa mundo
ay natatapos. Ang kaligayahan ay di namamalagi. Paris ng langit na
kung minsan ay maulap at kung minsan ay maaliwalas.

Ang may kagagawan nito ay nagkaroon din ng takot, kaya hindi maaaring
ilihim niya sa mata ng tao ang kanyang kasalanang nagawa. Hindi
maaaring ilihim niya sa harap ng tao ang kanyang kasalanan. Nagkasala
siya, siya ay namaril. Samakatuwid ay isang kasalanan ang ganito.

Sa pagkakabaril niya ay nagkasala ang kanyang sarili sapagka't ang
pinatatamaan niya ay nakailag. Nang makita niyang ang tinamaan ay ang
kulang palad na binata, pagdaka'y iniurong ang rebolber at parang
walang ano man. Datapuwa't kailangang siya ay magsabi ng totoo.

Kailangan!

Kailangan nga sapagka't ang mga maykapangyarihan ay nagsikilos.
Bagama't ang kanyang budhing nagkasala ay nanahimik na sandali ay muli
ba waring pinagharian din ng poot pa ang loob. At bakit? Sino ang
taong iyon? Sino itong ngayo'y waring isisigaw ang kanyang nagawang
pagkakasala?

At, nagsalita na waring inubos ang lakas:

--Sukab! Sukab!

Na, ang salitang itong malakas ang waring nanoot sa mga pandinig ng
ilan. Narinig ng dalawang sekreta, kaya't sa bahaging pinanggalingan
ng hiyaw ay daglian agad na pinatunguhan ng dalawang kawal ng
maykapangyarihan.

--Sukab na asawa! Oo, pinugayan mo ang aking karangalan, dahil dito ay
muntik tuloy ikasawi ng mga tahimik na budhi. Oo, ang pangyayaring
iyan ay, isang bagay na dapat mong pagaralan. Ikaw ang asawang dapat
sumpain.

Sino ang asawang yaong pinagngitngitan ng galit?

Ano ang ginawa niya na naging daan ng pagalimura sa asawa namang
humihikbi?

Samantalang ang asawang nagwalang bahala sa karangalan ng nagsasalita
ay waring napahibik na lamang at ni kaputok na pangungusap ay di
nakasagot.

Taksil! Kaya ngayon ay maaaring hindi ka na pakita sa aking pangmalas.
Magagawa mo na ngayon ang iyong ibig at ako'y napopoot ng tumingin sa
iyo.

--Ikaw ang magwawasak ng karangalan ko at magpuputong sa ulo ko ng
kawalang hiyaang pagsusukab?

Samantalang ang nagngingitgit na iyon sa galit ay dagling tumalikod at
sinabayan ng panaog. Mabuti na lamang at nakalamig ang kanyang loob na
sana ay bibigwasan pa noong unang mangyari ang pagpapaputok, subali't
nang kanyang makitang iba ang tinamaan ay nagbago ang kanyang nagdilim
na isip.

Nakakalabas pa lamang siya ng pintuan ay hinarang na agad siya ng
dalawang sekreta at sinabing:

--Mahal na ginoo, hindi kaya sakaling maging pangit sa kalooban ninyo
ang kami ay magtanong ng nauukol sa pangyayaring itong muntik ng
ikasawi ng isang tao?

--Opo, maaaring ipaliwanag ko sa inyo ang lahat.

At, hindi na nakapagtanong pa ang dalawang kawal ng maykapangyarihan
at sila ay tuloy nagsilakad sa kinatatayuan ng sawing palad na si
Pako.

--Pako--ang wika ng taong kasama ng dalawang sekreta--muntik na palang
nasawi ikaw sa pangyayaring ito?

--Mang Pepe, sino ang may kagagawan nito, hindi mo po ba nalalaman?

--Pako, ako ang may sala ng lahat, oo, ako ang mananagot sa
pangyayaring iyan.

--Mang Pepe, nang sa ano pong paraan, bakit akong iyong isang
pamangkin ay ginanito?

--Saka ko ilalahad sa iyo ang lahat. Hindi ko kinusa ang pangyayaring
iyan kaya malalaman mo ang simula.

--Mang Pepe, ano ang sumadiwa ninyo?

--Hayaan mo't saka na.

--Oh, maano pong sabihin na ninyo ang lahat ng mahiwagang pangyayaring
ito!

--Ano po ang inyong ginawa?

--Oo, malalaman mo ang lahat, ipadadala mo na kita sa pagamutan at
upang mabigyang lunas agad iyang sugat.

--Sumama na po kayo sa akin at ilahad ninyo ang lahat at lahat.

--Oh! hwag na, sumakay ka na sa iyong auto at ako ay hahanap ng ibang
magpapalakad pagka't ang kamay mo ay hindi makakilos.

--Sumama po kayo.

--Hwag na at ako ang bahalang maglahad sa maykapangyarihan nitong
mahiwagang gulong ito.

--Sasama kayo sa maykapangyarihan at bakit?

--Sasama ako upang malaman ang lahat ng hiwaga ng pangyayaring ito na
nagbigay ligalig sa maraming tao.

--Kung ikaw rin po lamang ang may kagagawan ng lahat kong itong
sinapit, ay hwag na, hindi na kailangan.

--Ipinagsasama nila akong pilit upang kunan ng tanong--na sabay turo
sa dalawang sekreta--hala magpunta ka agad sa pagamutan upang iyan ay
malunasan.

At di na nagsalita pa ang binata. Sa mga pangungusap ng matandang Pepe
ay hindi na siya kumibo. Ano nga namang kung pinipilit ng
maykapangyarihan na siya ay ipagsama?

At hustong dumating naman ang karo-ambulansia. Sumakay siya at ang
matandang Pepe naman ay ipinagsama ng dalawang sekreta sa Bagong Bayan
upang kunan ng ilang tanong sapagka't walang iba kundi ito ang may
kinalaman sa pangyayaring yaong gulo.

Kaya't gayon na lamang ang nagharing bulungbulungan! Ano nga naman ang
naging sanhi nang pangyayaring yaon at ang isang Pako pa na pamangkin
ni mang Pepe ang tinamaan?

Sino kaya ang nakababatid ng lihim na iyon?

Sino nga kaya? Ang lahat ay parang namangha na lamang. Kaya't ang
maraming taong nakasaksi sa kaunting ligalig na nangyari ay
nagkahiwahiwalay na ang mga pagkukuro ay nagtatalo sa kung ano anong
hiwaga ang pinagmulan ng gulo.

Ang lahat ay parapara ng nagsipagalisan. Nilisan ang pook na yaong
hindi naman nila man lamang nabatid ang tunay na naging simula.

Si Eduardo ay muling nanhik kina Leoning at sana'y pamuli pa niyang
kakausapin ang binibini at ipagpatuloy ang naputol nilang masayang
paguusap datapwa't ang gayon ay di na nangyari sapagka't maraming
nagtatanong sa puno't dahilan ng gayon at pati si aling Rita ay
nakihalo na sa kanilang paguusap sa kahiwagaan ng nangyari.

Kaya't gayon din lamang ang naghaharing bulungbulungan ay tinangka na
niya ang magpaalam. At, isa pa ay itatanong sa kanya kung ano ang
kahulugan ng mga hiwagang yaon datapwa't hindi naman niya masagot
kaya't nagtindig na siya at sinabing:

--Leoning, hanggang sa muli.

--Hwag mo sanang limutin ang muli mong pagdalaw dito.

At si aling Rita pati ay nakilahok na sa usapan nila at sinabing:

--Hwag ka sanang makalilimot ng pagparito.

--Hindi po.

At nanaog na ang ating binata. Sa durungawan ay muli pang nagdulot si
Leoning ng isang ngiting puno ng pagasa para kay Eduardo na habang
natatanaw at naaabot ng kanyang titig ang binata ay di naaalis ang
pagkakapako ng kanyang paningin. Para kay Eduardo ay naging ilaw naman
niya sa paglakad ang gayong mga ginawi ng binibini.




X


Anong laking kahihiyan kung ang lahat ng lihim na naging puno't simula
ng kanyang paghawak ng rebolber upang ipamaril ay mamalayan ng mga
magsisi pagusig?

Diyata kaya't kanyang ipagtatapat ang lahat ng iyon? Diyata at
hanggang sa harap ng hukuman ay kanyang sasabihin ang mga kabulukang
dapat niyang ipaglihim at di dapat ipamalay sa tao? Maisalaysay kaya
niyang lahat? Tila nakahihiyang sabihin!

Kaya't habang hindi pa dumaratal ng Bagong Bayan ay waring mahigpit na
naglalaban sa kanyang kalooban ang dalawang malaking suliranin sa
puso: ang siya ay magsabi ng totoo o gumawa ng paraan na kanyang
ikaiilag sa pagkahiya? Alin nga kaya ang dapat niyang sabihin? Ang
katotohanan?

Oh! ang katotohanan! kung kanyang sasabihin ang katotohanan ay kanyang
lahat ang kahihiyan, sa kanyang lahat ang lagpak na kapulapulang
ititingin ng tao. Magtatamo siya ng matutunog na halakhak. Bakit?
Sapagka't nalalaman niya ang dila ng tao. At ano nga naman ang dila ng
tao?

Oh! ang dila ng tao....

Papaano nga naman ang kanyang gagawin? Dapat nga namang ilihim niya
ang lahat. Ano kaya ang sasabihin kung mamalayan ng madla? Ano ang
sasabihin sa kanya? Walang ulo, walang dangal at niluko ng asawa.

Oh! pagkasamasama!

Wala nang nakapagbibigay lumo sa kanyang katawan kundi ang mga
suliraning ito. Diyata at ipagtatapat niya sa harap ng hukuman na
gayo't ganito ang nangyari? Kay saklap na sabihin at nakahihiyang
totoo!

--Ang kanyang asawa'y nagsukab!

Kay samang pakinggan! Para bang sinampal siya ng isang malakas sa
panga kung magkakagayon! Anong samang pakinggan! Para bang isang
matunog na bomba kung kanyang maririnig ang salitang ito.

Pinagsukaban siya!

Kay samasama nga naman! Nguni't ano pa ang mangyayari? Waring
napadikit na sa kanyang balintataw ng mga mata ang larawang anyung
ginawa ng sukab na asawa. Manatili pa kaya siya sa harap ng isang
asawang kanyang inaasahang magdudulot ng kaligayahan sa puso na, sa
kabila pala ay lasong mapait at kamatayan ang idudulot sa kanyang mga
kamay?

Datapwa't sino ang may sala ng lahat ng iyon? Sino nga naman ang dapat
bigyang sisi?

Sa kabilang dako ay narito't nananaghoy at waring humihikbihikbi ang
kanyang asawang nagtaksil.

--Walang kailangan sa akin ang ako ay iwanan ng lalaking yaon.
Napakasal ako sa kanya ng dahil sa maling pananalig, hindi sa salapi
pala nahahanap ang kaligayahan ng puso? Ang nais ko'y ang pagibig....

Ganyang mga pangungusap ang namulas sa labi ni Carmen nang waring
nabubuhayan ng lakas ang loob. At, ang asawang Pepe ay sadyang hindi
na katugon ng kanyang tibukin ng puso. Hindi ang puso ni Don Pepe ang
makaliligaya sa kanya!

Kaya sa ngayon ay walang kaligayahan si Carmen kundi ang mapasa
kandungan ng kanyang kaaliwan sa puso: kay Teofilo, sa isang
batangbatang kawani sa malaking samahan ng "Smith Bell & Co.," na, ang
kawaning ito, na salamat at nakailag na kusa sa pagbaril ni mang Pepe.

Gayon na lamang ang pagngingitngit ng galit sa kanya ni mang Pepe, na,
mabuti na lamang at nakaligtas pa siya. Ano sanang laking gulo kung
sinamang palad siyang tamaan?

Hindi pa siya sinasama!

At, kung nagkataon sana ay tumagos ang bala sa kanyang katawan na
marahil ay aywan pa kung siya ay bigyan ng buhay.

Kung maghari nga naman ang kapangyarihan ng pagibig ay di iniilagan
kahit kamatayan! Oh, ang hiwaga ng Pag-ibig!...

Kaya ang ginawa ni Carmen ay lumiham ng maiksi para kay mang Pepe at
iniwanan sa ibahaw ng mesa. Nagbihis siya at nanaog na dala ang
kanyang mga bihisan. Saan kaya siya pupunta? Sundin kaya ang asawa na
kasama ng dalawang sekreta? Oh, hindi! Hindi, hindi ang kanyang asawa
ang susundin sapagka't liliham pa ba siya sa asawang Pepe kung doon
din lamang susunod?

Hindi nga!

Hindi na niya maaaring sundin pa siya. Napopoot sa kanya ang lalaking
yaon! Lason ngayon siya sa pangmalas ni Mang Pepe.

Saan siya pupunta?

Kay Teofilo? Marahil, at ang kanyang tinungo'y ang tahanan ng batang
kawani. Doon siya sasama sapagka't iyan ang nakakatugon ng kanyang
puso sa pagibig. Iyan ang kanyang kaligayahan, hindi si mang Pepe.
Sasama siya at hindi na siya ngayon tatangkilikin ng dating asawa.

--Teofilo--ang wika agad ni Carmen pagdating sa tahanan ng
binata--hwag ka nang magdalang takot.

--Carmen, saan naroon si mang Pepe? baka ako ay kanyang patayin?

--Hindi, hwag ka nang pakikita sa kanya.

--Baka bagabagin ang ating kalagayan?

--Hwag kang manganib, hindi na siya maghahabol sa akin.

--Ako ay natatakot? Magbubunga nga pala ang ating ginagawang
pagnanakaw na iyan ng kaligayihan.

--Teofilo, hwag kang manganib, sa iyo ako, at hindi na sa kanya.

--Diyata Carmen?

--Oo, sa bisig mo na ako magduduyan ng panibagong kaligayahan at sa
bisig mo na rin mamamalagi.

--Nguni't ano ang sasabihin ng mga tao kung malaman?

--Ano, di wala?

--Ay ang asawa mo?

--Walang kailangan sa asawang paris niya.

Ang dalawang ito samakatwid ang magpipisan. Ang dalawang ito na
nagkakaisa ng tibukin ng puso ang magduduyan sa kaligayahan ng
katamisan ng pagibig. Ang dalawang ito na naging mapalad ang
pagiibigan ang siyang magkakasundo.

Para kay mang Pepe ay isang lasong makamandag si Carmen sa kanya.
Kaya't ngayon ay di na maghahabol. Pinabayaan na niya!

At, sa harap ng hukuman ay sinabi ni mang Pepe ang boong katotohanan.
Siya ay di nagbulaan. Siya ay isang dakilang tao na ayaw
magsinungalin. Iginalang niya ang kahalagahan ng batas. Hindi
nakapanaig sa kanyang budhi ang magbulaan sa harap ng hukuman.

Kaya't matapos na siya ay kunan ng tanong sa mahiwagang yaong
pangyayari at matapos maipahiwatig niya ang boong katotohanang kanyang
ginawa kung kaya siya nagkagayon, ay pinalaya ng mga maykapangyarihan.

Umuwi siya ng tahanan at kanyang dinatnan ay ulila na sa kanyang
kinapopootan. Mabuti na lamang at wala na doon ang lasong yaong sukab
na babae. Waring nasiyahan pa ang kanyang puso pagka't naglaho na sa
kanyang pangmalas ang asawang kanyang isinumpa.

Sa ibabaw ng mesa ay nakita niya ang liham ng sukab at kanyang binasa
na ganito ang mga natititik:

     PEPE:

     Yamang ang tibukin ng puso natin ay di rin lamang magkaisa ay
     ngayo'y ninais ko na ang tayo ay magkahiwalay at ako ay asahan
     mong sa mga sandaling ito ay nasa iba ng kandungan: doon sa
     makapagdudulot ng kaligayahan ng aking puso.

     _Paalam,_ CARMEN.

Kaya't walang nasabi si mang Pepe kundi ang ganito:

--Salamat at ako ay nawalay sa kanya. Nanaisin ko na ang sarili ay
huwag makasilay pa sa kanya minsan man. Hindi ko na hahabulin kahit na
siya saan pumunta. Malaya na siya sa malayo kong piling.

At, upang makailag si mang Pepe sa mga sasabihin ng tao ay ginawa ang
lumayo, nilayuan ang pook na yaon. Humanap siya ng pook na tago sa mga
mapagkunwaring babae na mapagsukab. Doon sa walang maririnig na
bulungbulungan ang kanyang sarili. Inilagan niya ang masasamang
kinakakakitaan ng paris noong nangyari sa kanya. At, kanya na lamang
na isadilidiling:

--Ilan pa kaya ang mga babaing nagsisipagugali ng gayong hindi
namamalayan ng kanilang mga kabiyak ng puso?

Salamat na lamang at ni ano mang balitang kumalat ay wala na siyang
pinangingilagan. Mabuti at lihim na lamang na nangyari ang lahat na di
naalaman ng tao.

Kaya't ang pangyayaring yaong nagbigay ligalig sa di iilan ay nagdaang
parang walang ano man: nalihim sa madla.




XI


Ang simoy ng hangin ng gabi ay kay sarap samyuin! Waring dala ang
mababangong halimuyak ng mga sariwang bulaklak na nagsisipamukadkad sa
mga sariwang halamanan na pinapatakan ng hamog kung nagdadapit-hapon.

Pati mga ibon ay waring mga nananahimik na noon, na, nangagdapo sa
sanga ng kahoy. Ang kanilang masasayang pag-awit ay natigil na at sa
malalabay na lilim ng mga halaman ay doon nangaroon at
nagsisipagpahinga: ang mga pipit, ang mga maya at iba't ibang ibon ay
tahimik ng lahat.

Sa mga halaman ay walang mamamalas kundi ang katahimikan ang naghahari
at ang mga punong kahoy na kung gumagalaw lamang ang mga dahon ay kung
nahahalikan ng palaypalay na simoy ng malayang amihan.

Ang mga batis ay waring tahimik din na walang ibang masisinag kundi
ang mga tila ba gintong nagkislapkislap o mga perlas kung mamalasin
ang malinaw na tubig na natatamaan ng sikat ng kabilugan ng buwan.

Ang gabing yaon ay isang gabing lipos ng aliw, lipos ng pangarap na
nakapagbibigay lugod sa mga hapong bisig sa pagdulang ng mahabang
maghapong paggawa.

Kaya, ang lahat ay waring nagkakaisa sa idunudulot na kabutihang
panahon nang gabing yaon. Ang langit ay maaliwalas at wala ni badhang
ulap na masisinag. Waring ibinabalita sa ilalim ng langit na ito ang
isang babala ng magandang kapalaran. Ang mga tanawin ay sadyang,
nakasasabik pagmalasin na para bang ang isang bayang may sapot na
ulap ng pagkabusabus ay di pinakikitaan sa mula't mula pa ng kalikasan
ng ganito. Waring ang lahat ay tulad ng bulaklak na sariwang
nagkakasiya sa patak ng hamog ng isang gabing yaong lipos ng tulain at
pangarap sa mga pusong uhaw sa katamisan ng malayang buhay.

Bawa't puso ay waring nalulugod, bawa't diwa ay nasisiyahan sa
idinudulot ng magandang panahon!

Ang mga bulaklak na waring mga nagsisibukad dili ay tila, mga
nakangiting lahat dahilan sa patak ng biyayang hamog na siyang
nagpapasariwa. Ang dahon ng kahoy na mga nalalanta at tuloy na mga
nalalaing ay parapara bang nagsisipanariwang lahat, na nanauli sa
dati. Nananariwang lahat sa patak ng hamog na ang gayon ay siyang
lalong nakapagdudulot sa mga bulaklak upang lalong maging ganap ang
kabanguhang humahalimuyak.

Datapwa't kung ang mga bulaklak na iyan, kung ang mga dahong iyan ng
kahoy ay pamuling nanariwa sa mga patak ng hamog ng gabi, ay katulad
rin naman iyan ng pusong tumutungga at nauuhaw sa sarong ginto ng
katamisan ng hamog ng pag-ibig.

Ang mga puso ay katulad ng mga bulaklak. Ang pusong umiibig na uhaw sa
lingap ng kanyang paraluman ay pusong uhaw sa biyaya ng kanyang langit
na katulad ng mga bulaklak na waring nakangiti sa bawa't patak ng
sariwang hamog. Katulad ng mga dahon ng kahoy na anyung nalalaing na
sa patak ng hamog ay pamuling nananariwa, na, tulad ng isang pusong
nauuhaw naman sa katamisan ng ngiti ng dalaga.

Katulad ng mga ibong malalaya ang buhay sa mataas na papawirin, walang
dusa, walang nakaaalipin at paraparang maliligaya.

Na, katulad naman ng dalawang puso, na walang ulap na bumabadha sa
kanilang matamis na pagmamahalan. Walang mapait sa mga damdamin:
laging maligaya at nagngingitian.

Dalawang pusong sa gitna ng pagiisa ay kaligayahan ng damdamin ang
siyang taglay ng diwa. Dalawang pusong manakanakang nagkakatitigan, na
ang mga pagtitigang yaon ay sukat ng magkaalaman ng lihim ng puso.
Dalawang pusong nagkakangitian, na ang mga, pangingitiang yaon ay
sukat ng magkaalaman ng lihim ng diwa.

Oh! mapapalad!

Mapapalad nga at walang dusa: dalawang pusong sa kandungan ng
kaligayahan ay umaawit ng tagumpay, nangangarap ng katamisan ng
pagibig, ng matamis na pagmamahalan ng puso.

Kay palad nga naman!

--Leoning!

--Eduardo!

Ang mga mapalad na ito ay nagduduyan sa bisig ng maligayang kandungan
ng gabing lipus ng pangarap.

