*** START OF THE PROJECT GUTENBERG EBOOK 14271 *** [Transcriber's note: Tilde g in old Tagalog which is no longer used is marked as ~g.] [Paalala ng nagsalin: May kilay ang mga salitang "ng, mga," at iba pa upang ipakita ang dating estilo sa pag-sulat ng Tagalog na sa ngayon ay hindi na ginagamit.] =PANAYAM NG TATLONG BINATA TINULA NI= _Cleto R. Ignacio_ =CONCEPCION, MALABON, RIZAL=. BAHAY PALIMBAGAN ni P. SAYO BALO ni SORIANO MAYNILA TEL. 3099. UNANG PAGKAPALIMBAG 1921 _Rosario 225 Binundok_. TINIG KASALUKUYAN O =KUWENTO= NG =Tatlong Binatang= SI =Brillo, Electo at ni Brindo= IKALAWANG HATI BRILLO May isa n~gang Haring balita sa yaman na nakahahan~ga ang kaugalian sa sakop nang Korte niya'y ibinawal ang gawang magsunong ó magpasánpasán. Kaya n~ga't kaniya na ipinatawag ang tao sa Korteng man~ga mahihirap at ang bawa't isa'y binigyan nang pilak na sa hanap-buhay ay puhunang dapat. At itinadhana sa nasasakupan na ang lahing hudio ang utusan lamang yaon ang mahigpit niyang kautusan naglagay nang taning sa simulang araw. Sinomang sumuway doon sa tadhana may kakamtang dusa siyang ilinagda at siya ang lubos na nan~gan~gasiwa sa kanyang sakop na kinakalin~ga. Tunay na kanyang ikinagagalak na ang sakop niya ay mayamang lahat at sa lahing iba'y tan~ging matatanyag ang ugali niya na pinalalakad. Ang tanang kampon niya ay nan~gatutuwa sa dahilang sila'y mayayamang pawa ang salat na dati ay naging sagana at ang dating hamak ay naging dakila. Laging gawa niya'y kapagka umaga ay hawak sa kamay yaong largavista at linilibot na ianatanaw niya ang loob nang Korte't magpahanggang villa. Nang isang umaga'y nagkataon naman na nasa bintana siya't nanunun~gaw ay may isang taong hubad at may pasang bigkis, niyong kahoy na bilang kalakal. Ang nasabing tao,y tinawag pagdaka at itinanong kung taga saan siya ang tugon ay taga labas niyong villa na tan~ging mahirap siya kay sa iba. ¿Ikaw baga'y hindi nakatatalastas anang Hari nitong lahat kong palakad na tungkol ang ayos alila'y di dapat asalin nang tanang taga ritong lahat? Sa balang sumuway na kahima't sino pilit tatanggapin parusang lagda ko sagot nang tinanong ay yaong utos mo ay hindi ko talos ang pagkatutoo. Paano po ako'y may asawa't anak na hindi kakai't kami ay mahirap ay saang kukuha kung hindi maghanap nang ikabubuhay naming nararapat. Matanto ang Hari ang ganoong sulit wika'y magtuloy kang dito ay pumanhik kahoy ay iwan mo't huwag nang umulit na gumawa nitong sa atas ko'y lihis. Niyong mapanhik na'y pinaupo naman at ang mayordomo niya'y inutusan na magbalot siya nang isang balutan nang onzang ang haba'y higit isang dangkal. At magbalot naman nang keso de plandes na sa ayos niyong onza ay iparis lihim na gawin mong huwag ipalirip at in~gatang huwag na may makamasid. Kapag nayari na ay dalhan mo dito't huwag kang mabalam at hinihintay ko niyong mabalot na niyong mayordomo dinala sa Hari ang dalawang ito. Sa Haring tanggapin ang tao'y tinawag dalawang balutang yao'y iginawad ito'y labis mo nang puhunaning dapat sa hanapbuhay mo't nang di naghihirap. Ang kasipagan mo lamang ay dagdagan at ang iyong isip ay pakatalasan at magmula n~gayo'y huwag nang magpasan at tupdin ang aking mahigpit na bawal. Matapos ang bilin ay napaalam na ang binigyan yamang taong taga villa sa kamay ay hawak balutang dalawa at doon sa hagda'y nanaog pagdaka. Pagdating sa lupa'y kaniyang binuksan ang natuklas niya'y ang keso ang laman agad nang kinagat niya at tinikman ang lasa ay tunay na di maibigan. Ang bigay na ito aniya ay aanhin asawa ko't anak ay dirin kakain anang Hari labis ko nang puhunani't kabuhayan namin ay dito kukunin. Mahan~ga'y itapo't sagabal pa sa aking paguwi sa tahanang villa iniakmá nan~gang itatapon niya sa sundalong bantay na siya'y nakita. Wika nang sundalo ang keso ay sayang ibigay sa akin kung ikaw ay ayaw taong taga villa'y ibinigay naman sampung niyong isang hindi binubuksan. Nang maibigay na'y lumakad nagtuloy ang nasabing tao na bubulongbulong wika'y muli akong puputol nang kahoy na maipagbiling ipagpawing gutom. At kahima't ako'y kaniyang hatulan nang dahil sa utos niya'y sumalangsang ay tututol ako't yaong ibinigay niya, ay pagkaing di ko maibigan. Pagdating sa bahay ay itinanong na yaong pinagbilhan nang sintang asawa ¿anong pagbibilhang itinugon niya kinuha nang Hari kahoy kong dinala? Wika ay mahigpit na kaniyang bawal na huwag magayos alila sinoman na sa Korte niya ay nasasakupan at balang sumuway ay parurusahan. Dalawang balutan ang bigay sa akin at wika'y labis nang doon ay magaling tanang sarisaring kabuhayan natin kaya't binalot pa na pinakagaling. Niyong