Kay palad na gabi nga naman noon!

Ang gabi ay tahimik at ang maliwanag na sikat ng buwan ang siya lamang
nakakamalag sa dalawang pusong mapalad na yaon. Saan naroon ang
dalawang ito? Saan natin sila makikita?

Datapwa't kung nais natin masaksihan ang kanilang maligayang
paguulayaw ay narito at madali nating makikita. Ating tingnan ang
halamanang maraming bulaklakan nila Leoning. Sa ilalim ng isang
mayabong na balag na ginagapangan ng mga baging umaakyat at sa ilalim
ng mga dahon ng "cadena de amor" ay naroon at sila ay naghehele ang
mga pusong uhaw sa katamisan ng pagibig.

Dalawang pusong naguulayaw, na, nagkakapalitan ng mga ngiti sa mga
sandaling yaon, nagkakatitigan na nagkakahiwatigan ng lihim ng
kanilang puso.

--Leoning, ang ilang araw na nagdaan na di natin paguulayaw ay waring
sa palagay ko'y kung ilan ng taon para sa akin.

--Eduardo, marahil ay hindi lamang ang puso mo ang nagkaganyan; ang
kay Leoning man.

--Diyata!

--Maniwala ka.

--Anong sarap mong magmahal.

--Ganyan ka rin naman kaya?

--Kaya Leoning, asahan mong ang pangyayaring itong di karaniwan ay di
ko na marahil malilimot pa.

--Pasalamat tayo at nagkaroon ng ganitong pagkakataon.

--Salamat nga at magkaulayaw tayo ng boong tamis.

--Nguni't hindi na marahil mauulit.

--Kahimanawari Leoning ay maulit pa.

--Pagkakataon nga lamang yata ang ganito.

--Leoning, idalangin nating maulit.

--Aywan natin sa panahon.

--Kaya waring kamatayan ang ating paghihiwalay.

--Nagsinungaling ka na naman.

--Maniwala ka Leoning.

--Maniwalang magsisinungaling ka.

--Hindi.

--Eduardo, tapat na kaya ang puso mo sa akin magpakailan man...?

--Asahan mo Leoning.

--Nguni't ako ay nangangamba.

--Anong ipinangangamba mo?

--Ang ikaw ay lumimot.

--Nakakita ka na kaya ng ipinagbago ko sa iyo?

--Hindi pa nga nguni't....

--Nguni't ano?

--Na kung dumating na ang panahon?

--Leoning samakatwid ay nagaalapaap pa ang loob mo sa akin? Hindi mo
ba ako iniibig Leoning?

--Eduardo, iniibig kita at ikaw lamang ang pagasa ko nguni't naalaala,
ko lamang ang kasasapitan ng palad ko sakaling....

--Sakaling ano Leoning?

--Ako'y iyong kalimutan....

--Leoning, sa gunita mo ay iwaksi ang lahat ng iyan.

--Diyata kaya?

--Oo.

--Salamat!

--Oo, salamat pa daw.

--Leoning, alalahanin mong wala ng ibang lugod ang aking puso kundi sa
piling mo lamang.

--Na hihdi kaya isang pagsisinungaling lamang?

--Huwag kang magalapaap ng loob.

--Eduardo, manalig na kaya ang palad ko?

--Manalig ka Leoning ko.

--Isinusumpa mo.

--Tunay.

--Hanggang....

--Hanggang libingan.

Anong tamis nga naman ng dalawang pusong naguulayaw at nagmamahalan?
Anong ligaya ng dalawang pusong ang katamisan ng pagibig ang siyang
naghahari? Ang hamog ng pagibig! Kay tamis sa dalawang puso!

--Kaya Leoning ko, inaasahan kong sa mga labi mo ay buhat ngayon ay
maririnig kong bibigkasin mo kung ako'y tatawagin ang ngalan Eduardo
ay dagdagan mo sanang lagi ng salitang "ko" na: Eduardo ko.

--Eduardo ko? Ang ganyang ay laon kong sa puso ay lihim na siyang,
tinatawag sa pagiisa.

--Leoning, diyata, kay sarap mo nga palang magmahal.

--Oo, Eduardo ko, malaon na.

--Na di na kaya magbabago?

--Hanggang tumitibok ang puso ni Leoning.

--Leoning, anong sarap mo nga palang magmahal.

At ang binibini ay di na nakasagot at ang mahigpit na yakap ng
pagmamahal ang iginawad kay Leoning.

--Leoning, nasa kamay mo lamang at iyong kandungan ang lahat na
kaligayahan ng aking puso, kaya hwag mo sanang lilimutin ang isang
Eduardo upang hwag magkaroon ng dalamhati.

--Nais ko nga ang laging kaligayahan ng puso mo nguni't baka
pagkatapos ay lumimot ka sa sumpa.

--Kamatayan ko nga Leoning ko na baka ikaw ang lumimot.

--Ako man Eduardo, na tulad ko marahil ay isang bulaklak na lagas kung
iyong limutin.

--At, kung lumimot ka, dahil sa sumpa mong nilimot, ako ay mamamatay.

--At kung ikaw naman ang lumimot dahil naman sa sumpa mong nilimot,
bulaklak akong manglalagas sa tangkay.

--Kaya, Leoning, hwag nating alalahanin ang lahat ng ito.

--Oo, hwag nating limutin ang sumpaan.

--Oo, nga at kung limutin mo, dahil sa sumpang nilimot ako ay....

--Eduardo ko, ako'y gayon din, bulaklak akong manglalagas nang dahilan
sa sumpa mong nilimot kung iyong gawin ito.

--Kaya Leoning ako ay umaasa.

--Manalig ka.

--Hindi kita pababayaan.

--Na ako ay iyong mamahalin.

--Ng lalo't higit sa buhay.

--Maging maligaya ka kung gayon sa katamisan ng aking pagmamahal.

--Salamat, at sa iyo nga lamang ako mabubuhay.

--Leoning, hwag kang makalilimot.

--Hanggang libingan.

--Leoning!

--Eduardo!

--¡.....!

--Kaya, Leoning ko, bayaan mo sa ngayong awitin ang katamisan ng
pagibig sa iyong kandungan.

--Hindi ba nasisiyahan ang puso mo? Eduardo ko ang palad ko lamang....

At sa malantik na baywang ni Leoning ay waring ang bisig ni Eduardo ay
naging parang lumingkis na lamang na hindi tinanggihan ng binibini.
Kay palad na bisig!

Ang ating binata ay naging mapalad ng gayon na lamang. Ang katamisan
ng pagibig, at katamisan ng pagmamahal ni Leoning ay inawit niya ng
boong tagumpay.

--Sukat na Eduardo ko--ang paanas na salita ng binibini.

--Leoning, samantalahin natin ang pagkakataong ito. Alamin mo Leoning
na sa mga ganitong sandali lamang natin matutungga ang ganitong sarong
ginto ng katamisan ng pagibig, sa mga sandaling ito lamang ang
kaligayahan ng ating puso ... Oo, Leoning ko, malasin natin ang buwang
iyan, iyang mga bituing nagkislapkislap at ang kabutihang panahong
iyang idinudulot ng katalagahan na ang ganyan ay siya nating saksi ...
Oo, Leoning. Magsalita ka, hindi ka ba naliligayahan?

--Eduardo ko sukat ng lahat ang iyong sinabi nguni't....

--Nguni't nais mo kaya ang kaligayahan ng aking puso.

--Hindi.

--Hindi pala Leoning.

--Kaya sa bisig ko ay bayaan mo ng awitin ko ang katamisan idinudulot
ng pagibig. Bayaan mong sa bisig ko ay magduyan ka at sa kandungan mo
naman ay maging akong maligaya. Sa kandungan mo ay bayaang mangarap
ang puso kong uhaw sa hamog ng iyong pagmamahal.

--Eduardo ko!

At hindi na natugon ang tawag na ito ni Leoning at sa kanyang mga labi
ay isang halik ang naiganti ng binata.

At ganap na naghari ang katahimikan. Sa bisig ni Eduardo ay waring
naghehele si Leoning, nangangarap, nalulugod ang puso. Si Eduardo, sa
kandungan ni Leoning, ay waring isang paruparung na sa piling ng
bulaklak na nasisiyahan sa katamisan at kabanguhang humahalimuyak.

Kay papalad!

Mapapalad na tinamo at inawit ang tagumpay ng puso. Si Leoning ay nasa
bisig ng binata, si Eduardo ay nasa kandungan ni Leoning na puno ng
buhay, puno ng ligaya at katamisan, ng pangarap.

Dalawang pusong sa kaliwanagan ng buwan ng gabi ay maligayang
nagduduyan sa katamisan ng pagibig. Dalawang pusong umaawit ng
tagumpay na walang nakamalay....

Kay palad na mga puso!

Oo, kay palad sapagka't ang katamisan ng pagmamahalan, at katamisan ng
pagsusuyuan ay nasamyo nilang boong laya, nasamyong tulad sa bulaklak
na sariwang humahalimuyak na hinahalikan ng hamog.




XII


Ang panahon ay patuloy ng paglakad, na, waring ang kabuhayan ni
Eduardo ay hindi man lamang dinadalaw ng ano mang bagabag sa buhay.
Laging payapa at maligaya, walang ligalig at waring ganap na ang
kanyang pag-asa na nasisinag na magandang bukas.

Pati kanyang pagaaral ay gayon na lamang ang ginagawang pagsisikap
upang sa kabila ng kanyang mga pagpapagod ay matamo naman niya ang
tagumpay. Walang mga sandaling pinalalampas upang sayangin sa
ikatutuklas ng mga mabuting adhika't mga dapat na pakinabangan
pagdating ng araw. Kaya buo na ang kanyang pananalig na may magandang
bukas siyang hinaharap.

Sa kabilang dako naman ang masayang pamumuhay ni Leoning ay patuloy
rin. At sa boong pananalig ng ating binata ay lagi nang inaalaala ang
kanyang irog, na inaasahan namang gayon din sa kanya ang binibini.

Si Eduardo magmula na nang siya ay makilala ng kinatawang Velarde ay
waring lalong naging masigla at masikap sa kanyang pagtuklas ng
karunungan. Sa mga makabuluhang pangungusap at mga mabuting halimbawa
na ipinagtapat ng kinatawan sa kanya ay waring siyang nagdulot sa
kanyang puso ng lubos na pagaadhika upang lalong maging tawagin siyang
mabuting bata.

Hindi na nga naman malalaon, siya ay tatawagin ng manananggol.
Magiging isang tagapagligtas sa mga inaapi ng maling paratang ng mga
may diwang naglulubog ng matuwid.

Mga kailan ay isa sa magtatanggol sa katuwirang ayaw pasikatin ng mga
may diwang magaspang at mapagimbot. Na, ang lakas ng katuwiran ay siya
niyang pasisikatin at ang mga inupasala ay ipagtanggol niya.

Magiging manananggol siya, na, sa harap ng kapwa manananggol ay
makikipagtalo sa pagtuklas ng mga katuwirang sinisikap pagaralan ng
mga lalong matalino. Kailangan ang siya ay magkaroon ng ngalan,
sapagka't sa kanyang pagaaral pa lamang ay nagpakita na ng ningning ng
kanyang pagkamaypagasa sa harap ng kanyang magandang bukas. Ang bukas
na sa kanya'y naghihintay.

Hindi siya nagkamali sa pagpili ng kanyang minimithing karunungan na
pagaralan. Bagay nga sa kanya ang manananggol. Maging sa tinig na
lamang ng kanyang mga pangungusap ay sukat ng mapagkilala ang kanyang
kakayanan sa karunungang ito.

Siya nga naman ay isang maningning na talang inaasahan ng kanyang
bayan. Maging ang kanyang paguugali ay sukat ng mapagkilala ng sino
mang kanyang makakaharap na siya ay isang taong may mataimtim na
kalooban. Siya ay matapat at sa mga noo niya ay mababakas ang
pagkamatalino at mabait na tao. Siya ay matapat at di kakakitaan ng
ugaling magaspang na ginagamit lamang ng mga diwang may masamang
pagiimbot. Ang ugali niya ay hindi makapagbibigay suklam sa harap ng
iba.

Kaya minsang siya ay nagsadya sa tahanan ng kinatawang Velarde upang
siya ay magaral ng mga lalong tumpak at wastong pangangatuwiran. At,
ano ang kanyang tinamo? Pinuri siya sa kanyang pagkamasikap. At, sa
bufete ng nasabing kinatawan ay ipinakita sa kanya ang mga lalong
mabuting paraan at mga maayos na pagkilos ng isang manananggol na may
ngalan. Itinuro sa kanya ang lalong mabuting paraan sa pangangtuwiran
sa mga usaping maselan.

Ang kinatawang Velarde, ay isang mananggol na kilala ang ngalan ng
marami sa siudad. Marami ng usapin ang kanyang mga ipinanalo, na, ang
mga usaping ito ay pawang mga maseselan pa naman. Sadyang ang kanyang
mga pinagtagumpayan ay mga usaping mahigpit na pinagaaralang mabuti ng
mga manananggol. Taglay niya ang pagkamatalino at maliksing
pangangatuwiran.

Kaya kailangan na ang mga nagaaral ng pagkamananananggol ay magkaroon
ng katutubong talino, kailangan ang matinong pagiisip at kailangan ang
maliksing mangatuwiran na sa pangangatuwirang yaon ay maayos at
wastong lagi. Kailangan ang puso ay laging buhay, buhay ang loob at
matapang.

Datapwa't para kay Eduardo ay walang ginagawa ang sarili kundi ang
laging magsanay, laging magsikap at adhikain ang mga lalong mabuting
ikahahanap niya ng paraan sa pagtatagumpay.

Kailangan ang mahihigpit na suliraning kanyang pagaralan lalong lalo
na ang mga suliraning bayan na kailangang ang bayan ay kanyang
tulungan sa ikapapayapa ng mamamayan.

Kaya sa ganang sarili ni Eduardo ay pipiliting mabuti ang pagsisikap
upang siya ay magtagumpay. Kung siya man ay makatapos ng kanyang
pagaaral ay kanyang sisikaping sa harap ng kanyang kapwa manananggol
ay hindi siya, pahuli at bagkus kanyang pipiliting siya, ay maging
tampok ang ngalan sa kanyang mga kapuwa. Kailangang ang kanyang ngalan
ay magkaroon ng sariling dambana.

Kaya, kailangan nga sa kanya ang siya ay mapantay o kung maaari ay
humigit pa sa mga lalong tanyag at kilala ng mga manananggol, humigit
pang lalo ang kaningningan ng kanyang pangalan sa mga nauna.

Ngayon pa nga nama'y makikita na ang kanyang pagka may maningning na
pagasa. Ang kalahating taong pagsusulit na ginanap ng kanilang
paaralan ay boong layang nalampasan niya.

At, nang kanyang malaman na ganito ang kanyang nota--kataasan sa
lahat--ay halos gayon na lamang ang pagkagalak ng kanyang puso. Anong
buting palad!

Nasiyahan ang kanyang loob ng gayon na lamang; kataasan sa lahat.

Kaya sa pangyayaring ito ay minsan pang tagumpay na naman ng kanyang
sarili. Gayon na lamang ang kagalakang kinamtan. Diyata at siya ang
kataasan sa lahat? Kaya nalulugod siya.

Nguni't ang gayong mga kasiyahang loob ay di niya maaaring sarilinin.
Kailangan ang kanyang ibalita kay Leoning, at kung malaman ni Leoning
na, kanyang kasintahan o di ito nga naman ay isa pang kagalakan din ng
kanyang irog. Kaya kanyang ibabalita.

Ninais niya ang magtuloy sa tahanan ni Leoning. Pamuli na namang ang
kanilang mga puso ay magkakaulayaw. Mauulit na naman ang kanilang
pagngingitian. Ang mga sandali na pagtatagpo nila ay isa na namang
maliligayang sandali sa kanilang puso.

Kaya hindi nga niya maaaring kalimutan ang gayong di ibalita kay
Leoning. Oo, si Leoning ang kanyang pinagtatapatan ng lahat. Ibabalita
niya ang tinamo na naman niyang tagumpay.

Hindi niya maaaring di ipaalam kay Leoning ang ganito sapagka't si
Leoning ang tanging kanyang inaasahang makapagpapaligaya sa kanyang
buhay. Si Leoning ang dalagang hindi nawawala sa kanyang gunita, di
niya maaaring kalimutan. Maging sa pagkain man ay nais niyang laging
kapiling kung mangyayari lamang sana. Nais niyang lagi silang
magkakasalo sa dulang.

Maging saan man siya naroon ay para sa kanya ay kasama niya si
Leoning. Kung bakit? Sapagka't sa mga balintataw ng kanyang mga mata
ay waring nakadikit na ang larawan ni Leoning na, hindi napapawi. At,
sa gunita pa kaya naman niya mapawi? Oh, makalilibong hindi!

Waring kung naaalaala niya si Leoning ay para bang nakikita niyang
nagdudulot sa kanya ng ngiti. Kaya hindi maaaring sumagi sa kalooban
ng binata ang gawang paglimot. Tunay at wagas ang kanyang pagibig at
pagmamahal.

Ngayon pang kanyang damdamin ay hindi man lamang dinadalaw ng ano mang
pagkainip pagka't mula na nang sila ay magsumpaan ni Leoning, na, di
magkukupas ang kanilang matamis na pagsusuyuan, sa pakiwari niya ay
siya na ang napakaligaya sa lahat sa sangdaigdig.

Para sa kanya ay waring laging mabituin ang langit, laging nasisinag
niya ang pagasa, ang ligaya ng palad at kaaliwan ng puso.

Kaya sa pagpunta niyang yaon kina Leoning ay boong galak halos
naguumapaw sa kanyang dibdib ang katuwaan. Inaasahan niyang malayolayo
pa siya ay sasalubungin na agad ng ating binibining taglay ang ngiti
sa labi. Inaasahan niyang pagkatanaw na sa kanya ang pagkaway na wari
bang sinasabing: "Halika".

Datapwa't malapit na siya sa tinitirahan ni Leoning, ay hindi pa niya
nakikitang ang binibini ay sumungaw man lamang sa durungawan. Wala
kaya roon? Nasaan kaya ang dating ugali ni Leoning na malayolayo pa
ang binata ay sinasalubong na agad ng kaway at ngiti?

Kaya sa ganitong pangyayari ay di na niya lubhang pinagtakhan
sapagka't baka ang pagdalaw niyang yaon ay nagkataon lamang na hindi
agad siya nakita ng binibini. Kaya hindi niya dinamdam ang gayon.

At, kung ang pagdating niyang yaon ay nakita ng ating binibini ay na
sa durungawan pa ay agad ngingiti ang dalaga, sasalubong at siya
kakawayan.

Sa gayon, ang ating binata payapa rin ang loob. Ang hindi niya
pagkakitang yaon kay Leoning ay walang ano man. Isang pagkakataon
lamang na di dapat ikalungkot ng kanyang damdamin. Ano nga naman kung
siya ay di nakita?

Kaya ginawa niya nang nasa may pintuan na ng tahanan nina Leoning, ay
marahang siya sa kanyang paghakbang. Ninais niyang si Leoning ay
biglain, na, ang gayon ay hindi naman mamasamain ng binibini pagka't
isang biro ng kanyang irog. Ang ginawi namang yaon ng binata ay hindi
masama o pangit na magiging daan ng masamang pagtingin ng sino man
kina Leoning. At isa pa ay kilala naman siya na mabuting ugali at
gagawin ba naman niyang yaon ay isang pagsubok lamang kay Leoning na
upang ang kanyang pagdating ay magkaraan ng ngitian pagkatapos sa
dahilang ang mga dinatnan ay mamamangha!

Nang si Eduardo ay anyu ng papasok ng maaliwalas na tahanan, ang mga
maririkit na kortinang nakatabing sa may pintuan ay siya niyang
ginawang salag upang hwag makita ang kanyang katawan.

Datapwa't bago lamang niyang wawahiin ang tabing ng pintuan ay waring
napauntol siya sa pagkarinig niya ng salitang:

--Leoning, buhat pa nang kayo ay makasayaw ko na ginanap sa tahanan ng
Don Gonzalo sa San Marcelino ay inibig ko na kayo noon at hanggang sa
ngayon ay walang ibang nagbibigay balisa sa aking damdamin kundi kayo
lamang.

Oh! palad ... sa pagkarinig niya noon ay waring nagsiklab ang tibok ng
kanyang puso. Sumiklab ang kanyang dugo. Ano ang kahulugan ng lahat ng
yaon? Diyata?

Diyata at may ibang kaagaw siya kay Leoning? Kaya sa pagkauntol ng
paghawi niya sa tabing ay kanyang hinintay ang pagtugon ng binibini
datapuwa't hindi niya narinig sumagot.

At sa gayon ay pamuling nagsalita ang lalaki:

--Leoning, marahil ay sukat ng maniwala ang aking sarili na ang hindi
ninyo pagsagot sa akin ay nangangahulugan ng pagsangayon. Hindi ba Bb.
Leoning?

Datapuwa't ang binibini ay lalo ba waring napipi.

Ano ang naghari sa kalooban ng isang Eduardo? Dalawang suliranin:
isang pagkapoot at ang ikalawa'y ninais magtuloy sa kalooban ng bahay
upang makilala ang kaagaw na iyon kay Leoning. Waring nagalab ang
kanyang loob. Bakit? May iba palang nakakaibig kay Leoning! Sino kaya
ang taong yaon? Sino ang lalaking yaon? Ninais niyang pasukin upang
makilala datapuwa't nang anyung gagawin na niya ay ang kanya na ring
budhi ang tumanggi: Hindi.

Hindi kailangan!

Ano ang kanyang pakialam at bubulabugin niya ang gayong paguusap ng
dalawa ni Leoning? Isang masamang paraan ang gayon. Nagaral siya at
kung kanyang gawin ang gayon ay anong sasabihin ng tao? Masama siya!

Kaya ninais niya ang magpakatimpi ng loob. Kung kanyang gawiin ang
pagpasok at maalaman ni Leoning ang kanyang ginawa di wiwikain ay wala
siyang ugali, walang mabuting kalooban at walang pinagaralan.

Nguni't ang iniisip ni Eduardo'y ang pangyayaring hindi pagsagot ng
binibini. Waring ang salita ng lalaking kausap na: "ang hindi pagsagot
ni Leoning ay nangangahulugan ng pagayon, ay isang sampal na tumama sa
kanyang mukha."

Ano nga naman ang kahulugan ng lahat ng iyon? Sino ang lalaking yaon?
Samaktuwid ay may kalaban pala si Eduardo?

Kaya tinangka niyang lisanin ang tahanang yaon. Mabuti na lamang at
ang kanyang paghakbang ng marahan ay walang nakamalay.

Sa paglisan niyang yaon ay hindi naman siya lalayo pipilitin niyang
makilala ang lalaking yaon. Maghihintay siya sa paglisan ng lalaki sa
tahanan nila Leoning. Kahit anong oras ang dumating, hihintain niya
ang pagalis upang makilala niya kung sino.

Kaya hindi siya lalayo ng kinalalagyan buhat sa tahanan ng binibini
hangga't hindi niya nakikita ang lalaking kausap ni Leoning.

Minsan pang nabigo ang kanyang palad? Ano ang ibinabala sa kanyang
maningning na pagasa ang ganito?

May kahulugan ngayon para sa ating binata ang lahat ng yaon!




XIII


Unti-unti na ngang nakita ni Eduardo ang malaking ipinag bago ni
Leoning buhat nang kanyang mabatid na may ibang dumadalaw sa kanyang
kasuyuan. Ngayong nabatid niyang siya pala ay may kaagaw kay Leonora
na nang mga ilang araw na nagdaan ay hindi niya namamalayan.

Kaya ngayo'y lumipas na tuloy ang isang buwang singkad na si Eduardo
ay dumadalang ang pagpunta kina Leoning dahilan sa malaking ibang
ipinakikitang loob sa kanya na di paris ng dati. Si Leoning ay nagbago
na sa kanya, nawala na ang dating mga pagngiting isinasalubong sa
kanyang pagdating.

Nawiwili na si Leoning sa kanyang bagong kasuyuan, ang kanyang
kasuyuan ngayo'y siyang laging nagpupunta sa bahay ng binibini upang
makipagusap at makipagpalitan kay Leoning ng mga balita at
buhay-buhay.

Ang kaagaw niyang yaon ay isang matanda ng binata na ayon sa kanyang
balita ay isang mayamang mangangalakal na naging kasama ni mang
Alejandro na kapatid ng ali ni Leoning. Ang binatang ito ay tumutugon
sa pangalang Daniel Perez, na ngayon ay naninirahan dito sa siudad.
Siya'y isang kilalang mayaman sa Kabisayaan.

Daniel Perez, iyan, iyan, ang kalaban ni Eduardo sa pagibig kay
Leonora.

Ang pagibig nga naman ni Leoning!

Ang pagibig ni Leoning ay parang natulad sa bula lamang sa gitna ng
tubig na biglang nawala. Para ba kay Eduardo ay naglaho nang lahat
ang kaligayahan ng kanyang buhay sa ngayon. Wala ng natira kundi
pawang mga pangarap na lamang ng mga dumaan. Wala, wala na yata at
sadyang hindi na magbabalik ang lahat. Para kay Eduardo ay pawang
kapaitan lamang sa buhay ngayon ang naging palad niya.

Wala na!

Wala na at hindi na yata pamuling magbabalik ang kanilang kahapong
nagdaang lipos ng kaligayahan at pangarap.

Si Leoning nga naman!

Nawala na nga kaya sa alaala ni Leoning ang lahat? Diyata't nilimot
niya ang sumpaan sa pagibig? Kaya ngayon ay walang bumabagabag sa
damdamin ni Eduardo kundi pawang mga mapapait na gunitain sa buhay!
Pawang mga masasaklap lamang na pangarapin ang kanyang naging
kapalaran. Wala na ang dating mga pagngiti sa kanya ni Leoning.
Naglaho ng lahat!

Madalas ngayon, ang kanyang katawan ay nalulungkot, waring lagi ng
matamlay at paminsanminsang nagbubuntunghininga na lamang.
Maminsanminsan ay masabi sa sariling:

--¡Ay! Leoning! dahil sa iyo, dahil sa sumpa mong nilimot sa aba ko,
ay wala na ang lahat.

Para kay Eduardo ay untiunting nagkukupas ang lahat. Kung baga sa
bulaklak nalalanta at nalalaing. Ang dating paglingap sa kanya ni
Leoning ay parang natulad lamang sa ulap, biglang naglahong
paminsanan. Ang dating paglingap ni Leoning ay tulad lamang sa isang
pagdadapithapong lumulubog na.

Para ng langit na ngayo'y puno ng ulap at wala ni isa mang bituin,
iyan ngayon ang waring nakikita ni Eduardo.

Wala na, ang mga kaaliwan ay naglaho na sa kanyang lahat. Naglaho na
sa kanyang palad ang maningning na pagasa at ngayon ay waring madilim
at mga luksa ang kanyang nasisinag.

Wala ng paglingap sa kanya si Leoning!

Wala na, wala na, at makailan na niyang tangkaing dumalaw datapuwa't
para lamang pagabigo ang kanyang nakamtam. Ano nga kaya naman ang
nangyari sa kay Leoning? Bakit? Bakit daglian naman siyang lumimot sa
dating kasuyuan...?

Parang kakahapon lamang na sila ni Eduardo ay lagi ng maliligaya at
nagduduyan sa katamisan ng pagibig datapwa't ngayon, ngayon ay parang
naging ulap na lamang, paraparang naglahong lahat.

Kahabaghabag na Eduardo!

Pusong sawi at kulang palad!

Ang buwan ay lumiit na't ngayon ay pamuling nagbalik ang kabilugang
nagsasabog ng liwanag datapuwa't ang kanilang puso ay tila hindi na
pamuling sumimsim ng katamisan ng buhay na dating kanilang ginagawa
kung ganitong mabuti ang panahon.

Oo, parang mga ulap lamang ang nakabadha sa langit, ayon sa pakiwari
ni Eduardo ay siya niyang nasisinag. Wala na nga naman ang lahat! Si
Leoning ay wala na hindi na niya pamuling makakaulayaw paris ng dati.

Aywan nga ba nama't kay dali ni Leoning lumimot!

Para kay Eduardo'y pagkasaklap pagdilidilihin!

Diyata at si Leoning pa ang naunang lumimot? Oh! ang babai nga naman!
Nahan ngayon ang pangakong sinumpaan ni Leoning sa pagibig? Nahan ang
kanyang sumpang hanggang sa libingan ay hindi siya magbabago? Bakit
ngayon ay naglahong lahat?

--Hanggang libingan....

--Hanggang hukay!

Oh! ang mga iyan ay naglaho ng lahat! Kabulaanang lahat!
Kasinungalingang lahat! Oh! ang lahat ay wala, parang bula lamang sa
gitna ng tubig na biglang nawala! Wala ng lahat, paraparang nabaon sa
limot, sa ulap, sa wala.

Leoning, maanong ang isang binatang ngayon ay nasa kandungan ng
pagkasawi at sinisiklot ng bagabag ay tapunan mo man kahit isang
ngiti? Oo, isang ngiti man lamang.

Ngitian mo man lamang sana ang palad ni Eduardo ng minsang
lumuwagluwag ang nagsisikip na damdamin sa mga pasakit. Ngitian mo
sana ang palad niyang tila ba na sa bingit ng hukay. Nasa bingit ng
hukay! Oh! kay saklapsaklap na kapalaran ng ating binata! Wala na
namang pagasa, wala na, ang puso ni Eduardo ay hanggang sa lihim ng
tumangis, lihim ng lumuha, manghimutok, lihim na mapa ¡Ay! oo dahil
lamang sa iyo Leoning! Dahil sa sumpa mong nilimot!

Leoning, bakit nga naman kay daling magbago ng tibukin ng iyong puso?
Nahan ang dakila mong sumpa?

Bakit nga naman Leoning? Bakit daglian mong nilimot ang dating
kasuyuan? Hindi mo kaya nagugunitang dahil sa sumpa mong nilimot ay
may isang palad na ngayon, ay sinisiklotsiklot ng bagabag? Hindi mo
kaya nababatid na may isang pusong sa mga pasakit, na, natulad sa
bulaklak na naunsiami?

Leoning, kahabagan mo ang isang palad na tulad ni Eduardo. Lingapin
mo ang isang dahil lamang sa iyo ay masasawi, dahil sa iyo ay
mawawalang pagasa, mawawala ang kaaliwan, mawawalan ng lugod sa puso
at marahil sa wakas ay walang kasasadlakan kundi isang hukay, isang
libingang mapanglaw. Leoning, Leoning, maawa ka!

Lihim mo sanang pakinggan ang daing ng iyong nilimot.

Namamanglaw at walang ibang tinatawag kundi ang iyong pangalan:
Leoning, OO si Leoning lamang.

Leoning, nilimot mo kaya si Eduardo sapagka't siya ay isang binatang
hindi mariwasa?

--Hanggang hukay!

Oh! kabulaanan! Hanggang hukay na parang kakahapon lamang. Hanggang
hukay na ngayo'y waring siyang magdudulot ng kamatayan sa puso ng
sinumpaan. Hanggang hukay na ngayon ay hindi pa dumarating ang tadhana
ay naglaho agad na parang nilamon ng ulap.

Leoning, nahan ang puso mo kung gayon? Nahan ang puso mong datidati ay
may paglingap? Nahan ngayon ang dating mabini mong kilos, ang iyong
kayumiang taglay kahapon? Leoning, nahan ang puso mong noong una ay
mabait at tapat? Nawala na kaya sapagka't ikaw ay nabilang na sa
matataas na angkan ng mga tao ...? Nawala na kaya sapagka't ang mga
marami mong nakakaharap ngayon ay mga taong nabibilang sa matataas na
lipunan at mga kilala, mga mariwasa, mayaman at masalapi?

Ito kaya ang sanhi ng lahat ngayon Leoning? Sapagka't nakayapak ka na
sa mga matataas na lipunan at mga sociedad, ay maglalaho na ang dating
maningning mong ugali? Nahan ang kayumian mong dangal na lahi, na,
nang mapasama ka at mawiling makipiling sa mga taong tanyag ay
nagbago ka? Leoning gunitain mo man lamang kahit minsan ang iyong
kahapon!

Kaawawang Eduardo!

Binatang umaasang may maningning na tagumpay, na hinaharap sa araw ng
bukas. Binatang may pagasang magiging maligaya sa harap ng isang
Leoning. Datapua't ngayon, ngayon, oh! sa aba mo ay tila isang maitim
na ulap lamang ang lahat. Pangarap lamang ang lahat!

Binatang sinikap ang mga lalong ikadadakila ng kanyang sarili at sa
gayong paghahanda ay para sa kanyang kadakilaan at ng kanyang irog.
Ang pagsisikap niyang yaon ay dahil lamang sa kanyang mutya, dahil sa
kay Leoning na kanyang puputungan sa noo ng laurel ng dangal,
datapuwa't ngayon ay ano ang nagbabala sa kanyang palad? Ano kaya?
Isang ulap lamang. Isang ulap nga, at naglaho lamang ang lahat!

Ang lahat! Oo, ang lahat ay wala na, wala na siyang pagasa sapagka't
si Leoning ay hindi na niya maalaman kung bakit lumimot. Nguni't ano
kaya ang katotohanan at si Leoning ay lumimot? Nilimot kaya siya
sapagka't ang bagong kasuyuan ay isang mariwasa, isang mayaman,
masalapi at bukod pa ay kasamahan ng marangal na tao? Marahil ay sa
ganyang paraan nga nahimok ang ating binibini. Aywan nga natin.

Kaawaawang binata!

Oo, kaawaawang Eduardo, kulang palad na binata na nilimot ng kanyang
irog. Nilimot ng kanyang kasintahan, nilimot ni Leoning, na, ngayon
ang kanyang naging palad, oh! ang kanyang naging palad ay naritong
magtiis ng hirap, siklutin ng bagabag, tulad ng bulaklak na nalalanta,
tulad ng liriong natutuyo, kumukupas ang dating kasariwaan, nalalaing
ba wari.

Dahil sa sumpa mong nilimot Leoning!

Dahil sa sumpa mong nilimot oh! Leoning ngayon ay walang ibang
tinitiis ang puso ni Eduardo kundi ang mahahapding sugat, sugat na
walang lunas, wala na kundi kung pamuling magbalik ang kahapong
kaligayahan nila. Ngayon ay waring tinik na dumuro sa kanyang puso,
tumagos sa kanyang dibdib hanggang sa kaliitliitang ugat ng kanyang
kaluluwa, iyan ang dahil lamang sa sumpang nilimot ni Leoning.

Dahil sa sumpa mong nilimot ay wala na, walang ibang kinakaulayaw,
kundi ang mga sakit, ang mga dalamhati, ang mga dusang kapanglawan sa
buhay.

Oo, nga Leoning hindi na marahil hahaba pa ang kasaysayang ito,
matatapos na sapagka't wala na, wala't dahil nga sa sumpa mong nilimot
ay waring matatapos na ang lahat.

Waring matatapos na ang lahat sapagka't tila ba nakikita na lamang ni
Eduardo ngayon ay isang luksang libingan na hantungan ng madlang dusa
sa buhay. Dahil sa sumpa mong nilimot ay wala na siyang nakikita pang
liwayway ng magandang palad, ng magandang pagasa, wala na, sawi na
siya, pusong walang kaaliwan, walang pagasa at nilimot ng kasuyuan.

Si Eduardo ay wala na, wala na nga siyang magandang pagasang
papangarapin. Naglaho na sa kanya, lumubog na ang maningning na araw
na may dalang kapalaran. Dahil sa sumpa mong nilimot, si Eduardo ay
nangungulila, nalulungkot at untiunting nawawalan ng sigla at waring
nagtutumuling lumulubog ang pagasa.

Si Eduardo ay isang sawi, isang walang pagasa, walang aliw, walang
lugod sa buhay. Nasa kandungan ng dusa, nasa kandungan ng sakit at
sinisiklot ng bagabag ang paso. Siya ay nilimot at dahil sa sumpang
nilimot ni Leoning ay, waring tapos na sa kanya ang lahat, tapos na
ang aliw.

Oh! ang mabuhay nga naman sa sangdaigdig na itong puno ng hiwaga!

Isang pusong sawi ng dahil sa pagibig ng dahil sa sumpang nilimot!
Kaya nagbago na ang lahat, si Eduardo ay hindi na pamuling magduduyan
sa kandungan ni Leoning! Wala na, wala na at natapos na ang lahat.

Natapos na ang kanilang pagtitigan na sa pagtitigang yaon ay
nagkakaalaman na sila ng lihim ng puso, natapos na ang kanilang
pagngingitian, na, ang pagngingitiang yaon ay nagkakaalaman sila ng
lihim ng diwa.

Waring hindi na nga magbabalik ang lahat. Oo, sa pangyayaring yaon ay
matila na lamang sa mga pangarap. Ang naglahong araw na di na pamuling
magliliwayway ang liwanag. Ang maningning na pagasa ni Eduardo ay
waring may nakabadhang ulap. Ano ang kahulugan ng lahat ng iyon? Aywan
din natin.

Kaya sa pagiisa ngayon ni Eduardo ay nakikita na lamang niya ay ang
nagtutumulin na paglubog ng araw ng kanyang pagasa. Tulad niya ay
isang bulaklak na nalalanta.

Wala na at waring natapos na sa kanya ang lahat at lahat. Magtiis ng
hirap at magtiis ng bagabag ang kanyang naging palad.

Ngayon, maminsanminsan lamang niyang bigkasin kung nagiisa ay ang
ngalan ng kanyang irog na lumimot.

--¡Ay! Leoning! Dahil lamang sa sumpa mong nilimot minsan man lamang
malasin mo ang palad ko!

At wala na, iyan lamang, iyan lamang ang minsan ay kanyang masabi sa
pagiisa. Waring wala na siyang napapangarap kundi ang larawan ni
Leoning at ng bagong kasintahan na tila ba nasa mga balintataw ng
kanyang mga mata ang larawang anyu ng dalawa na nagduduyan sa
kandungan ng pagibig at sinasagap ang matamis na hamog ng pagsusuyuan:
sa kandungan ni Daniel Perez.

Kaawaawang Eduardo!




XIV


Kasalukuyan noong idinaraos ang masiglang sayawan sa maaliwalas na
_auditorium_ ng karnabal sa Maynila.

Sa sayawang yaon ay waring walang mababakas na ano mang kalungkutan sa
bawa't mga naroroong mga nagsisipagsayaw. Waring ang mga puso ay
naghehele sa katamisan ng kaligayahan sa kandungan yaong naging isang
langitlangitan dito sa lupa na puno ng maraming mga bituing
nagkislapkislap.

Ano pa't ang auditurium na yaon ay ganap na pugad ng tuwa at
kaligayahan ng puso. Isang pugad na pinaghaharian ng tuwang walang
kahulilip. Ang lahat ay ngumingiti at mayroon pang maririnig na
malakas na halakhakan.

Datapwa't sa kabilang dako noon ay may isang puso ring bagama't gayong
nasa kandungan ng katuwaan at kaluwalhatian ay paminsanminsan ding
dinadalaw ng himutok. Sino kaya siya? Bakit sa harap ng halakhakang
yaon ay hindi siya makipagngitian?

Kaya sa ganyang anyu ng binata ay may isang kaibigang lumapit sa kanya
at sinabing:

--Eduardo, waring ang loob mo ngayon ay nagiging matamlay? Bakit,
bakit ang mga sandaling paris nito ay iyong pinararaang tila ba walang
kabuluhan?

--Pako, hwag mong pagaalahanin ang ganito para sa akin. Walang anoman
Pako.

--Hindi ka sana dapat magkaganyan, halika at magsayaw ka.

--Hwag na, salamat, ikaw na lamang.

--Hindi, hindi Eduardo, halika--at binatak sa kamay ang kausap.

--Pako, sukat na huwag na....

Hindi nakatanggi ang ating binata at sumama rin. Masama nga namang
malasin ang sila ay magbatakan pa sa karamihang yaon ng mga tao. Sukat
na ang isa ay umayon.

--Pako, wala pati akong pareha.

--Eduardo hindi ka maaaring mawalan, halika na--na tuloy hila pa rin
ang kamay ni Eduardo ni Pako.

At makalipas ang isang saglit ay siyang paglapit nila sa harap ng
isang binibini na sa isang tanging luklukan at pagkaharap nila sa
dinatnan ay sinabi ni Pakong:

--Ikinararangal kong ipakilala si G. de la Rosa.

--Fely Ester po.

--Eduardo dela Rosa po naman.

--Maraming salamat po.

--Gayon din po naman.

--Fely--ang wika ni Pako samahan mo nga silang magsayaw.

At ang dalaga ay walang naitugon kundi isang matamis na ngiti lamang
na nagpapahayag ng pagayon.

Kaya sa tugtog ng isang malambing na "Waltz" ay sinaliwan nilang boong
ayos. Waring sa mga bisig ni Eduardo ay naghehele sa katamisan ng
pagindak si Fely, datapwa't gaano nga naman sanang lugod kung ang
makakasayaw ni Eduardo ay ang dati niyang irog?

Para kay Eduardo ay naliligayahan man siya nang mga sandaling yaon ay
isang kaligayahang pangkaraniwan lamang at di paris sana kung kasayaw
ang dating kasuyuan, si Leoning, nalubos sana ang kagalakan ng kanyang
puso.

Datapwa't hindi hinihintay ni Eduardo na sa pagsasayaw nilang yaon,
ang binibini pa ang nangunang mangusap at sinabi sa kasayaw na:

--Kayo na po lamang ang magpaumanhin at ako ay hindi gasinong sanay.

At, ang gayong pangungusap ni Fely ay waring nagkaroon ng kahulugan
para sa binata. Hindi niya akalaing si Fely ay magsasalita ng gayon.
Alam niyang ang dalaga ay sadyang sanay at mabuti na lamang at sila ay
kapuwa bihasa. Ang pagindak nila ay ayos na ayos at talagang mahusay.

Kaya ang gayong pangungusap ni Fely ay wari ba yatang isang pagkutya
lamang sa binata. Datapwa't hindi, ang dalaga ay ibig lamang may
mapagusapan.

Kapawa sila mabuti at nagkakaayos sa pagsayaw.

At, sa paghihinalang yaon ni Eduardo ang pananalita lamang na yaon ni
Fely Ester ay isang paraan lamang na sila ay may mabuksang usapan ay
kanya namang sinagot ng ganito:

Kaya Bbg. Ester, kayo nga po ang magpapaumanhin sa akin dahil sa di ko
kasanayang paris ninyo.

--Hindi po sa gayon, talaga pong sanay kayo.

--Hindi nga po lamang tulad ninyo.

--Katotohanan po ang sinasabi ko sa inyo, mabuti kayo.

--Bbg. Ester huwag na naman kayong kapalibhasa sa isa ninyong bagong
kakilala.

--Hindi po isang pagpalibhasa ang gayon.

--Kung gayon po ay maraming salamat sa inyo.

--Wala po naman kayong dapat na alalahanin.

--At maiba ko po naman ang ating usapan--ang patuloy ni Fely--hindi
po ba kayo ang G. de la Rosang nagtagumpay sa nakaraang _oratorical
contest_ ng Philippine Law School noong araw na gininap sa Grand Opera
House?

--Kung may ipaguutos po.

--Samakatuwid nga pala ay di nagkamali ang aking hinala.

--Nang sa ano pong bagay?

--Na kayo nga ang G. de la Rosang mapagwagi at mapagtagumpay.

--Tila po naman lampas ang inyong papuri Bbg. Ester.

--Hindi po ikinararangal ko nga at ang kaibigan kong Pako ay nagkaroon
ng isang matalik na kasamang matalino. Na, inyo pong alam na G. de la
Rosa.

--Na sino po siya--ang tila pakunwari ni Eduardo.

--Alam na po ninyo.

--Hindi ko po siya kilala.

--Kilala po ninyo.

--Hindi kaya ninyo maaring pakisabihin lamang ang ngalan sapagka't
nais ko lamang siyang makilala at kung sakali at mangailangan siya ng
tulong at aking makakaya ay nalalaan naman akong abang lingkod.

--Siya po ay isang binata.

--Nguni't hindi ko po siya kilala; inyo nga pong turan na.

--Isa po siyang nagaaral at malapit ng magtapos sa pagkamanananggol.

--Bbg. Ester, tila po may ibig sabihin ang lahat ng pangungusap ninyo
ah!

--Wala po at siyang katotohanan.

--Katotohanan daw? hindi po yata. Na sino kaya siya?

--Wala pong iba kundi si....

--Sino po?

--Si G. de la Rosa.

--At si G. Dela Rosa po pala? Kay laking kahiwagaan ng ginawa ninyong
pagtataka para sa akin.

--Hindi ninyo dapat ipagtaka.

--Kung gayon po ay maraming salamat at nagi niyang isang
kahulihulihang kaibigan na, gayon na lamang ang pagkagalak ko.

--Bakit po at lubos ang inyong pasasalamat?

--Sapagka't kundi sa kanya ay di ko kayo makakakilala.

--Oh! kayo naman.

--Siya nga po.

Datapwa't ang kanilang paguusap ay nagambala sa dahilang isang bati sa
binibini ang narinig ng dalawang magkasayaw. Sino yaon?

--Ester--ang kanilang narinig.

Datapwa't nang una ay hindi mahulaan ni Ester kung sino ang tumawag na
iyon, hindi niya makilala dahil sa ang tinig ng pangungusap ay binago
at pinakaliitliit na pakinggan. Kaya hindi makikilala ni Ester kung
hindi makilala ang kilos ng tumawag.

At pamuling inulit ang tawag.--

--Ester, nakikilala mo na ba ako?--na waring nasulyapan ni Ester ang
mukhang ngumiti ng tumawag.

--Ah, oo, kilala na kita.

--Leoning, Leonora.

Sa pagkarinig na gayon ni Eduardo sa ngalang Leonora ay kanyang
nawikang sino kaya ang Leonorang yaon? sino ang Leonorang iyon, baka
kaya si Leoning ah?

At, mahirap nga naman ang pangyayaring yaon dahilan sa hindi sila
magkakilala sa may mga takip ang kanilang mga mukha. Isang
napakahiwaga ang gayon para kay Eduardo, baka nga kaya si Leoning?

Kaya't ang kanyang kalooban ay waring napakaba na lamang dahil sa
pagsasalawahan ng loob. Hindi niya akalain ang gayon pagkakataon kung
si Leoning nga iyon na kanyang irog na ngayon ay kausap ng kasayaw.

Hindi naman agad siya makaharap sa tumawag na yaon kay Ester sapagka't
baka siya ay makilala ang ayos bagama't nakadespras din. Dangan nga
lamang naman ay hindi pa rin niya mapaniwalaan pagka't ang tinig ng
pangungusap ay iba at hindi tila boses ni Leoning. Nguni't aywan din
natin. Maaaring sa mga gayong pagkakataon ng halakhakan ay
magbalat-kayo ang lahat: pati tinig ay maaring magbalat-kayo.

Nguni't si Leoning nga kaya yaon?

Mabuti na lamang at si Eduardo noon ay may takip ang mukha nakadespras
siya, kaya hindi na siya nagalinglangang humarap sa binibining tumawag
sa kanyang kasayaw.

At palad si Leoning nga! Si Leoning na noon ay kasayaw ng kaagaw ni
Eduardo: ni Daniel Perez.

At mabuti na lamang at hindi agad siya nakilala. Ang akala ni Leoning
ay kung sinong kaibigan lamang iyon ni Fely Ester, kaya parang walang
ano man sa kanya.

Datapwa't napatotohanan ni Eduardo na siya ay talagang hindi
nagkakamali sapagka't tunay na pangangatawan yaon ni Leoning at saka
ang takip sa mukha ni Leoning ay kaunti lamang at nakalitaw ang mga
labing sinusungawan ng ngiti na ang ngiting yaon ay kilala agad ni
Eduardo kahi't na yata na sa malayo.

Nguni't napamangha rin si Eduardo at nang upa lamang huwag mahalata ay
nagiba ang kilos, sa pagsasayaw.

At huminto ang pagtugtug ng orkesta. At palad nagkataon naman sila
noon ay nagkalapitlapit. Ano kaya ang mangyayari, baka sila
magkalinlan kaya? Waring mangingilag ang ating binata dapwa't hindi
niya magawa ang gayon, kaya nakiharap na nga naman.

At, oh! palad, di pa nga naglilipat saglit ay nangusap na si Fely
Ester sa kaibigan niyang Leonora at sinabing:

--Leonora, ipinakikilala ko sa iyo si G. de la Rosa, ang batangbatang
magiging manananggol na mapagwagi.

Halos mahimatay ba wari si Leoning. G. de la Rosa? oh! ang ngalang ito
ay nakatitik ng ginto sa kaibuturan ng kanyang puso.

--Si Eduardo pala--ang naibulong sa sarili ni Leoning.

At nagkamayan ding mahigpit ang dalawang magkaagaw kay Leoning: si
Eduardo at si Daniel Perez palibhasa'y ang gayon ay kaugalian na ng
lahat.

Datapwa't ang ginawi ni Leoning upang hwag mahalata ng kanyang
kaibigang Ester at saka ng bago niyang kasuyuan ay iniabot ang kanyang
kamay sa binata at nagbigay-galang:

--Eduardo de la Rosa, ang aba ninyong lingkod na mapaguutusan ng kaya.

--Maraming salamat po--na waring ang pagsasabi ni Leoning ng ngalan ay
ipinakahinahina ang boses.

Nguni't parang walang ano man yaon. Hindi namalayan ng dalawang hindi
nakababatid ng lihim ng puso ni Leoning at ni Eduardo.

At pamuli na namang tumugtog: isang _foxtrot_ naman. At salamat na
lamang sa pagkakataong yaon. Ginawa ni Leoning ay ipinakilala naman
kay Fely Ester ang kanyang dating kasayaw na si Daniel Perez.

Kaya sa pangyayaring yaon ay nagkapalit ng makakasayaw ang bawa't isa
sa kanila: si Leoning ay makakasayaw ni Eduardo at si Ester naman ay
makakasayaw ni Daniel Perez. Ano kaya ang kahulugan ng mga pangyayarin
yaon...? Sadya kayang ipinakilala ni Leoning si Daniel Perez kay Ester
upang kasayawin at makasayaw naman niya si Eduardo? Aywan natin. Ang
pagkakataon nga naman!

At ngayon ay minsan pang nagkatagpo ang dalawang pusong waring
nagkalayong maluwat.

Datapwa't ang lahat nga para kay Eduardo ay waring nagiiba. Ang
kanyang kasayaw, ay waring ang mga mukha ay laging tungo sa kanya,
tila nahihiya. Bakit?

At ang binibini, waring pipi at hindi sumasagot sa ilan nang mga
tanong at pangungusap ng binata.

Kaya pamuling nangusap si Eduardo.

--Leoning, ang kahapon kaya natin ay ni minsan man ay di mo na
magunita pa?

--Eduardo nalalaman ko ang lahat ng iyon--na sumagot na waring
naghihirap ang damdamin ng binibini.

--Leoning, waring may hirap ang loob mo sa akin? Siya nga ba?

--Wala Eduardo--ang lalo pang tila paos na tinig na sagot.

--Bakit?

--Wala.

--Wala raw.

--Wala nga Eduardo.

--Leoning, nalalaman mo kaya ang kalagayan ng palad ko ngayon, na,
dahil sa iyong paglimot sa sumpa ay walang oras, walang mga sandaling
hindi sinisiklot ng bagabag at dusa ang aking puso?

--Eduardo, hindi ako lumilimot.

--Leoning diyata?

--Eduardo, hindi.....

--Leoning, tapatin mo sana ang puso ko.

--Eduardo, hindi nga kita nililimot, mahal ka sa puso ko--na waring
ang damdamin ni Leoning ay pinagpupuyusan ng lungkot.

--Leoning, maliwanag ang pagiisip ko, hwag ka sanang magsinungaling.

--Eduardo, hanggang libingan, hindi magbabago ang dati kong pagmamahal
sa iyo.

--Leoning, tapatin mo nga sana ako, kausap mo yaring puso.

--Laging tapat Eduardo, nguni nga lamang ...

--Leoning, ano ang kahulugan ng lahat mong pangungusap na iyan?

Datapwa't ang luha ni Leoning ay biglang natak sa kanyang mukhang tila
garing. At sa gayon ay waring napaawa si Eduardo sa nakita niyang anyo
ni Leoning.

Kaya pamuling nangusap si Eduardo.

--Leoning, bakit ano ang nangyari sa pagtingin mo sa akin sa ngayon;
lason na ba ako sa puso mo.

--Eduardo hwag mong pahirapan ang aking puso, mahal kita sa lahat.

--Leoning, ano ang kahulugan ng lahat ng ito?

--Wala Eduardo, hindi nagbabago ako sa iyo, datapwa nga lamang ...--at
di naituloy ang sasabihin.

--Na ano Leoning?

--- Eduardo, iniibig kita at tanging ikaw lamang datapwa't hindi yata
kita palad.

At sa pangungusap na iyon ni Leoning na narinig ni Eduardo ng boong
liwanag--hindi nga yata kita palad--ay waring naging subyang na
mahapding tumarak sa kaibuturan ng kanyang puso.

Ano ang kahulugan ng mga pangungusap na iyon ni Leoning...?

--Hindi raw palad....

Ang ganito ay may ibig sabihin ang lahat. Wala halos naibigkag si
Eduardo kundi:

--¡Ay! Leoning!

At iyan na lamang, iyan na lamang at pamuli na namang nagkahiwalay
sila pagkatapos ng ilang saglit, natapos na ang tugtugan at sila ay
natapos din ang pagkakabatiran ng lihim ng puso kapwa lumuluha.

At hindi na nagkausap si Eduardo't si Leoning dahilan sa ang dalaga ay
waring naghihirap ang loob sa pagsagot at hihikbihikbi, na, mabuti na
lamang at hanggang sa matapos ang sayaw na hindi nahalata ng mga ibang
kasama.

Ano ang kahulugan ng gayon?

Kaya hanggang sa paguwi na lamang ng tahanan ni Eduardo ay waring
nagbigay ng malaking isipin at suliranin ang mga pangungusap ng
kanyang irog.

Bakit? Ano nga naman ang kahulugan ng pagluhang yaon ni Leoning na
kinahabagan na tuloy ni Eduardo. Ayon sa napakinggang mga kataga ni
Eduardo kay Leoning ay hindi nagbabago, hindi lumilimot at dati rin
ang pagmamahal sa kanya ng binibini datapwa't ano ang kahulugan ng
lahat ng iyon: Hindi lamang siya palad....

Lumuluha ang binibini dahilan sa isang Eduardo.

Lumuluha ang isang Eduardo dahil sa sumpang nilimot ni Leoning.

Mga pusong nagsisitangis.




XV


Ang una ay hindi lubos na paniwalaan ni Eduardo ang mga balitang
kumakalat sa mga lalong matataas na lipunan sa Maynila, ang nauukol sa
lalong madaling panahon na pagiisang palad ni Leonora at ni Daniel
Perez.

Datapwa't nang mga sandaling yaon na kanyang pinanununghayan ang hawak
na pahayagan ay siyang pagkapako ng kanyang paningin sa ikatlong
dahon, na, nabasa niya ang maliwanag na titik ng mga ganitong
sumusunod:

"PAGIISAHING PUSO"

Hindi na malulwatan at gaganapin sa malaking simbahang S ... dito sa
Maynila ang pagiisang dibdib ng dalawang mapalad na malaon ng nanabik
at nangangarap sa kandungan ng pagibig. Ang pagiisahing palad nilang
ito ay malaon nang binabalak nguni't ngayon lamang sa mga hinaharap na
araw isasagawa. Ang dalaga ay lubhang kilala ng marami dito sa siudad
at siya ay nanirahan sa masayang bayan ng Tundo, na tumutugon sa
pangalang Leonora Flores at ang makakaisang palad niya'y isang
kilalang mangangalakal at mayamang taga Iloilo.

Sa dalawang pusong papasok sa panibagong baytang ng kabuhayan ay
ngayon pa'y ipinaabot namin sa pamamagitan ng malaganap na pahayagang
ito ang aming mataos na bati at hangad namin ang kanilang maligayang
pagsasalo sa kaligayahan hanggang magpakailanman.--ANG MGA KAIBIGAN.

--Diyata at totoo nga? Kay saklapsaklap na kapalaran!

At, ang binata ay waring nawalan ng diwa, hindi niya akalain na
mababasa niya ang gayong balita. Kay sungit na palad nga naman ng
kanya ngayon!

Diyata at wala na nga ang lahat? Totoo nga pala ang mga balitang yaong
kanyang nangarinig. Makikipagisang puso si Leonora.

Kay pait na dilidilihin ng mga balitang ito!

Kay saklap nga naman, wala na, wala na siyang pagasa, sadyang natapos
na ang lahat. Wala, wala na, nauwi na lamang sa pangarap ang kanyang
maligayang kahapon. Oo, ang lahat ay parang maitim na lamang na ulap
para sa kanyang palad. Naglaho na ang kanyang langit, naglaho na si
Leoning at nilimot ang sumpa.

Naglahong lahat!

Oo, naglaho ng lahat, at wala ng kapagapagasang pamuli pang manumbalik
ang kanilang masayang kahapon. Wala na, oo wala na at natulad na
lamang sa araw na nilamon ng ulap. Ang kanyang pagasa ay naglaho rin,
kinain ng laho, sinakmal ng dilim.

Ay! Eduardo!

Tapos ng lahat ang kaligayahan ng iyong puso. Wala na si Leoning at
hinding hindi mo na makakaulayaw. Ang mga ngiti niya, ang kanyang mga
titig, ang kanyang mga sulyap na dating iniuukol sa iyo, ay kinain
nang lahat ng laho, sinakmal ng ulap at tinangay ng hangin sa alapaap.

Ay!

Walang palad na binata! Di akalaing si Leoning ay lilimot. Walang
malay, walang malay na binatang ngayon ay sinisiklot ng bagabag, at
nagpupuyos ang damdamin sa mga dalamhati.

Kaawaawang binata!

Samantalang sa kabilang dako si Leoning ay mapapasa ibang kandungan na
siyang lahat ang naging dahilan ng kanyang mga paghihirap. Si Leoning
ay mapapasapalad ng isang mangangalakal na mariwasa. Hindi niya naging
palad si Leoning, oh! Eduardong walang palad!

Nilimot nga naman siya ng hindi niya namamalayan. Hindi niya sukat
akalain ang magkagayon. Ngayon ay waring madilim na lahat at
sinasakmal ng ulap ang kanyang magandang pagasang pinapangarap.

Wala na si Leoning, na siyang pinagkukunan niya ng dating sigla sa
buhay. Wala na ang kanyang irog na siyang dating laging nagaalaala sa
kanya, na, pagaaalaalang yaon ay siyang nagiging daan ng kanyang
pagsisikap sa lalong mga dakilang bagay na gawain.

Oh! wala na nga siya, wala na!

Parang pangarap lamang ang lahat. Oo, pangarap, pangarap lamang ang
maligayang kahapong kanyang ipinagduyan sa kandungan ni Leoning.
Pangarap lamang na hindi na pamuling mangyayari pa. Wala na, at wala
na siyang tanging pagasa kundi limutin ang lahat. Oo, limutin na
lamang at siyang tanging magiging lunas ng kanyang pusong sawing
palad.

Datapwa't anong hirap gawin ng lumimot! Lalo at lalo ba waring sa puso
niya ay nagsisidhi ang maalab na nasa na hwag limutin ang kanilang
kahapon ni Leoning na di makatkat sa kanyang puso at alaala.

Makailan nang tangkain ng ating binata ang gawang lumimot datapwa't
lalo at lalong sa damdamin niya ay hindi malimutan. Hindi malimutan
ang lahat, bagkus nananariwa sa kanyang puso na ang mga nakalipas ay
gunitain.

Bagkus lalong naaalaala niya at sa kaibuturan ng kanyang puso ay tila
nakatitik ng ginto ang ngalang Leoning na hindi niya malimutlimutan.

Datapwa't wala ring mangyayari, hanggang sa limutin nga lamang, ang sa
wakas ay mabuting magawang paraan. Oo, limutin na lamang sapagka't
hindi na niya maaaring ibigin si Leoning, dahilang ang kanyang
pakikipagisang puso ay di na malalaon at isasagawa na. Ilang saglit na
lamang.

Ngayon ay hindi na mangyayaring maidaing pa niya ang kanyang
tinataglay na kahirapan sapagka't hindi niya maaaring si Leoning, sa
harap ng magiging kabiyak ng puso, ay kanyang tawagan upang ang mga
tiisin niya ay damayan.

Oo, ang lahat ay hindi maaari. Kung si Leoning ay nasa ilalim na ng
kandungan ng bagong irog ay ni sino man dito sa sanglupalop ay walang
makaaagaw sa kanya.

Hindi na mangyayaring si Leoning ay makipagngitian sa ibang binata,
mga pangiting may ibig sabihin. Hindi na siya maaaring kaulayawin ng
sino pa mang bagong tao sapagka't iyan ang walang salang pagmumulan ng
malaking sigalot ng dalawang puso: Ni Leoning at ng kanyang kabiyak ng
dibdib.

Sadyang dumating na ang tadhanang wala nang maaasahang ano pa mang
pagdamay ng ukol sa suliranin ng puso ang isang Eduardong dumaraing ng
hirap ng damdamin.

Paglimot ang tanging lunas ng isang damdaming pinagpupuyusan ng
hinanakit. Limutin ng isang pusong sinawi ng kapalaran sa pagibig ang
kanyang kinamtang palad.

Iyan nga lamang ang mabisang lunas: limutin niya ang lahat.

Kaya sa pagiisa ni Eduardo ay walang nagawa kundi ang pahayagang
kanyang kinabasahan ng ukol sa pagiisang dibdib ni Leoning at ni
Daniel ay tila halos kuyumusin.

Subali't parang niwalang ano man na lamang niya. Ang hawak na
pahayagan ay ipinatong sa ibabaw ng kanyang mesa at sa masidhing
paghihimutok ng kanyang damdamin ay napasubasob na lamang ang kanyang
mukhang mistulang larawan ng pighati.

Wala na siyang pagasa! Kay saklap na kapalaran!

Ang kanyang pagasa ay natulad na lamang sa layak na tinangay ng
hanging inilipad sa alapaap na di niya maalaman kung saan hahantong.

Natulad siya sa isang liriong nalanta sa pagmamaramot ng patak ng
hamog ng gabi, tulad ng batisang natuyo't sukat, tulad ng talang
maningning nguni't hindi kumikislap.

Walang sa sarili ay nasasabi maminsanminsan, kundi:

--¡Ay! Leoning, nang dahil sa sumpa mong nilimot!...

At, dahil sa sumpang nilimot ni Leoning ay naglahong lahat ang pagasa
niya at lugod sa buhay. Sinakmal ng papawirin na di malaman kung saang
bahagi ng kapuluan hahantong.

Waring isang libingang mapanglaw, isang libingang sawi at ni bulaklak
man lamang ay di tumubo't manariwa dahil sa tigang na lupang sadlakan
ng mga sawi: iyan si Eduardo. Kay saklap ng gunitain!

Iyan ang naging palad ng ating binata...!

Magtiis ng hirap, magbata ng mga dalamhati. Kaya sa pagkasubasob ng
mukha niya sa mesang sulatan ay sarisaring gunita ang nagsasalinbayan
sa kanyang guniguni; mga gunitang parang pawang kasawian ng kanyang
palad dahil sa sumpang nilimot.

Kulang palad na binata!

At, makalipas ang ilang sandali na hindi niya hinihintay ay may
kumatog sa kanyang pintuan ng silid at sinabing:

--Sulat po.

Kaya, pagkaalam niyang may sulat para sa kanya ay dagling tumindig at
inabot sa may dala. Kaninong liham kaya iyon? Kay Leoning kaya?
Sinulatan pa kaya siya ni Leoning gayong hindi na siya ang magiging
kaisangpuso?

At kanyang binuksan.

--Kay Leoning buhat--ang kanyang nawika.

Kaya ang liham na iyon ay binasa na ganito ang mga natititik:

_Eduardo_:

_Dumating ang mga sandaling tila isang pagkukulang ko sa iyo kundi
ibalita ang nauukol sa ating naging palad_.

_Kay lungkot gunitain! Sa puso ko ay walang namamahay ngayon kundi ang
mga pighati. Hindi ko man nababatid ang kalagayan mo sa ngayon ay
waring napapangarap kong gayon din. Paris din ng puso kong hindi na
nakakakita ng liwayway ng kaligayahan. Oo, waring napakapait ang lahat
ngayon para sa ating damdamin_.

_Eduardo, natapos nga sa atin ang lahat, na, nang mga unang sandali ay
di ko man lamang napangarap ang ganito. Natapos sa atin ang lahat at
marahil ay magpakailan man ay di na mangyayaring magbalik pa ang ating
maligayang kahapon. Hindi ko na dapat pang dito ay ilahad ang lahat_.

_At, dahil sa ating pagiibigan at pinagsumpaanan ay sinisisi ko ang
aking sarili; nagkasala ako at ang pagkakasala kong yaon ay inihihingi
ko sa iyo ng patawad. Nguni't ang paghingi ko sa iyo ng patawad ay
hwag mong hinalaing ako ay kaya humihingi ay dahil sa pagkakasala ko
sa iyo dahil sa sumpang nilimot. Hindi, hindi Eduardo, sa puso ko ay
di ka nalilimot, laging sariwa sa kaibuturan ng aking puso ang ngalan
mo. Nguni't ako ay kulangpalad at sa kandungan mo ay di doon
makapagpasasa ng kaligayahan ng puso gayon ang aking buhay na kagaya
nang napapangarap ko noong una_.

_Ay! Eduardo, sa aba ko ay talagang hindi mo nga ako palad at ikaw
naman sa akin ay gayon din. Hindi kita naging palad na gaya ng aking
pagasa_.

_Ang mga ganitong bagay ay hwag mo ng hihintin ko pang isalaysay sa
iyo. Anopa't ikaw na ang bahalang magtanong sa sarili mong gunita kung
ano ang kahulugan ng sinabi ko: hindi kita palad at ako naman sa iyo
ay gayon din._

_Nalalaman mo Eduardo, na, ni kahit saglit ay hindi na kita maaaring
magkausap pa. Kaya ginawi ko na lamang ang ganitong kita'y lihaman,
na, ang pagliham ko pang ito ay parang isang napakabuting pagkakataon
lamang at nanakaw ko sa maramot na si Panahon. Oo, kung mangyayari
lamang kitang magkausap ay mababatid mo ang boong linaw na sanhi ng
ipinagkaganito ko. Oo, hindi ako lumilimot sa ating sumpa, mahal ka sa
akin, mahal ka sa puso. Hindi na nga lamang kita maaring magkausap pa
disin sana ay maipahiwatig ko sa iyo ang lahat: ang aking kalagayan ay
tila ba napakaselan at laging may nakabantay sa akin; parang bilanggo
na di makakatakas sa kulungan. Mahigpit na mahigpit sa akin ang mang
Alejandro, oh! na kung malalaman mo lamang Eduardo, siya ang dapat
hampulan ng sisi ng lahat kong ipinagkaganito sa iyo._

_Eduardo, kung nalalaman mo lamang ang kalagayan ko, marahil ay
mapapahabag ka rin sa iyong dating kasuyuan ngayong abangaba at may
sugat ang puso. Oo, Eduardo, kung nasa piling lamang kita! nguni't
wala na nga lamang pagkakaari pa ang lahat. Huli na ang lahat. Oo,
huli na Eduardo...._

_At marahil sa pagtanggap mo nitong liham at pagkatapos mong mabasa ay
ilang oras na lamang ang darating at oh! Eduardo, hindi na, ako si
Leoning, hindi na, na dating malaya, hindi na, mangyayaring tawagin
pang ako ay dalaga: May asawa na at na sa ibang kandungan na siya kong
susundin. Kay pait ng lahat_.

_Oo, Eduardo kay saklap ng lahat nang ito para sa akin!_

_At, wala na nga, hindi na ako dalaga, kundi isang babaing may kabyak
na ng puso at hindi na sarili_.

_¡Ay! Eduardo, natapos sa atin ang lahat, nguni't alamin mong hindi
kita nililimot. Wala nga lamang palad kita. Hindi kita naging akin na
gaya ng pagasa ko at ako naman ay di naging iyo_.

_Natapos na nga sa ating dalawa ang lahat nguni't ipinaaabot ko rin sa
iyong hindi ako ang kusang lumimot. Talaga lamang ng panahong hindi
kita ang mapalad na magkakasama hanggang sa libingan_.

_At, gayon di hwag mo na sanang kasisihin ang aba kong palad at
alalahanin mong mahal ka sa puso ko. Datapwa't ano naman kaya ang
ipalalagay mo sa akin? Baka kaya may hinanakit pa rin ikaw Eduardo?
oh! hwag sana...._

_At, ngayon, marahil ay buongbuo ang pagasa at pananalig mo na ang
simula ng iyong paghihinanakit na iyan ay dahil sa sumpa kong nilimot.
Hindi ba?_

_Dahil sa sumpa mong nilimot_!

_Oh! ang ganyang pangungusap ay maanong hwag mo nang masasambit! Sa
ngayon man ay kinakaulayaw mo ang hinagpis ay hwag mo nang sambitin
sana ang "dahil sa sumpa mong nilimot" kung kaya ka luksa ang puso_.

_Alalahanin mo lamang na ako'y isang bulaklak na nasa kasariwaan
nguni't mangungulutding sa isang matinik na tangkay...._

_Eduardo, sa hanggang dito na lamang at sa iyo ay paalam, malungkot
ako sapagka't hindi kita palad at malungkot ka sapagka't ang hinala mo
ay dahil sa sumpa kong nilimot._

_Paalam_,

_LEONING_.

At, matapos mabasa ni Eduardo ang liham ay halos mapaluha na lamang at
sa puso ay waring walang ibang nagsisidhi kundi ang pighati. Ang
kanyang mukha ay mistulang larawan ng lungkot, ang kanyang mga
paningin ay binubukalan ng saganang luha, luha ng pananahimik sa
kawalang-pagasa.

Hindi na nga kaya niya palad si Leoning!

Ilang mga sandali na lamang at ang kanyang Leoning ay haharap na sa
dambana, na, magiging palad ni Daniel Perez, na siyang umagaw ng
kanyang kapalaran.

Wala nang pagasang ano pa man: si Leoning ay hindi niya palad, hindi
kanya.

Oh! pusong balot ng kasawian!

       *       *       *       *       *

--Aay, palad!--ang nawika ni Eduardo sa kanyang pagiisa. Diyata at
natapos na ang lahat!

Sa kanyang mga pangdinig ay waring nanunuot ang tunog ng batingaw ng
simbahan: Oras na ng pagkakasal kay Leoning at kay Daniel.

Ang batingaw ay walang tigil ng pagtunog. Kahit na yata ang kanyang
mga taynga ay takpan ng sapinsapin ay waring naririnig din niya ang
tinig ng kampana.

--Kay saklap; Kinasal na si Leoning! Kinasal na ang nagi niyang irog.

At habang ang tunog ng batingaw ay kanyang naririnig ay halos ang
kanyang boong katawan ay nababalot ng dalamhati, ang puso niya ay
sinasasal ng malakas na pagtibok. Si Leoning ay hindi na kanya, kasal
na.

Tiningala niya ang langit; nguni't ang pagdadapithapong yaon ay waring
isang kimpal ng ulap. Para bang ang kanyang palad ay makikisama na sa
pagtatakip-silim. Waring ang kanyang pagasa ay nagtutumuling lulubog
sa matinding dagok ng kasawian.

Baka kaya ang susunod namang pagtugtog ng batingaw mamaya ay isang
plegaria naman? Baka kaya ang isinunod naman doon ay ang malulungkot
na tinig na nagpapahiwatig ng pagyao ng pusong sawi...?

Kaya't walang nasabi ang ating binata nang matapos na ang maligayang
tunog ng batingaw na tanda ng pagkakasal ni Leoning at ni Daniel kundi
isang salitang waring napakapait na kanyang binigkas:

¡Ay Leoning! dahil sa sumpa mong nilimot....

At walang waring nagugunita si Eduardo kundi ang malulungkot na
kapalaran ng kanyang palad. Waring isang libingang sakdal saklap ang
kumuwakaway sa kanyang palad!

Oh! kay saklap na dilidilihin ng lahat.

Kay pakla at ngayon ay si Leoning ay kasal na, samantalang sa kabilang
dako ay naiwanan si Eduardong nangungulila at walang naging palad
kundi ang makaulayaw ay mga madlang dalamhati ng puso, ang kanyang
pusong waring isang libingan na lamang ang siyang tanging pagasa at
hahantungan.




XVI


Pagkaraan ng maraming araw at mga linggong sinusundan ng mga buwan
mula nang si Leonora ay mapakasal kay Daniel Perez, si Eduardo ay nagi
nang masasaktin. Ang lahat niyang kasiglahan ng katawan ay paraparang
nangungupas na lahat, sa pagkahulog ng lakas.

Ngayo'y nagi siyang isang binatang maputlain at nagyayayat ang dating
sariwang katawan. Ang ngalang Eduardo de la Rosa ay waring nawala na
pati at lumubog sa mga samahang tanyag na kabinataang dating kanyang
pinakikisamahan. Nawala siya at ngayon ay hindi na nakakasama ng mga
dating kasamahin.

Kung mga hapon ng masayang araw ng linggo ay datidating hindi nawawala
sa mga liwaliwan, sa mga pook na maraming mga tao, datapwa't ngayon,
ang binatang iyan ay nawala na at kahit na sa mga liwaliwang paris ng
Luneta ay hindi na rin siya makikita. Para ba ng bituin siyang kinain
ng lahong hindi na napasilay.

Maging sa samahan man ng mga kabinataang kawal ng bagong panahon sa
siudad ng Maynila ay napahiwalay rin siya at kusa ba waring lumubog na
ng patuluyan ang ngalang Eduardo de la Rosa, ang batangbatang magiging
matarong manananggol. Ang mga kabataang kanyang mga kasama sa pagaaral
ay minsanminsang siya ang pinaguusapan: ang sanhi ng kanyang paglubog
sa mga lipunan.

--Walangpalad na binata at lumubog ang maningning na pangalan!

Ganyang pangungusap ang madalas na pinaguusapan ng kanyang mga naging
kakilala na di nakakamalay ng kanyang lihim. Sayang na Eduardo, na,
may maningning na pagasa sa kinabukasan na lumubog at nawala't sukat.
Ang kanyang pangalan, ngayon ay nawala na, at, sa pagkawalang iyan ay
maraming nagtataka dahil sa malamalikmatang pagkaparam.

Hindi na narinig at para bang hindi na pamuling sisipot sa maliwanag.
Nasaan kaya siya at ano ang kanyang kabuhayan? Ang madlang kakilala
niya ay nananabik na makakita sa kanya dahil sa pagkamabuting bata.

Nawala at ngayon ay hindi na naririnig sa mga lalong matataas na
lipunan ang ngalang Eduardo de la Rosa.

At, sa mapayapang pamumuhay ni Leoning sa piling ang kanyang kabiyak
na si Daniel Perez, ang magkasi'y hindi na nakarinig ng ngalang
Eduardo de la Rosa.

--Ano kaya ngayon ang dinaranas na kabuhayan ni Eduardo?

Ganyan namang mga haka ang minsan ay naaalaala ni Leonora. Nagugunita
niya kahit siya ay mayroon nang kabiyak ng puso. Para sa kanya ay tila
laging nabubuhay ang kanyang loob kung ang larawan ni Eduardo ay
kanyang sa minsanminsan ay napapangarap. Dangan nga lamang ay hindi
niya naging palad si Eduardo. Nguni't hindi nagbabago sa kanyang
kalooban ang dating pagibig na nauunsiyami sa puso niyang ngayon ay
siyang dahilan ng mga pagtitiis ng ating binata. At, ngayon, kung
malalaman nga kaya niya ang kabuhayang dinaranas ni Eduardo, ay ano
kaya ang magigiging hakahaka niya? Ano ang kanyang sasabihin?

Si Eduardo ay natulad ngayon sa isang bulaklak na nalalanta, at
naglalaho ang dating kasariwaan at makatas na katawan. Tulad niya ay
isang kandilang untiunting nauupod. Nangyayayat at waring wala nang
kasiglasigla, ang katawan. Bukod pa sa riyan ay kadalasang nahihiga
lamang sa banig at nagkakaroon ng sarisaring karamdaman.

Kaya habang patuloy ang paglakad ng panahon ay waring patuloy din ang
dating sasaktin. Nagiging maputlain at nawawalang untiunti ang dating
kasiglahan sa buhay. Madalas ngayon ang maghihiga sa banig dahil sa
karamdamang yaong sa puso niya ay lalo ba yatang nagsusumidhi.

At, sa kinalaunan ng panahon ay untiunti na ring napupuna ng kanyang
kasama sa bahay ang pagbabagong yaon ni Eduardo. Datapwa't para bang
hindi namamalayan ng lahat ang sanhi. Ang panghihinang yaon ng katawan
ng ating binata ay walang gasinong maraming nakababatid. Akala lamang
ay isang sakit na sadyang dumatal sa katawan ng binata. Hindi
nalalamang ang sakit na iyon ay isang sakit ng pusong sawing kapalaran
sa kanyang paralumang lumimot.

Nagtataka ang kanyang mga kasama sapagka't ginagamot na ng mga
bihasang Doctor ay hindi pa rin nagbabago, at habang lumalaon ay
waring lalong nagsisidhi ang sakit ng binata. Pati kulay ng pamamalat
ng katawan ay nagbago na at namumutlang madilawdilaw. Ano kaya ang
kanyang sakit?

Kaya minsan ay sinabi na tuloy sa kanya ng manggagamot na si Dr.
Velasquez, na, siya ay magbakasion sa malalamig na pook, sa mga pook
na hindi mainit. Magpunta siya sa mga malalamig na pook upang
makasagap ng mabuting simoy ng hangin.

--Kailangan ang ikaw ay magbakasion sa malamig na pook, tulad sa Los
Banos, sa Bagyo, sa Lukban, sa Sibul, o dili kaya ay sa may ibang
bahaging malayolayo sa siudad.

--Hindi na po kailangan--ang isinagot naman ng ating binata.

--Ah, mabuti sa iyo ang magbakasion sapagka't ang ipinangkakaganyan
mo ay hindi bagay ang panahon dito sa =Maynila=.

Anong hindi bagay ang panahon sa Maynila? Si Eduardo ay malwat nang
naninirahan dito, sa ngayon lamang hindi babagayan ng panahon? ¡Oh!
ang lahat nang iyan ay hindi nalalaman ng ating manggagamot. Hindi
niya nababatid ang lihim ng puso ng sawing palad na binata.

Kaya para sa ating binata ay kahit na yata siya saan dalhin ay wala ng
makakalunas sa dinaramdam niyang sakit sa puso kundi ang limutin at
waling lubos sa alaala ang kanilang naging buhay ng suyuan ni Leoning.

Datapwa't makalibo na yatang kanyang pinagtangkaan walin sa diwa ay
lalo naman yatang sa puso niya ay nananariwa. Ang lahat ay di niya
malimutlimutan.

Kapag ang pagibig nga naman ng isang puso ay sadyang dakila at bukal
sa damdaming walang pagkupas, hindi mapawipawi sa kaibuturan ng puso
na gaya na nga ng kay Eduardo.

Hindi niya malimutan!

Hindi niya malimutan ang lahat na siyang sanhi ng masidhing
pagdaramdam ng kanyang pusong ngayon ay siyang kinakaulayaw.

At, hanggang sa siya ay mapagisa na lamang sa pangungulila na wala rin
siyang naaalaala kundi ang kanilang kahapon ni Leoning. Nararatay
ngayon siya sa banig na nagdadalamhati at nangyayayat ang katawan.
Kaawaawang binata! Wala nang ligaya ay nawalan pa ng kasuyuan...!

Datapwa't ang pangyayaring yaong kanyang dinaranas na mga sakit ng
damdamin sa puso, ay di rin nalihim sa ilan niyang mga kakilala at
kaibigan nang lumaon na. At, ang pagkakaalam ngang yaon sa kanyang
kalagayan ay maraming nagtataka kung bakit hindi na nanumbalik ang
dati niyang sariwang katawan at di na muling nagbalik ang dating
lakas.

Kaya isang hapon ay nabasa sa isang malaganap na pahayagan ang
ganitong mga titik ng balita:

"KAIBIGANG MAY KARAMDAMAN"

Ang aming matalik at kasamang si G. Eduardo de la Rosa ay malaon ng
nararatay sa banig, dahil sa isang sakit na dumapo sa kanya. Ang
pangyayaring ito ay sinikap na ng ilang mga kakilala at pantasona mga
manggagamot datapwa't hindi mabigyan ng kapit na lunas ang kanyang
karamdaman.

Ilan nang manggagamot ang sa kanya ay lumapit at nagadhikang mapilit
na mapagaling, datapwa't pawang pagkabigo lamang at wari pa yatang
lalong nagsisidhi sa kanyang katawan ang sakit.

Gayon man, ay hinahangad namin ang kanyang paggaling sa lalong
madaling panahon.--MGA KAIBIGAN NIYA SA PASULATAN.

At, ang balita sa binatang ito ay kumalat na, at nalaman ng lahat ng
kanyang maraming mga kaibigan. Sa mga lipunang kanyang laging
kinabibilangan ay nalamang kung kaya siya nawawala ay dahilan sa may
karamdaman. At, ngayon ay walang nagiging bukangbibig ang kanyang
ilang mga kaibigan at kakilala na di nakamamalay ng kanyang sakit,
kundi:

--Ano kaya ang naging sanhi ng sakit na iyon ng ating kaibigang
Eduardo de la Rosa?

Pati ang kinatawang Velarde, na, kanyang naging matalik na kaibigan ay
nagkaroon din ng kaunting pagkamangha sa kanyang naging palad.

Nabasa ng ating kinatawan ang kalagayang yaon ni Eduardo at sa
pangyayaring yaon ay nakapagsabi rin sa sariling:

--Sayang na bata. Sayang na sayang ang kanyang magandang pagasang
hinaharap. Sayang kundi magbabago ang kanyang karamdaman.

Marami ang sa kanya ay nanghihinayang. Kulang palad nga naman siya.

At, palad ... ngayon pati ay umabot na sa kaalaman ni Leoning, na,
bukod pa sa kanyang nabalitaan sa ilang mga kaibigang walang
pinaguusapan kundi ang kalagayan ni Eduardo, ay nabasa rin niya ng
boong liwanag sa pahayagang dumarating sa kanila.

--Diyata at si Eduardo ay may karamdamang malubha? Walang makalunas na
manggagamot?--ang naibulong ni Leoning sa sarili.

At, sa pagiisa ni Leoning ay sumagi sa kanyang alaala ang kanyang
naging kasuyuan. Kulang palad na Eduardo!

Kaya nagmuni siya sa sarili. Diyata pala at naglulubha ang nagi niyang
kasuyuan na di niya namalayan agad?

At, sa pagmumuni niyang yaon ay naisipang dalawin ang binatang nagi
niyang kasuyuan kahapon. Nagbihis upang gumayak at kusang dalawin ang
kanyang naging irog.

Naisaloob niya ang kalakasan ng budhi sapagka't wala sa kanyang
magkakasala. Walang hahadlang, ang asawa niya ay wala. Kaya magagawa
niyang lahat sapagka't hindi siya makikita ni Daniel Perez, na kanyang
kabiyak ng puso, wala roon sa kanyang tahanan at nanaog at sinabing
may pupuntahan lamang siyang kaibigan sa San Marcelino.

Kaya tuloy na siyang nanaog matapos na makapabihis. Datapwa't anong
palad, nasa harapan pa lamang siya ng kanilang tahanan ay siya namang
pagdating ng asawa na noo'y sakay sa kanyang autong "Cadillac". At, sa
pagkamalas na iyon kay Leoning ng asawang bagong dating ay kinabahan
siya ng dibdib. Ano kaya ang kanyang masasabi, hindi kaya tuloy mapuna
pati ang kanyang ayos? Sinasasal ng tibok ang kanyang puso ng isang
malakas na bungtonghininga. Baka kaya siya ay mabigo ah?

At, siya ay binati ng asawa.

--Leonora, saan ka pupunta at ang gayak mo ay di pangkaraniwan?

--Daniel--ang sagot naman agad--nakalimutan kong ipagbilin kanina sa
iyo, nang ikaw ay umalis ang pagpapabili ng bulaklak sa Hardin
Botaniko, kaya ako'y siya nang nanaog upang bumili--ang pailas ni
Leoning na ang puso ay may kaba, na mabuti at walang kamalaymalay ang
asawang kausap.

--Ay anong hinihintay mo at nakatigil ka pa?

--Nagaabang ng karumata.

--Dini ka na sumakay sa auto at hindi ko na gagamitin.

--Wala ka na bang ibang pupuntahan?

--Wala na, sakay na.

--Daniel, samahan mo na ako--ang malambing pang pakunwari.

--Hwag na at marami akong gagawin sa bahay. Papanhik na ako.

At, mabuti na lamang at ang pagkukunwaring yaon ni Leoning ay hindi
nahalata ng walang malay na asawa.

Kaya upang hwag mahalata pati niyong tsuper ay ginawa ni Leoning ay
iniutos ngang padaanin sa Hardin Botaniko upang bumili ng mga
bulaklak.

At, upang makagawa ng paraan sa pagtungo sa tahanan ni Eduardo ang
matalinong si Leonora ay iniuutos na din sa tsuper na ang auto ay
idaan lamang sa gayong mga lansanhgan at may dadalawin siyang
kaibigan na kanyang naging kadalaga.

--Ihinto mo na rito--ang wika ni Leoning, pagdating sa tapat ng
kinatitirahan ng ating binata. At inihinto naman ng walang malay na
tsuper na ang pagkakaalam ay ang pinanhik ni Leoning ay tahanan ng
isang kaibigang dalaga.

At mapalad na pumasok ng silid ni Eduardo ang malakas na loob na si
Leonora.

--Eduardo--ang kaagad na bati ng dumating.

--Leoning, Leoning ... na, nakilala agad ang tinig ng nagsalita.

--Oo, ako nga.

--Leoning, Leoning, si Leoning ka nga ba?--na waring naalimpungatan
ang binatang ang mata ay may ulap.

--Oo, Eduardo, dinadalaw kita.

--Leoning, ano, ano ang nagudyok sa iyo at ako ay pinarituhan mo,
bakit ka nagkaisip na pumarito?

--Upang kita ay damayan.

--Damayan?

--Oo, makihati ako sa iyong karamdaman.

--Leoning, salamat, nguni't....

--Huwag kang magalaala.

--May asawa ka na. Huwag mo nang pakialaman ako.

--Hindi Eduardo, ang sakit mo, ay sakit ko rin.

--Leoning, lumayo ka na sa akin. Hindi na maaari ang lahat.

--Eduardo, hindi, asahan mong mahal ka pa sa akin kahit ako ay may
asawa.

--Mahal? oh! Leoning.

--Maniwala ka.

--Dahil sa sumpa mong nilimot?

--Eduardo, hindi ako lumilimot!

--Leoning, naghihirap ang puso ko, huwag na, hala lumayo ka na at may
asawa ka, hindi na maaaring ako ay damayan mo pa mga tinitiis kong
hirap na ito ng dahil sa sumpa mong nilimot, oo, Leoning, lumayo ka na
sa akin, utang na loob.

--Eduardo, hindi ko matitiis ang ikaw ay maging malubha ng dahil sa
akin. Narito ako at dumaramay sa iyo.

--Nguni't may asawa ka, aking inuulit.

--Walang kailangan, hindi niya namamalayan ang pagparito ko sa iyo
upang makihati sa iyong mga sakit.

--Leoning, utang na loob hwag mo na akong dalawin. Lalong baka
magdagdagan pa ang hirap kong tinitiis ng dahil sa sumpa mong nilimot.

--Hindi ko matitiis ang hindi kita dalawin.

--Leonora, lumayo ka na, baka ka mamalayan ng iyong kabiyak ng puso.

--Hindi Eduardo, lagi kitang dadalawin upang ang mga noo mo ay lagdaan
ko ng halik tanda ng di ko paglimot sa iyo at pagmamahal.

--Leoning, layuan mo na ako, hala, wala na at hindi na mangyayaring
lahat ang mga pangungusap mong iyan. Naglaho na ang lahat.

--Hindi Eduardo ... narito ako upang kita ay aliwin.

--Aliwin?

--Oo, Eduardo.

--Leoning, huwag na, huwag mo nang sa ngayon ay alalahanin pa ako. Oo,
huwag na.

--Eduardo, hindi, hindi maaaring kita ay malimot sa alaala, narito ako
upang sa mga noo mo ay lagdaan kita ng halik. Eduardo tulutan mong
halikan ko ang noo mo.

--Leoning, salamat, huwag na, oo, utang na loob lumayo ka na sa akin.

--Eduardo, kahit na itong bulaklak, halikan mo lamang ito kung ikaw ay
ayaw.

--Leoning, ang lahat ng ito ay ano ang ibig mong sabihin?

--Mahal kita kahit ako ay may asawa.

--Leoning, huwag mo nang gambalain ako, hala, layuan mo na ako. May
asawa ka nga pala.

--Eduardo!--na biglang niyakap si Eduardo ni Leoning at pinaghahagkan
ang namumutlang pisngi ng binata, hinagkan sa labi....

--Leoning, ano ang kahulugan ng lahat ng iyan?

--Eduardo, mahal kita.

--Leoning, bitiwan mo na ako, iwanan mo na ako, utang na loob.

--Eduardo! ang puso ko ay lason na ba sa iyo?

--May asawa ka!

--Ay! Eduardo, kung nalalaman mo lamang ang lahat!

--Leoning, oo, nalalaman ko, layuan mo na ako, baka....

--Baka ano, Eduardo?

--Baka abutan ka pa ng aking manggagamot.

--Ng iyong manggagamot?

--Oo, Leoning.

--Nguni't dadalawin uli kita.

--Huwag na, may asawa ka.

--Walang kailangan Eduardo. Ikaw ang minamahal ko.

--Leoning, iwan mo na ako, hala iwan mo na, tingnan mo siya, iwan mo
na ako, oras nang darating ang aking manggagamot.

--Oo, Eduardo aalis na ako, nguni't paparito uli ako.

--Leoning, huwag na.

--Hindi Eduardo, kita mapababayaan. Kaya asahan lagi kitang
dadalawin.

--Leoning sa ibang araw na.

At, hindi na tinugon ni Leoning ang pangungusap ni Eduardo at sa labi
ay inilagda ang isang halik bago pa nanaog.

Kaya sa pagiisa ni Eduardo, pagkaalis ni Leonora ay walang naitanong
sa sarili kundi:

--Ano ang kahulugan ng lahat ng ito? May asawa si Leonora.

Ano kaya nga naman kung ito ay mamalayan ng asawa ni Leonora? Ano kung
mamalayan ng asawang may iba palang minamahal? Hindi kaya mapuna ang
mga pagkilos ng ganitong pagbabago ni Leoning sa kay Daniel Perez?
Hindi kaya mapuna ni Daniel Perez, ang mga bagong pagkilos ni
Leonorang kanyang kabiyak ng puso?

Pamuling dadalawin ang binatang may sakit sa puso ng dahil sa sumpang
nilimot datapwa't hindi na kaya ito mapupuna ni Daniel Perez?

Si Daniel Perez, Oh! kaawaawang asawa ni Leonora! Hindi pala minamahal
ng asawa! Kaawaawang lalaking hindi nagkaasawa ng kaisang matapat.




XVIII


Ang katawan ng kaawaawang si Daniel Perez ay malatang malata nang
dumating ng bahay. Ngayon ay hindi naging lihim na lahat sa kanya ang
ginawang pagsusukab ni Leonora: maliwanag na nakita niya ng dalawang
mata ang kataksilan. Kaya sa kanyang mukha ay walang ibang nalalarawan
kundi ang kasamaan ng loob. Hindi niya nalalaman na noon pa lamang mga
panahong nakaraan ng kanilang pagsasama ay siya ay pinagsusukaban na
ni Leonora.

Kaawaawang Daniel Perez?

Ang kanyang buong akala at pananalig ay matapat sa kanya ang kabiyak
ng pusong si Leoning, datapwa't hindi niya nalalaman ay
pinagtataksilan pala siya. Hindi niya akalain na si Leoning ay may
ibang minamahal matangi sa kanya datapwa't ngayon ay mayroon palang
iba pang minamahal ang kanyang asawa.

Kaya noong umagang yaon ang noo niya ay nangungunot na waring may
malaking kasamaan ng loob at ang kanyang damdamin ay tila ba may isang
suliraning napakaselan sapagka't sa anyo niyang yaon ay
mapagkikilalang may samang totoo ang kanyang kalooban. Bakit kaya? Ano
kaya ang nangyayari sa dati niyang payapang pamumuhay?

Waring ngayon ay natawagan ang kanyang pansin, natawagan ang kanyang
kalooban dahilan sa madalas na pagalis ni Leoning ng tahanan na buo
naman ng pagtitiwala ng mapagmahal na asawang si Daniel Perez sa
hinalang walang ano mang ginagawang makapagpasama sa kanyang loob ang
asawang akala niyang matapat.

Datapwa't ang mga kilos ni Leonora nang umagang yaon ay siya ngang
napansin niya na sa pagkapansing yaon ay nagkaroon siya ng masamang
kutob ang loob. Ngayo'y naninibugho ang kanyang damdamin sa dahilang
iba't iba ang nakikita niyang kilos kay Leoning. Waring napansin niya
ngayon ang lahat.

Nang mga nakalipas na araw ay hindi niya inaalumana ang mga dating
kilos na iyon ng asawa sa pagaakalang matapat ang pagmamahal sa kanya.
Buo ang pagasa niya na ang mga ginagawang pagalis na iyon ni Leoning
ng sariling tahanan ay may mga pinupuntahan lamang na mga kaibigang
babae o kaibigang dalaga.

Datapwa't nang araw na iyon ay malabis ang kanyang pagtataka sa kilos
na ipinakita sa kanya ni Leoning. Ang asawang si Leonora ay bihis ng
magara at naglagay ng lalong mababangong "perfume" na taglay sa
katawang mapangakit.

Kaya sa pagkapansing yaon ng kulangpalad na asawang si Daniel, ay
waring natawagang lubos ang kanyang kalooban sa mga kilos na nakita sa
asawang si Leonora. Humahalimuyak at ang pagkakaanyo ay daig pa ang
isang dalagang lalong kaakitakit. Walang iniwan sa dalaga ang asawang
yaon ng ating walang malay na si Daniel Perez.

Kung nalalaman nga lamang naman ng kahabaghabag na si Daniel ang mga
ginagawa sa kanya ni Leonora ay marahil ay maluwat nang kanyang loob
ay pinagpuyusan ng galit. Datapwa't siya ay isang kulangpalad
sapagka't ang asawang akala niya ay mabait at matapat ay di man
lamang gumagawa ng ano mang paglililo gayon ang mga ginawang yaon ni
Leoning ay isang bagay na kay samasama kung malaman ng mga kapisanan.

Walang kamalaymalay ang kanyang sarili. Bago pa naman umalis ang
nagsusukab na asawa ay nagiiwan pa sa kanya ng mga halik sa noo, ang
mga maamong mata ay mapungay na itititig sa kanya, ngingitian siyang
waring nagaalay ng pagmamahal na lubos namang lalong nasasabik ang
kanyang puso. Kadalasang bago manaog ng tahanan ay sinasabi sa
kanyang:

--Hanggang sa muli, hanggang mamaya, Daniel. Ako lamang ay pupunta sa
kina Fely.

Samantalang ang kaawaawang si Daniel ay walang iginaganti naman sa
asawang mananaog kundi mga ngiting lipos ng paggiliw. Datapwa't nang
umagang yaon na si Leoning ay may iba nang kilos na nakatawag ng
kanyang damdamin ng pansin ay ang ngiting kanyang damdamin pansin ang
ngiting kanyang iginanti sa asawa ay waring isang ngiting balot ng
hiwaga. Ang kanyang puso ay nagkaroon ng panibugho at nais na sana
niyang sansalain ang pagpanaog na iyon ng asawa nguni't hindi na
lamang niya napigilan.

Ang paalam sa kanya ni Leonora ay pupunta sa kaibigang dalaga na si
Fely. Datapwa't ang pagpapaalam na iyon ni Leonora ay waring nagdulot
sa kalooban ni Daniel ng isang pagkapoot. Dadalawin si Fely? Nagbago
ang kalooban ni Daniel.

Kaya sa pagtawag na iyon ng pansin ng kanyang loob ay tinangka niyang
sundan at subukan kung totoo nga ang mga ginagawang pagtatapat sa
kanya.

At, pagkapanaog na pagkapanaog ni Leoning na noon ay sumakay sa isang
karumata ay nanaog din siya upang ang asawa ay lihim na sundan. Ang
pagsakay sa auto ay hindi niya ginawi sapagka't kung sasakyan niya ang
kanya ring sariling auto ay baka sakaling maalaman ni Leoning na siya
ay sumunod. Maaaring mamalayan nga naman sapagka't kung siya ay nasa
likuran ni Leoning at mamamalas ang kanilang auto ay mababatid ni
Leoning na siya ay sinusundan ng asawa.

Kaya bago nanaog si Leoning sa kinalululanang karumata ay pinagsuri
muna niya ang tiyak na pintuang pinasukan at kanya namang sinabi sa
kotsero na ihinto na at huwag nang malapit pa sa inibisan ng
sinusundan at baka ang paglunsad niya ay makita pa ni Leonora.

Walang malay na Leonora na matapang pa rin ang kalooban at hindi man
lamang sumagi sa gunita ang asawa na siya pala ay lihim na sinundan.
Wala man lamang kaba ang dibdib ng asawang nagtataksil, at hindi man
lang nagkaroon ng kutob ang loob na si Daniel ay kasunod niya at siya
ay sinubukan.

At, sa paglalakasloob na yaon ni Leonora ay hindi niya namamalayang
kasunod ang asawa. Ang pagpanhik na lamang na iyon ni Leonora sa
tahanan ni Eduardo ay kung ating pagbibigyan ng kuro kuro at pansin ay
waring sariling tahanan ni Leonora. Tuloytuloy agad na wala nang
maraming lingonglikod pa.

Kaya nang matiyak ni Daniel ang pintuang pinasukan ng kanyang asawa ay
malayolayo pa ay ipinahinto na niya ang sasakyan at siya ay lumapag
agad. Nilakad na lamang niya ng kaunting pagitan ng kanyang inibisan
at saka ang tahanang pinanhikan ng taksil na asawa.

Ano nga naman ang tahanang yaon? Ayon kay Leoning ay tahanan ng
dadalawing kaibigang dalagang si Fely!

Kaya sa pagpasok na iyon ng pintuan ni Daniel ay waring natawagan
agad ang kanyang pansin na doon ay walang tumitirang dalaga. Hindi rin
naman kaila sa kanya ang mga pook na iyon at madalas din niyang
mapagaabot. Kaya nabuo sa kanyang paghahaka na sadyang may ibig
sabihin ang ginagawang yaon sa kanya ng asawa. Sumaloob na niya ang
siya ay pinagtataksilan.

At, boong lakas loob din siyang pumasok ng pintuan. Sa kanyang
kalooban ay walang ano mang dumalaw na pagaalinlangan na, sakaling
siya makita ng ibang tao roon at tanungin ng ibig, ay sasagot siya ng
kahit na papaano. At, salamat na lamang, ang tahanang yaon ay walang
naroon kundi ang kulangpalad na si Eduardo na siyang dinadalaw ni
Leonora.

Kaya't ang kalooban ni Daniel ay waring lalong lumakas at nagkaroon ng
tapang sa mahiwagang yaong pagtataksil ng asawa. Dadalawin daw ay
isang kaibigan? Si Fely. Oh! kasinungalingang lahat.

Anong hiwaga nga naman! Sa loob ng isang silid ay kaagad narinig ni
Daniel ang tinig ng mga pangungusap ng asawa. Nakikipagusap sa
kinakasuyong lalaki: kay Eduardo. Nguni't ayon sa paalam sa asawa ay
dadalaw sa kaibigang naging kadalaga!

Oh! kung magtaksil at magsinungaling nga naman ang babae!

Kaya't pagkarinig na iyon ni Daniel sa tinig ng pangungusap ay isang
lalaki ang kapiling ni Leoning at hindi pala babae, na ayon sa sabi sa
kanya ay dalaga, ay waring sumilakbo agad ang kanyang dugo at
pinagdimlan ng paningin.

Ang sabi sa kanya ay isang dalaga ang dadalawin?

Samakatuwid ay maliwanag niya ngayong nabatid na siya ay
pinagtataksilan ni Leonora. Pinagsusukaban pala siya at ganap na
nilapastangan ang pagkalalaki. Sumilakbo ang kanyang dugo at nagdilim
ang kanyang pangmalas. Hindi niya sukat akalain ang lahat ng iyon! Si
Fely raw! Oh! taksil na Leonora! Sukab na babae!

Halos malabnot niya ang kanyang mga buhok sa matinding galit at sama
ng loob. Nais niyang iwasak ang pintuan ng silid nang kinaruruunang
asawa, nais niyang iwasak na iyon ay kanyang lamukusin at gawin ang
mangyayari sa sukab na babae, nais niyang iwasak at ang lalaking
kausap ng asawa, ay kimisin, durugin kung mangyayari, mamatay si
Leonora, mamatay ang lalaking kausap at mamatay rin siya. Datapwa't
nang anyong gagawin na niya ang ganitong hangad ay waring sa kanya ay
may pumigil.

Kay sama nga naman ng kanyang hangad!

Pagbalaang patayin ang dalawa! Anong laking kasalanan! Nagdilim ang
kanyang paningin at sa pagdidilim na iyon ay hindi niya malaman kung
ano ang kanyang gagawin. Sikaran ang pintuan upang mawasak, anong
laking gulong ibubunga. Iwasak niya ay anong laking eskandalo ang
mangyayari!

Kaya't sa pagdidilim na iyon ng kanyang paningin at pagsilakbo ng dugo
ay waring may humadlang sa kanyang budhing pinagpapayuhan siya na
magkaroon ng katahimikan ng loob. Huwag gumawa ng masama at
makabubulabog sa madla.

Ano nga naman ang ibubunga kung ang pangyayaring yaon ay kanyang
gawiin? Ano ang mangyayari kung ang pintuang yaon ng silid ay iwasak
niya at kitlan ng hininga ang sukab na asawa sa harap ng lalaking
kasuyuan? Ano ang ibubunga kung ang lalaking nagputong ng kawalang
hiyaan ay kanyang lamukusin at alisan ng buhay? Napopoot ang kanyang
paningin ba wari at nagugulo ang kanyang pagiisip ng gayon na lamang.
Walang malamang gawin ang kulang palad.

Walang malamang gawin ang kahabaghabag na si Daniel! Walang malamang
gawin upang makapaghiganti sa ginawang pagsusukab na iyon ng kanyang
asawa na kitangkita ng kanyang dalawang mga mata.

Oh! kung gumawa nga naman siya ng gulo! Kung gumawa siya ng gulo ay
walang salang mabubunyag ang kasamaan at kabulukang dapat na malihim
sa mata ng mga lipunan at ng kapisanan. Oo, ang lahat ng kasamaang
yaon at kabulukan ay walang salang mabubunyag, at kung mabunyag na, ay
ano ang sasabihin ng tao? Ano ang ititingin sa kanya ng mga
makakamalay? Ano ang ipapalagay sa kanya?

Wala!

Wala, wala kundi isang lalaking pinagsukaban ng asawa, isang lalaking
naulol ng asawa, pinagtaksilan ng asawa.... Oh! diyata at ganito ang
kanyang maririnig sa harap ng matataas na lipunan at sa harap ng
kapisanan? Kay samasama! Anong samang pakinggan! Nagtaksil, nagsukab
ang asawa. Kay samasama nga naman! Hindi kaya niya maipalagay na kung
marinig na lamang niya ang isang salitang "nagsukab" ay di pa kaya
siya parang tumanggap ng isang mariing sampal na tumama sa panga.
Pinagsukaban! Oh! kay samang pakinggan!

At, kung mabunyag nga naman ang ginawang yaong pagtataksil ni Leonora,
ay wala nga namang siyang mapapala kundi malalakas na halakhak, mga
pagngisi na wari bang pinasabing:

--Hoy! niluko, naulol, pinagsukaban ng asawa!

Kaya sa pagkakapako ni Daniel na iyon sa pintuan ng silid na ang
buhok ay gusotgusot na nilabnot ng kanyang kamay, habang tinititigan
ang pintuan ay wari bang nababasa naman niya ang mga ganitong titik:

"Si Daniel ay kahabaghabag na asawang pinagsukaban ni Leonora at kahit
na sa harap ay ginagawan ng katawatawa".

Kulang palad na Daniel na pinagtaksilan ng asawa!

Kay samasamang pakinggan: pinagtaksilan ng asawa kaawaawa!

At, sa pagdidilim na iyon at pagsisilakbo ng dugo ng kulangpalad na si
Daniel, ang munting siwang ng pintuan ng silid na kinaruruonan ni
Leonora at ng kasuyuan ay kanyang sinilag at sa pagkakita niyang yaon
sa anyo ng dalawa, ay waring ang langit ay bumagsak. Kay samasama ng
kanyang kapalaran!...

At, ang paguusap ng dalawa na kanyang narinig ay isang malakas na
sampal sa kanyang mukha. Narining niya ang mga katagang:

--Kung mabatid ng iyong asawa ang ganitong ginagawa mo Leoning ay
anong sasabihin niya?

--Eduardo, huwag kang magalaala at sa piling mo ay kita ang asawa.

At sa pagkarinig na ito ng kaawaawang si Daniel ay halos malugmok na
lamang sa sama ng loob. Walang malamang gawin at waring nabibilot ng
ulap ang kangyang pagiisip. Kaya walang nasabi sa sarili kundi:

--Ay! ano kung marinig ko na ang halakhak ng tao at ng lalaking yaong
nagtaksil sa akin?

At, ang kaawaawang si Daniel na pinagsukaban ng asawa'y tuloy umalis
na lamang, na kung kaya malatang-malata ang katawan pagsapit ng
sariling tahanan. Bago siya umalis sa kinakitaan niyang yaon ng
malaking pagkapoot ng loob ay naghagis muna siya ng isang tingin,
datapwat ang pintuang yaon ng silid na kinalalagyan ng asawang sukab
ay waring sa kanya ay nagdulot ng malakas na halakhak.

Kaya sa panglulupaypay na iyon ng kanyang katawan ay wala siyang
malamang gawin. Umuwi ng tahanang malambot na malambot ang katawan. Sa
kanyang loob ay sarisaring gunita at pagiisip ang naghahari, waring
mga kimpal ng ulap at ang masamang lusak ng kapalaran ang nagi niyang
palad.

At, sa pagiisa niyang yaon at samantalang ang kanyang asawa'y nasa
kandungan ng ibang bisig, ay ginawa niya ay itinaas na lamang ang
dalawang kamay at ang paningin ay ipinako sa itaas at waring nagukol
ng mataimtim na dalangin; sa kaitaasan nakatitig ang kanyang dalawang
matang binubukalan ng luha.

Datapwa't pagkaraan ng ilang saglit ay isang putok ng rebolber ang
namayani sa tahanang yaon pinaghaharian ng katahimikan at lungkot. Ang
putok na iyon ay nagpahiwatig ng kagulatgulat na pangyayari.

At, ¡oh! ang kanyang dibdib ang pinagaagusan ng dugo. Hindi siya
namatay at tumitibok pa rin ang kanyang puso. Ano nga naman ang naging
dahilan ng mga ito? Sino ang dapat na sisihin?

At dumating ang sukab na asawa, may ngiti sa labi at may titig na
mapungay na isasalubong sa asawa, datapwa't ano, at ano pa ang
igaganting loob ng kanyang pasasalubungan? May sugat at nagdurugo ang
dibdib ni Daniel sa tama ng rebolber.

--Daniel, Oh! Poong Diyos, Daniel, bakit, bakit nagbaril ka sa
sarili?--na noo'y nakita pa ni Leonora na hawak ang rebolber ni
Daniel, na nakahandusay at sawi. Datapwa't siya ay hindi na natugon.
Wala nang ulirat. Bangkay nang mistula! Kay lungkot na mga sandali
noon!

Tinanong ng mga kaibigan at ng madlang nakasaksi sa pagpapatiwakal na
iyon sa sarili ni Daniel Perez, datapwa't walang maisagot si Leonora
kundi isang iling lamang. Hindi malaman ang hiwagang yaon kung ano ang
sanhi at nagbaril sa sarili si Daniel Perez. Ang lahat ay nagkaroon ng
iba't ibang kurokuro.

At, ang kulangpalad na si Daniel ay wala ng naitagal pa kundi ilang
araw na lamang. Anim na araw na singkad sa Hospital Heneral at namatay
rin siya pagkatapos.

Ang asawang sukab, na si Leonora ay walang nagawa kundi ang
manggipuspos at magdalamhati ang puso. Namatay at nagpakamatay sa
sarili ang kanyang ginagawan ng pagtataksil.

Namatay si Daniel Perez, ang asawa ng isang magandang babae, na kilala
sa mga mataas na lipunan ng siudad.

At, ang pagpapakamatay na ito ni Daniel ay nagkaroon ng mahiwagang
kurokuro ang ilang nakamamalay ng lihim. At, habang ang nasawi ay
humihinga pa ay kinukunan ng tanong ng kanyang mga kaibigan datapwa't
walang naiisagot kundi iling lamang, oo iling lamang, kaya naipalagay
ng ilan na may mahiwaga ang pagbabaril na iyon sa sarili ni Daniel
Perez.

Kaya walang naghahari sa mga lipunang dating kinabibilangan at
kinasasamahan, ni Daniel Perez, kundi ang sarisaring bulungbulungan:
May iba't ibang palagay ang isa at may iba't ibang pagkukuro ukol sa
pagkamatay na iyon ni Daniel Perez. Nagbaril sa sarili ang kulang
palad! Nagbaril si Daniel Perez, na ang balita ay halos kumalat sa
lalong matataas na lipunan sa Maynila. Halos nabatid ng marami
nguni't ang sanhi ay tila naging lihim sa madla.

Walang naghari kundi ang mahiwagang pagpapakamatay ni Daniel Perez,
datapwa't hindi nababatid ang lihim.

Mga bulungbulungan lamang ang siyang kumakalat: nagbaril si Daniel
Perez ng hindi malaman ang sanhi. May nagsasabing sadya ng nagsasawa
sa buhay at may nagsasabing nasiraan ng pagiisip, kung kaya't inutas
ang sarili.

At, mabuti na lamang at hindi nabatid ng lahat ang lihim. Natapos nga
ang lahat at ang kulangpalad ay nalibing na hindi nagkaroon ng kung
anoano pang maraming usapan at mga iba't ibang palagay.

Inilibing siya na sinamahan ng maraming kaibigan at mga kakilala at
mga dating kasamahin na nagukol sa kanya ng mga pagdalangin, nagukol
ng mga dalanging siya ay mamayapa na doon sa kabilang buhay at
harinawang ang lupang itinabon sa kanya ay maging magaan.

Lumuha ang mga kaibigan sa pagyaong yaon ng matalik na kasama. Lumuha
ang nangulila at nanghimutok ang mga may pusong kanyang mga kadamay sa
lahat ng bagay at lumuha ang kanyang mga kaabutangpalad.

Nagwawakas nga naman ang lahat!

Ang lahat ay may guhit ng tadhana ng pagkatapos. Ang mga ligaya sa
mundo ay may kalungkutan, ang maligaya ay may kasawian.

Tapos nang lahat ang kaligayahan ni Leonora. Pusong babaing nang
makayapak sa tuntungan ng matataas na lipunan ay nalimot ang dating
kaugalian. Nagkaroon ng pusong walang iisang itinitibok: salawahan.
Pusong laging nauuhaw sa kaligayahan at pusong hindi na nakakaramdam
ng dating sakit at hirap na kanyang katutubo nang mga nakaraan. Nang
makapisan ng mariwasa ay nagbago; naging isang babaing lumimot ng
kanyang kahapong lipos ng dilim sa buhay!

Oh! babae, magbago ka sana at kundi dahil sa iyo ay hindi masasawi ang
isang lalaking kulangpalad na iyong pinaglaruan. Dahil sa iyo ay
nasawi ang isang Daniel at ngayon ay sumahukay na ikaw ang naging
sanhi. At, kung ang isang Eduardo, na matapos mong limutin ang sumpa,
matapos mong maulol ay nagduyan ka sa ibang palad at nawiling
sumabisig ng ibang lalaki ng dahil sa salapi iyong nilimot, ay paano
pa kung sa ibang araw naman ay makakita ka ng lalo pang mariwasa at
kagiliwan mo namang panibago? Nilimot mo ang dating sumpa sa unang
inibig sapagka't nasilaw ka sa salapi, datapwa't ang kasariwaan mong
uhaw sa hamog ng pagibig, nang hindi makasagap ng katamisan ng buhay
ay pamuli kang nagbalik sa dati mong kandungan ng kung ano anong
kadahilanan ang iyong sinasabi upang ikaw ay magkaroon ng kaligayahan
sa buhay. Niluko mo at pinagsukaban ang isang kaisang palad sapagka't
siya ay isang matanda na na hindi makapagdulot sa iyong puso ng
kaaliwan ng paris ng isang pusong kabataan at kasariwaan, na matapos
mong malaman ang lahat ng ito ay naging salawahan ang puso mo at
laging pangarap mo ay ang kaligayahan upang makapagtalik at
makapagsayaw ang iyong sarili sa gintong liwanag ng kapanahunang hindi
mo nalalaman ang pait na bunga. Nagpakamatay ngayon ang iyong kaisang
puso sapagka't nang dahil sa iyong pagsusukab ... At, kung si Eduardo
ang naging palad mo, at sa harap na iyan ng maraming kababataan at
kasariwaang nangauuhaw sa hamog ng pagibig ay mabighani ang iyong
palad at matutong magduyan sa bisig ng iba, ay ano pa rin kaya ang
sasapitin ng isang yaong pinaglalaruan mo ng paggiliw? Ang pagibig ay
isang bagay na hindi nararapat paglaruan; kung ang pagibig ay isang
laruan ay walang katamisan sa puso.

Na, ang kahabaghabag na iyong naging kaisangpalad ay ngayon ay
nalibing na. Naging kahabaghabag ang kanyang palad, naging kaawaawa
ang kanyang puso sapagka't inulol ng kanyang kabiyak at sa malabis na
pangingilag sa pulang iuukol ng madlang makaalam ay minatamis pa ang
siya ay sumahukay. Minatamis niya ang siya ay sumahukay na taglay ang
kalinisan ng sarili at ayaw nang siya ay papanaw sa mahiwagang daigdig
na ito na may putong ng kawalang puri, minatamis niya ang mamayapa na
taglay ang kalinisan ng tibukin ng puso, at pagkawalang masamang asal
na kapulapula sa harap ng kapisanan. Nagpakamatay siya sapagka't ang
pagsusukab na iyon ng kaisangpuso ay hindi na niya nais pang masilayan
upang huwag makapagbigay sa kanyang kalooban ng marungis na lusak ng
kapalaran. Nagpakamatay siya sapagka't ninais niya ang mangilag sa
kataksilang ginawa sa kanyang pagkatao ng kanyang kaisa na ang
pagtataksil na iyon ay magbubunga ng kung ano anong masasamang
kasiraan sa isang tao. Nagpakamatay siya sapagka't siya na rin ang
nasilaw sa kawalanghiyaang ginawa ng asawang nagsukab at kung hindi
niya mapangilagan ang masamang ibubunga noon ay isang kabulukang
kanyang tatamuhing pagkasamasama. Inilagan niya ang masasamang asal ng
asawang sukab at minatamis pa ang mahimlay sa lupang hantungan ng
lahat. Iniwan niya ang pamumuhay na walang payapa, iniwan ang lasong
mga namamalas sa ginagawang isang asawang naglilo. Iniwan niya ang
lahat na makamandag na ngiting idinulot sa kanya ng asawang taksil.

At, ngayon si Leoning! Ano ang magiging palad nito? Ngayon ay lubos
nasuklam na rin sa kanya ang isang Eduardo dahilan sa masamang
halimbawang kanyang ipinamalas. Pinagtaksilan ang sariling asawa at
kung siya man ngayon ang pinaguukulan ng pagmamahal ni Leoning, ay
naaalaala niyang bukas ay baka naman gayong ang gawin sa kanya. Naisip
na niya ang lahat. Napakasal si Leoning sa iba gayon sila ay may
sumpaan at nang nasa piling na ng asawa at hindi makalasap ng
katamisan ng pagibig ay sa kanya rin nagbalik.

Napagaralan niya ang lahat sa buhay ni Leoning!

Ang isang pusong salawahan at walang iisang pagibig ay asahang pusong
marungis na siyang magtuturo ng landas sa kapariwaraan; at pusong
siyang magdudulot ng kasawian sa kapwa pusong dalisay at wagas.

Ngayon ay iniwaksing lahat ni Eduardo ang mga gunitang: nauukol kay
Leoning! Nalaman niya ang lahat. Kay sama ng ibubunga kung ang isang
pusong tatangkilikin ay isang pusong walang iisang pagibig. Nilimot na
niya ngayon ang lahat ng kanilang naging palad ni Leonora. Nilimot
niya at ngayon ay aanhin niya ang isang babaeng tulad ni Leoning na
siyang sanhi ng pagpapakamatay ng unang nakaisang palad? Aanhin niya
ang isang babaing walang iisang tibukin ng puso? Ngayon ay nagi na uli
siyang masigla at hindi na paris ng dati, nilimot na niya ang dating
mga dalamhati dahil sa paglimot ng binibining napakasal sa iba. Ngayon
ay nabatid niyang si Leoning ay isang babaing hindi makapagbibigay ng
kalwalhatian sa puso. Nalaman niya na si Leoning ay isang babaing nang
makayapak sa tuntungang mataas ay naging isang babaing nakalimot ng
dating kayumian, nakalimot ng dating kaugalian at nakalimot ng kanyang
buhay-kahapon: Naging, pusong salawahan.

Hindi kailangan niya ang isang Leoning! Hindi niya kailangan ang mga
babaeng gayon na kung makayapak sa matataas na samahan at mapabilang
sa maririwasa ay nagiiba ang mga kilos, ugali at dating katutubong
pagkatao. Oh! ang mga babaeng ganyan ay isang magigiging sira sa
karangalan ng lahing busabos at wala pang kalayaan. Hindi iyan ang
magiging uliran at karangalan ng ating bayan.

Kaya ngayon ay wala na, wala na, at natapos din ang maligayang
pamumuhay ni Leoning. Ang may pusong sukab at walang iisang pagibig,
ang walang iisang tibukin ng puso ay nagsisisi ngayon sa kanyang
pagkaligaw sa matuwid na landas ng buhay.

Oh! babai, huwag sana ninyong kalilimutan ang dating katutubong
ugaling dakila. Huwag magbago ang dating ugali, ang dati ninyong
kayumian at ang mga kabig-habighaning kilos ay huwag papaglahuin. Ang
mga masasamang gawa ay hindi nagbubunga ng magaling. Hindi natin
mapupuwing ang wika ni Bonifacio na "Huwag magtanim ng masama upang
umani ng mabuti."

At, ngayo'y narito ang naging wakas na ang isang Leonora na noong una
ay isang babaeng may pusong uliran, may pusong siyang dapat tularan
sapagka't siya ang dalagang may mabining kilos, may pusong matimtiman,
datapwa't nang mabilang na siya sa lipunang matataas at napasama sa
mga lalong tanyag na kapisanan ay nagbago at nilimot ang dating
kaugaliang dakila, at, ngayon ay kay pait ng kanyang naging palad.

Ayaw na siyang sakluluhan ng isang Eduardo sapagka't ang kapighatian
niyang yaong naging palad ay dahil sa sumpang nilimot. At, ngayon si
Leonora ay hindi na makalapit sa piling ni Eduardo sapagka't para ba
sa kanyang sinasabing:

--Leonora, hala, ako'y napopoot na saiyo, hindi na kita hangad na
makita, alam kong wala kang iisang puso, walang iisang pagibig. Ayoko
na sa iyo, at kung makakita, ka ng ibang palad ay doon ka naman
pupunta, ayoko ng babaing tulad mo!

Kulangpalad na Leonora!

Wala ng sumaklolo sa kanyang mga paghikbi. Waring sinasabi na lamang
ng lahat sa kanya na:

--Hoy! Leonora, babaeng sukab dalawin mo ang libingan ng iyong asawa
at doon mo hugasan ang kapurihan mong nagawa at pagsisihan mo ang
lahat ng kasalanan. Namatay ang kabiyak ng puso mong si Daniel ng
dahil sa iyong pagtataksil!

Kaya't ang kahabaghabag na si Leonora ay walang naging palad kundi ang
magsisi. Idalangin ang asawang namatay at pagsisihan ang mga kasalanan
niyang nagawa. Humingi ng tawad sa Poong Maykapal at hinihinging
patawarin ang maling landas na binagtas ng kanyang buhay.

Kaawaawang Leonorang nagluksa sa buhay! Kaawaawang babaeng nagsukab na
ngayon ay lubos ang pagluha at pagsisisi!

Tuwing hapon ay dinadalaw ang libingan ng kanyang naging asawa na
pinagtataksilan at sa ibabaw ng hukay ay pumapatak ang luha at ganap
na nagsisisi. Ang mga bulaklak ay iniaalay at isinasabog niya sa
ibabaw ng libing ni Daniel Perez, ang kanyang asawang nagpakamatay sa
sarili nang dahil sa pagsusukab ng asawang ngayon ay siyang dumadalaw
sa kanyang libing, nagsisisi at lumuluha.

Kaawaawang Leonorang nagluksa sa buhay!

At, hindi nga magbabalik ang lahat. Natapos na ang lahat ng
kaligayahan sa buhay ni Leonora. Natapos na ang lahat at ang katapusan
ng kaligayahan ay kapaitan naman. Dumating na ang tadhanang kanyang
kaaliwan: ngayon ay tapos na ang lahat.

Ngayon ay sa ibabaw ng libing ng kaawaawang si Daniel Perez, ay
nakahimlay ang kaawaawang si Leonora na walang bumubukal sa mga
maamong matang nangungulimlim kundi ang mapapait na luha. Nakahiglay
siya na, humihikbi, nagbubuntunghininga nang dahilan sa pagpanaw ng
kanyang irog.

Kaawaawang Leoning na nagluksa sa buhay!

Nagluksa ng dahil sa sumpang nilimot: nilimot ang sumpa kay Eduardong
naging unang kasuyuan at nagluksa dahil sa sumpang nilimot sa kay
Daniel Perez, na, pinagsukaban, na siyang dahilang ikinamatay.

At, ngayon kung pinagmamalas, ni Leonora ang ibabaw ng libing ni
Daniel Perez, ay waring wala siyang ibang nakikita kundi ang nasa krus
ng hukay ng nasawi na ganitong mga titik:

"PUSONG MINATAMIS ANG MAMATAY NG DAHIL SA PAGSUSUKAB NG ASAWA AT UPANG
HUWAG NAGTAMO NG PAGPULA NG MATATAAS NA LIPUNAN AT KAPISANAN AY NINAIS
NGANG SA HUKAY NG LIBING NA ITO AY MASADLAK!"

¡WAKAS!




"=PANULAT BANAHAW="

=KAPISANAN NG MGA MANUNULAT SA WIKANG TAGALOG=.

Itinatag: Disyembre 19, 1918

_MGA KASAPING TAGATANGKILIK_:

Vedasto V. Cadeliña Claro Cabungkal Gerardo P. Borja Juan Ranola.

LAYON:

Linangin, pagyamanin at palaganapin ang Sariling Wika.

Pagaralan at saliksikin ang panitikan ng ibang lahi upang ibanding at
pagkatapos ay ikatnig sa Sariling Panitikan, sa ikaniningning pa
niyang lalo.

PARAAN:

Maglathala ng mga akda magpalimbag ng mga aklat at magtanghal ng mga
dula ng mga kasapi; magpapulong bayan, magpayaman,
magpatimpalak-panitik at magdaos ng mga paligsahan sa bigkasan.

Magbasa ng mga sinulat ng mga tagaibanglupain at isalin o kaya'y
halawin sa Sariling Wika.


MGA DULANG NAITANGHAL NA

MARCELINO ABUEL:

Ang Pagbayad ng Magaaral
Mga Kaawaawang Di Nagsipagaral
Mga Batugang Isip (Mga Mapamahiin)
Ang Araw ng Halaman
Ang Kalbaryo ng Dalaga
Alibughang Anak
Ipagtanggol ang Karapatan
Ang Araw ng Ina

ZÓSIMO G. RESURRECCION:

Ang Manglulupig at ang Makata
Sa Bingit ng Kasawian.

ZÓSIMO O. MADERAL:

¡Isumpa ang Masasamang Hilig!

ELIAS G. NAÑOLA:

Ang Anak ay Anak
Memory of the Past
Who has the Fault
Sakit ng Panahon
Huling Araw ng Masamang Budhi
A Love of a Filipino Girl
Kamangmangan.

AGRIPINO D. NANTES:

Bayani ng Pagibig
Ang Laki sa Layaw.

VICENTE D. BELTRAN:

Bayan at Pagibig
Ang Salarin.

ITATANGHAL PA:

Wakas ng pagiimbot--Ricardo E. Palacio
Ang Lakas ng Katwiran--Balbino B. Nanong.

       *       *       *       *       *

MGA IPALILIMBAG:

Pangkalahatang Talatinigan ng Wikang Tagalog--Panulat
Banahaw.

Pangkalahatang Kasaysayan ng Sangdaigdig--Benjamin
Racelis.

Sa Libis ng Palad (Nobela)--Balbino B. Nanong.
Mga Ulap sa Katagarawan (Nobela)--Zósimo O Maderal.
Malikmata't Pangarap (Mga Tula)--Zósimo O. Maderal.
Palaspas (Mga Tula)--Crispulo O. Salvatierra.
New Dictionary: Tagalog-English and Vice Versa
Mga Hiyas ng Parnasong Tagalog
The New Poetry
Mga Hiyas ng Pangarap (Mga Tula)--Zósimo O. Maderal.

       *       *       *       *       *

ARAW NG KAMUSMUSAN

(Tula ni Ursula O. Maderal)

I.

_Luha'y tumutulo, tuwing magunita
ang masayang araw noong ako'y bata;
na lahat ay aliw, tuwa at biyaya,
walang kulay-lungkot sa puso ko't diwa._

II.

_Naalaala ko ang isang dalangin
na turo ni Nanay na ito ang turing:
"Loobin mo nawa, Oh, Dios na butihin,
na ako ay maging mabait, mahinhin"._

III.

_Ang panahong yao'y lumipas na ngayon,
hindi na babalik ang buhay kahapon;
tanging nalalabi'y alaala noon,
upang maging tudling sa tinatalunton_.


       *       *       *       *       *

¡BAYANG PILIPINAS...!

_Taguring madalas ang iyong kariktan,
Bayang Pilipinas na hinahangaan,
Ng lahat ng tao, sa lahat ng bayan,
Sa lahat ng dako ng Sangsinukuban,
Ang paghanga nila'y hindi nalalaman,
Bayang Pilipinas, ng nagdaang araw,
Nang bago sumikat sa Kasilanganan,
Ay inalipin din at pinahirapan.
Matupos tamuhin ang mga pahirap,
Ng mga banyagang dito'y mapagpanggap,
Ay biglang pinalis, agad pinalayas,
Dito sa pangpangin ng bayan kong liyag.
At ngayo'y nagbago; napaltan ang lahat;
Ang nakasasakop magarang Watawat,
Ay isinalupa, ng Haring malakas,
Ng bayang malaya't may uring mataas.
Ang sapot na itim na nakatatakip,
Ulap na makapal ng gabing tahimik,
Ay nahawi mandin katulad ng tubig,
Pagkaulan-ula'y nawawalang tikis.
At ang humalili'y ang kaliwanagan,
Sa gabing madilim na kapanglawpanglaw;
Doon sa Silanga'y nagliwayway naman,
At saka sumikat itong Bagong Araw.
Ito nga ang saksing hindi makakatkat,
Pagka't nakikintal doon sa itaas,
Diwa'y nagsasaad ng masayang Bukas,
Sa mahal kong bayang hindi mapanatag.
Waring bumubulong ng mahinang tinig,
Sa mutya kong bayang may banal na nais:_

_BAYAANG UMIRAL ANG MGA MATUWID,
NANG DI MAMALAGI YAONG PANGIINIS._

_Ang lahat ng ito ay malaking utang
Sa Bansang Agilang watong makapantay;
Bansang nagkandili, nagpalapalayaw
Sa iyo O bayang, sa laya ay uhaw.
Umaasa kaming iyong mga anak,
Pagkakalooban pagdating ng bukas,
Mithing Kalayaan na siyang panglunas,
Sa mga aliping lumaki sa hirap._

_CRISPULO O. SALVATIERRA_.

       *       *       *       *       *

ANG BAGIN

_Lupang kahi't dahop sa taba at yaman
Bagin ay tutubong walang pakundangan,
Buhat sa pagbangon sa lupang himlayan
Ang hanap na'y balag na maaakyatan;
Kagaya ng taong mananalig lamang
Sa lakas ng ibang nagpagod sa buhay,
Bagin, sa, paglaki'y anong pagkabilis
Sa sanga ng kahoy ay nangungunyapit,
Ang lahat nang sulok ay nasasaliksik,
Kahoy na daplasa'y gagapangang pilit
Kamukha ng isang bago lamang panhik
Sa bahay ng iba'y gayon na kasungit_.

_Sa niyakisyakis ng baging sa kahoy,
Kahoy sa paglaki'y dagling mauurong,
Daho'y malalagas, bunga'y naluluoy
At ang baging nama'y tuloy sa pagyabong;
Animo'y pulubing limusan ang lungoy
Na, kapag yumama'y nag-aanyong POON_.

_Kaya nga't kahoy ay kaawaawa
Kapagka may baging na kinakalinga,
Baging kung lumaki't kanyang mapagpala
Magiging-hari nang mang-aalipusta,
Katulad ng isang nanghiram ng panang,
Nang pahiramin mo'y ikaw ang tinudla._

_HABILIN:_

_Mangagingat kayo may bukas na loob
Sa kahi't na sinong ibig na pakupkop
Alin mang "patao'y" suriin ang kilos
Nang upang malayo sa dusa't himutok;
Baka, maparis ka doon sa naglimos
Ng awa'y ¡siya pang buhay ay tinapos!..._

_ELIAS G. NAÑOLA._

       *       *       *       *       *

BUHAY...

_Ang gawang magsakit larawang pagasa
Noong sa darating ganap na ginhawa;
Nguni't katamara'y sumpa sa ligaya,
Kapatid ng dusa't hinlog ng balisa!
Buhay ay tungkulin at pakikibaka,
Gumawa ng ukol, at may panahon pa!!_

_ZÓSIMO G. RESURRECCION._

_Santa Cruz, Laguna.
Agosto 29, 1922._

       *       *       *       *       *

MGA IMBI...

_Ang mga salari't may lihim na buhay,
Huwag di matingna't kagyat nang gilawgaw.
Lahat ng sa ati'y may kapanutuhan,
Sa kanila'y pawang kabalintunaan:_

_Bawa't ngiti'y ngisi, balang tawa'y uyain,
Tungkol kilos nati'y mayrong kahulugan...
Masalagimsimi't panimdiming tunay...
Silaw, dungo't takot sa kaliwanagan,
Diwa't puso nila'y nasa kadiliman..._

_RICARDO E. PALACIO._

       *       *       *       *       *

INANG WIKA

_Sa mataas na kalbaryo
  Ng layon mo at pangarap,
Anak mo rin ang katalo't
  Nagbibigay ng bagabag.
Parang hindi nalalaman
  Na Ina kang sa kanila
Ay maampong bumubuhay
  Higit kaysa, wikang iba.
Samantalang patuloy ka
  Sa dalisay mong adhika;
Naglilipol naman sila
  Sa binhi mong ipinunla.
Sa ganito ay maliwag
  Na dumating at makita
Ang liwayway at pagsikat
  Ng hintay mo at pagasa._

_VENANCIO SALIENDRA._

       *       *       *       *       *

=MY ANGEL--WORLD

_By Zósimo O. Maderal_

I

_Mine heart and soul
Thou art; the mine love
Thought thee e'er troll...
So as to prove:
There's not a throb,
A wish, a sob,
A rare fancy,
That's not of thee._

II

_Thou'rt all and all
To me the world:
Suncrowned and tall...
A flag unfurled...
Thou'rt book, lyre, voice,
Pearl, nymph, fate, choice,
Rose, rhythm, path, night,
Home, dream, life, light!..._

III

_For thee I sigh,
For thee I hope,
For thee I yearn...
O, please, tell why
Oft do I mope?
Thou can't, dear, turn
Thine eyes to me
For ecstacy...?_

IV

_Mine heart and soul
Thou art; to mine love,
Thought thee e'er troll...
So as to prove:
There's not a throb,
A wish, a sob,
A rare fancy
That's not of thee._


MY SACRED FLOWER...

_To my darling._

_Hail, fairest dream of my dreams supreme;
   From Minerva's Temple
Oh, you've come 'midst thy country's esteem!
   Welcome and justified
To you, my best of wishes I deem:
   May you be sanctified
At Honor's Altar; and, Life's Blaspheme,
   Thee never shall trample!!..._

SANCHO A. SALIVIA.

_Lukban, Tayabas, P.I._


[Patalastas: R. BERMUDEZ' FASHION]

[Patalastas: Oriental Printing]






End of the Project Gutenberg EBook of Hiwaga ng Pagibig, by Balbino B. Nanong

*** END OF THIS PROJECT GUTENBERG EBOOK HIWAGA NG PAGIBIG ***

***** This file should be named 18955-8.txt or 18955-8.zip *****
This and all associated files of various formats will be found in:
        http://www.gutenberg.org/1/8/9/5/18955/

Produced by Tamiko I. Camacho, Pilar Somoza, and the Online
Distributed Proofreading Team at http://www.pgdp.net (This
file was made using scans of public domain works from the
University of Michigan Digital Libraries.) Handog ng
Proyektong Gutenberg ng Pilipinas para sa pagpapahalaga
ng panitikang Pilipino. (http://www.gutenberg.ph)


Updated editions will replace the previous one--the old editions
will be renamed.

Creating the works from public domain print editions means that no
one owns a United States copyright in these works, so the Foundation
(and you!) can copy and distribute it in the United States without
permission and without paying copyright royalties.  Special rules,
set forth in the General Terms of Use part of this license, apply to
copying and distributing Project Gutenberg-tm electronic works to
protect the PROJECT GUTENBERG-tm concept and trademark.  Project
Gutenberg is a registered trademark, and may not be used if you
charge for the eBooks, unless you receive specific permission.  If you
do not charge anything for copies of this eBook, complying with the
rules is very easy.  You may use this eBook for nearly any purpose
such as creation of derivative works, reports, performances and
research.  They may be modified and printed and given away--you may do
practically ANYTHING with public domain eBooks.  Redistribution is
subject to the trademark license, especially commercial
redistribution.



*** START: FULL LICENSE ***

THE FULL PROJECT GUTENBERG LICENSE
PLEASE READ THIS BEFORE YOU DISTRIBUTE OR USE THIS WORK

To protect the Project Gutenberg-tm mission of promoting the free
distribution of electronic works, by using or distributing this work
(or any other work associated in any way with the phrase "Project
Gutenberg"), you agree to comply with all the terms of the Full Project
Gutenberg-tm License (available with this file or online at
http://gutenberg.org/license).


Section 1.  General Terms of Use and Redistributing Project Gutenberg-tm
electronic works

1.A.  By reading or using any part of this Project Gutenberg-tm
electronic work, you indicate that you have read, understand, agree to
and accept all the terms of this license and intellectual property
(trademark/copyright) agreement.  If you do not agree to abide by all
the terms of this agreement, you must cease using and return or destroy
all copies of Project Gutenberg-tm electronic works in your possession.
If you paid a fee for obtaining a copy of or access to a Project
Gutenberg-tm electronic work and you do not agree to be bound by the
terms of this agreement, you may obtain a refund from the person or
entity to whom you paid the fee as set forth in paragraph 1.E.8.

1.B.  "Project Gutenberg" is a registered trademark.  It may only be
used on or associated in any way with an electronic work by people who
agree to be bound by the terms of this agreement.  There are a few
things that you can do with most Project Gutenberg-tm electronic works
even without complying with the full terms of this agreement.  See
paragraph 1.C below.  There are a lot of things you can do with Project
Gutenberg-tm electronic works if you follow the terms of this agreement
and help preserve free future access to Project Gutenberg-tm electronic
works.  See paragraph 1.E below.

1.C.  The Project Gutenberg Literary Archive Foundation ("the Foundation"
or PGLAF), owns a compilation copyright in the collection of Project
Gutenberg-tm electronic works.  Nearly all the individual works in the
collection are in the public domain in the United States.  If an
individual work is in the public domain in the United States and you are
located in the United States, we do not claim a right to prevent you from
copying, distributing, performing, displaying or creating derivative
works based on the work as long as all references to Project Gutenberg
are removed.  Of course, we hope that you will support the Project
Gutenberg-tm mission of promoting free access to electronic works by
freely sharing Project Gutenberg-tm works in compliance with the terms of
this agreement for keeping the Project Gutenberg-tm name associated with
the work.  You can easily comply with the terms of this agreement by
keeping this work in the same format with its attached full Project
Gutenberg-tm License when you share it without charge with others.

1.D.  The copyright laws of the place where you are located also govern
what you can do with this work.  Copyright laws in most countries are in
a constant state of change.  If you are outside the United States, check
the laws of your country in addition to the terms of this agreement
before downloading, copying, displaying, performing, distributing or
creating derivative works based on this work or any other Project
Gutenberg-tm work.  The Foundation makes no representations concerning
the copyright status of any work in any country outside the United
States.

1.E.  Unless you have removed all references to Project Gutenberg:

1.E.1.  The following sentence, with active links to, or other immediate
access to, the full Project Gutenberg-tm License must appear prominently
whenever any copy of a Project Gutenberg-tm work (any work on which the
phrase "Project Gutenberg" appears, or with which the phrase "Project
Gutenberg" is associated) is accessed, displayed, performed, viewed,
copied or distributed:

This eBook is for the use of anyone anywhere at no cost and with
almost no restrictions whatsoever.  You may copy it, give it away or
re-use it under the terms of the Project Gutenberg License included
with this eBook or online at www.gutenberg.org

1.E.2.  If an individual Project Gutenberg-tm electronic work is derived
from the public domain (does not contain a notice indicating that it is
posted with permission of the copyright holder), the work can be copied
and distributed to anyone in the United States without paying any fees
or charges.  If you are redistributing or providing access to a work
with the phrase "Project Gutenberg" associated with or appearing on the
work, you must comply either with the requirements of paragraphs 1.E.1
through 1.E.7 or obtain permission for the use of the work and the
Project Gutenberg-tm trademark as set forth in paragraphs 1.E.8 or
1.E.9.

1.E.3.  If an individual Project Gutenberg-tm electronic work is posted
with the permission of the copyright holder, your use and distribution
must comply with both paragraphs 1.E.1 through 1.E.7 and any additional
terms imposed by the copyright holder.  Additional terms will be linked
to the Project Gutenberg-tm License for all works posted with the
permission of the copyright holder found at the beginning of this work.

1.E.4.  Do not unlink or detach or remove the full Project Gutenberg-tm
License terms from this work, or any files containing a part of this
work or any other work associated with Project Gutenberg-tm.

1.E.5.  Do not copy, display, perform, distribute or redistribute this
electronic work, or any part of this electronic work, without
prominently displaying the sentence set forth in paragraph 1.E.1 with
active links or immediate access to the full terms of the Project
Gutenberg-tm License.

1.E.6.  You may convert to and distribute this work in any binary,
compressed, marked up, nonproprietary or proprietary form, including any
word processing or hypertext form.  However, if you provide access to or
distribute copies of a Project Gutenberg-tm work in a format other than
"Plain Vanilla ASCII" or other format used in the official version
posted on the official Project Gutenberg-tm web site (www.gutenberg.org),
you must, at no additional cost, fee or expense to the user, provide a
copy, a means of exporting a copy, or a means of obtaining a copy upon
request, of the work in its original "Plain Vanilla ASCII" or other
form.  Any alternate format must include the full Project Gutenberg-tm
License as specified in paragraph 1.E.1.

1.E.7.  Do not charge a fee for access to, viewing, displaying,
performing, copying or distributing any Project Gutenberg-tm works
unless you comply with paragraph 1.E.8 or 1.E.9.

1.E.8.  You may charge a reasonable fee for copies of or providing
access to or distributing Project Gutenberg-tm electronic works provided
that

- You pay a royalty fee of 20% of the gross profits you derive from
     the use of Project Gutenberg-tm works calculated using the method
     you already use to calculate your applicable taxes.  The fee is
     owed to the owner of the Project Gutenberg-tm trademark, but he
     has agreed to donate royalties under this paragraph to the
     Project Gutenberg Literary Archive Foundation.  Royalty payments
     must be paid within 60 days following each date on which you
     prepare (or are legally required to prepare) your periodic tax
     returns.  Royalty payments should be clearly marked as such and
     sent to the Project Gutenberg Literary Archive Foundation at the
     address specified in Section 4, "Information about donations to
     the Project Gutenberg Literary Archive Foundation."

- You provide a full refund of any money paid by a user who notifies
     you in writing (or by e-mail) within 30 days of receipt that s/he
     does not agree to the terms of the full Project Gutenberg-tm
     License.  You must require such a user to return or
     destroy all copies of the works possessed in a physical medium
     and discontinue all use of and all access to other copies of
     Project Gutenberg-tm works.

- You provide, in accordance with paragraph 1.F.3, a full refund of any
     money paid for a work or a replacement copy, if a defect in the
     electronic work is discovered and reported to you within 90 days
     of receipt of the work.

- You comply with all other terms of this agreement for free
     distribution of Project Gutenberg-tm works.

1.E.9.  If you wish to charge a fee or distribute a Project Gutenberg-tm
electronic work or group of works on different terms than are set
forth in this agreement, you must obtain permission in writing from
both the Project Gutenberg Literary Archive Foundation and Michael
Hart, the owner of the Project Gutenberg-tm trademark.  Contact the
Foundation as set forth in Section 3 below.

1.F.

1.F.1.  Project Gutenberg volunteers and employees expend considerable
effort to identify, do copyright research on, transcribe and proofread
public domain works in creating the Project Gutenberg-tm
collection.  Despite these efforts, Project Gutenberg-tm electronic
works, and the medium on which they may be stored, may contain
"Defects," such as, but not limited to, incomplete, inaccurate or
corrupt data, transcription errors, a copyright or other intellectual
property infringement, a defective or damaged disk or other medium, a
computer virus, or computer codes that damage or cannot be read by
your equipment.

1.F.2.  LIMITED WARRANTY, DISCLAIMER OF DAMAGES - Except for the "Right
of Replacement or Refund" described in paragraph 1.F.3, the Project
Gutenberg Literary Archive Foundation, the owner of the Project
Gutenberg-tm trademark, and any other party distributing a Project
Gutenberg-tm electronic work under this agreement, disclaim all
liability to you for damages, costs and expenses, including legal
fees.  YOU AGREE THAT YOU HAVE NO REMEDIES FOR NEGLIGENCE, STRICT
LIABILITY, BREACH OF WARRANTY OR BREACH OF CONTRACT EXCEPT THOSE
PROVIDED IN PARAGRAPH F3.  YOU AGREE THAT THE FOUNDATION, THE
TRADEMARK OWNER, AND ANY DISTRIBUTOR UNDER THIS AGREEMENT WILL NOT BE
LIABLE TO YOU FOR ACTUAL, DIRECT, INDIRECT, CONSEQUENTIAL, PUNITIVE OR
INCIDENTAL DAMAGES EVEN IF YOU GIVE NOTICE OF THE POSSIBILITY OF SUCH
DAMAGE.

1.F.3.  LIMITED RIGHT OF REPLACEMENT OR REFUND - If you discover a
defect in this electronic work within 90 days of receiving it, you can
receive a refund of the money (if any) you paid for it by sending a
written explanation to the person you received the work from.  If you
received the work on a physical medium, you must return the medium with
your written explanation.  The person or entity that provided you with
the defective work may elect to provide a replacement copy in lieu of a
refund.  If you received the work electronically, the person or entity
providing it to you may choose to give you a second opportunity to
receive the work electronically in lieu of a refund.  If the second copy
is also defective, you may demand a refund in writing without further
opportunities to fix the problem.

1.F.4.  Except for the limited right of replacement or refund set forth
in paragraph 1.F.3, this work is provided to you 'AS-IS', WITH NO OTHER
WARRANTIES OF ANY KIND, EXPRESS OR IMPLIED, INCLUDING BUT NOT LIMITED TO
WARRANTIES OF MERCHANTIBILITY OR FITNESS FOR ANY PURPOSE.

1.F.5.  Some states do not allow disclaimers of certain implied
warranties or the exclusion or limitation of certain types of damages.
If any disclaimer or limitation set forth in this agreement violates the
law of the state applicable to this agreement, the agreement shall be
interpreted to make the maximum disclaimer or limitation permitted by
the applicable state law.  The invalidity or unenforceability of any
provision of this agreement shall not void the remaining provisions.

1.F.6.  INDEMNITY - You agree to indemnify and hold the Foundation, the
trademark owner, any agent or employee of the Foundation, anyone
providing copies of Project Gutenberg-tm electronic works in accordance
with this agreement, and any volunteers associated with the production,
promotion and distribution of Project Gutenberg-tm electronic works,
harmless from all liability, costs and expenses, including legal fees,
that arise directly or indirectly from any of the following which you do
or cause to occur: (a) distribution of this or any Project Gutenberg-tm
work, (b) alteration, modification, or additions or deletions to any
Project Gutenberg-tm work, and (c) any Defect you cause.


Section  2.  Information about the Mission of Project Gutenberg-tm

Project Gutenberg-tm is synonymous with the free distribution of
electronic works in formats readable by the widest variety of computers
including obsolete, old, middle-aged and new computers.  It exists
because of the efforts of hundreds of volunteers and donations from
people in all walks of life.

Volunteers and financial support to provide volunteers with the
assistance they need, is critical to reaching Project Gutenberg-tm's
goals and ensuring that the Project Gutenberg-tm collection will
remain freely available for generations to come.  In 2001, the Project
Gutenberg Literary Archive Foundation was created to provide a secure
and permanent future for Project Gutenberg-tm and future generations.
To learn more about the Project Gutenberg Literary Archive Foundation
and how your efforts and donations can help, see Sections 3 and 4
and the Foundation web page at http://www.pglaf.org.


Section 3.  Information about the Project Gutenberg Literary Archive
Foundation

The Project Gutenberg Literary Archive Foundation is a non profit
501(c)(3) educational corporation organized under the laws of the
state of Mississippi and granted tax exempt status by the Internal
Revenue Service.  The Foundation's EIN or federal tax identification
number is 64-6221541.  Its 501(c)(3) letter is posted at
http://pglaf.org/fundraising.  Contributions to the Project Gutenberg
Literary Archive Foundation are tax deductible to the full extent
permitted by U.S. federal laws and your state's laws.

The Foundation's principal office is located at 4557 Melan Dr. S.
Fairbanks, AK, 99712., but its volunteers and employees are scattered
throughout numerous locations.  Its business office is located at
809 North 1500 West, Salt Lake City, UT 84116, (801) 596-1887, email
business@pglaf.org.  Email contact links and up to date contact
information can be found at the Foundation's web site and official
page at http://pglaf.org

For additional contact information:
     Dr. Gregory B. Newby
     Chief Executive and Director
     gbnewby@pglaf.org

Section 4.  Information about Donations to the Project Gutenberg
Literary Archive Foundation

Project Gutenberg-tm depends upon and cannot survive without wide
spread public support and donations to carry out its mission of
increasing the number of public domain and licensed works that can be
freely distributed in machine readable form accessible by the widest
array of equipment including outdated equipment.  Many small donations
($1 to $5,000) are particularly important to maintaining tax exempt
status with the IRS.

The Foundation is committed to complying with the laws regulating
charities and charitable donations in all 50 states of the United
States.  Compliance requirements are not uniform and it takes a
considerable effort, much paperwork and many fees to meet and keep up
with these requirements.  We do not solicit donations in locations
where we have not received written confirmation of compliance.  To
SEND DONATIONS or determine the status of compliance for any
particular state visit http://pglaf.org

While we cannot and do not solicit contributions from states where we
have not met the solicitation requirements, we know of no prohibition
against accepting unsolicited donations from donors in such states who
approach us with offers to donate.

International donations are gratefully accepted, but we cannot make
any statements concerning tax treatment of donations received from
outside the United States.  U.S. laws alone swamp our small staff.

Please check the Project Gutenberg Web pages for current donation
methods and addresses.  Donations are accepted in a number of other
ways including checks, online payments and credit card
donations.  To donate, please visit: http://pglaf.org/donate


Section 5.  General Information About Project Gutenberg-tm electronic
works.

Professor Michael S. Hart is the originator of the Project Gutenberg-tm
concept of a library of electronic works that could be freely shared
with anyone.  For thirty years, he produced and distributed Project
Gutenberg-tm eBooks with only a loose network of volunteer support.

Project Gutenberg-tm eBooks are often created from several printed
editions, all of which are confirmed as Public Domain in the U.S.
unless a copyright notice is included.  Thus, we do not necessarily
keep eBooks in compliance with any particular paper edition.

Most people start at our Web site which has the main PG search facility:

     http://www.gutenberg.org

This Web site includes information about Project Gutenberg-tm,
including how to make donations to the Project Gutenberg Literary
Archive Foundation, how to help produce our new eBooks, and how to
subscribe to our email newsletter to hear about new eBooks.

*** END: FULL LICENSE ***