manaog na ako sa hagdanan nang nasa sa lupa na ay aking tinikman ang lasa'y maanta na nakasusuklam ikaw ma'y tunay mong di maiibigan. Gayon man ay pilit akong maggagayak nang kahoy, at aking ititinda bukas kung tanun~gin ako'y ipatatalastas ang nasapit nang balutan niyang gawad. Salita'y napatid at ipinatuloy yaong paghahanda nang dadalhing kahoy at nang maumaga'y tinupad ang layon na ang pagbibilha'y maipawing gutom. Sa loob ng Korte nang dumating siya ay sa Hari namang agad na nakita kaya n~ga at siya'y tinawag pagdaka nang Hari't tinanong na gaya nang una. Anang nasa villa'y ang nasa balutan na pagkaing iyong sa akin ay bigay pagdating sa lupa'y akin pong tinikman ang lasa'y tunay na di ko maibigan. Kaya n~ga at niyong itatapong ko na'y hinin~gi nang bantay namang kapagdaka ibinigay ko nang lahat ang dalawa't di rin makakain naming magasawa. Diyata't kapuwa ipinamigay mo anang Hari, yaong balutang bigay ko isa niyo'y onza't ang isa ay keso ay ibinigay mong lahat sa sundalo. Ang kahalan~galan mo'y saan ihahangga at di pa binuksan sampu niyong isa di sana ang laman ay iyong nakita't di ipinamigay na karakaraka. N~gayon ang sa iyo'y aking ibibigay biling kong mahigpit na iyong in~gatan at huwag na kitang makitang magpasan na pumasok dito magpakailan man. Yaong mayordomo'y sa Haring tinawag at ipinakuha'y isang paang medias na yaong mahabang sa tuhod ay lampas punin nang salaping hanggang sa mabanat. At sa pagkuha mo ang tao'y isama at ang ilalagay nang upang makita mayordomo nama'y sumunod pagdaka medias ay agad pinuno nang onza. Sa Haring nagutos ay dinala naman anang Hari diyan sa tao ibigay niyong matanggap na ay pinagbilinang in~gatang mabuti't huwag pabayaan. Matapos tanggapin ay napaalam na't nanaog sa hagdang tuwa'y sabihin pa lakad na matuling tumatakbo tila at nasang dumating sa sintang asawa. N~guni't sa paglakad ay may sumusunod na may sawing isip sa kanyang likod at minamataan ang kanyang kilos upang ang adhikang lihis ay masunod. Yaong sinusunda'y di namamalayang may tao doon sa kanyang likuran walang lin~gon likod sa dinadaanan at anaki walang bahala sa lagay. Nang sa kabukiran siya ay malabas ay sinumpong niyong gawang pagbabawas sa bahay ay di na nakuhang umakyat at sa punong hagdan dala'y ilinapag. Doon naisipang siya ay kumanlong sa isang malaking puno niyong kahoy at hindi akalang may nakanunuynoy nang salapi niyang daladalang yaon. Kaya't niyong siya ay nakakanlong na taong sumusunod tumakbo pagdaka supot nang salaping iniwa'y kinuha n~guni't may-aring hindi nakikita. Ang may-ari nama'y matapos magbawas ay tila anyo pang nagpapawing hirap dahil sa salaping pinasang mabigat bakit malayo rin naman ang linakad. Saka niyong siya'y malipasang pagod ay binalikan na ang iniwang supot n~guni at wala at hindi natalos na kinuha niyong may masamang loob. Nang makita niyang supot ay wala na ay agad tinawag ang sintang asawa at tinanong niya kundi kinukuha supot nang salapi na iniwan niya. Doon sa hagdanan, pagka't hindi talos nang asawa, kaya ang mabiglang sagot di ko nakikita ang uwi mong supot sa pinagiwanan sampung nagkaayos. Baka nahahaling lamang naman ikaw sa salaping iyong sinasabing taglay sagot nang maydala yao'y ibinigay sa akin, nang Haring makapanyarihan. Sa asawang sagot ay bakit aniya sa puno nang hagdan ilinagay mo pa at hindi sa akin ibinigay mo na nang sa magnanakaw na hindi nakuha. N~gayon ay ano pang iyong magagawa hirap nang makuha nang gayong nawala kung may mabalik ma'y bihirangbihira ang isa sa sampu'y turing lang dakila. Ano'y nang madin~gig ang ganitong sagot nang asawa'y biglang hinin~ga'y nan~gapos dahil sa malabis na sukal nang loob kaya't sa batalan na lamang nasubsob. Hinin~ga'y pumanaw na di na nagbalik sa di magkasiyang pighati sa dibdib dahil sa salaping iba ang nagkamit siyang naging daang hinin~ga'y napatid. Ang isang tutoong dapat na pagtakhan ay nang nabuburol yaong abang bangkay ay may isang sulat na hawak sa kamay na hindi makuha nang asawang hirang. Ipinamalita ang bagay na ito kaya't ang naglakbay ay maraming tao pawang nagsikuha ang bawa't dumalo ay walang binigyan na kahima't sino. Sabihin pa bagang man~ga kaguluhan tanang tagaroong lahat ay dumalaw sampung Arzobispo doon ay naglakbay sulat ay kinuha'y di rin ibinigay. Ang Hari na lamang ang tan~gi sa lahat na di kumukuha sa nasabing sulat ayon sa malaking adhika nang lahat na ang naalama'y pawang matalastas. Yaong Arzobispo'y ang nasok sa budhi ipagsama naman ang mahal na Hari na siyang kukuha nang sulat na tan~gi na hawak nang bangkay na di mapagwari. Kaya n~ga't ang Hari't sampung Arzobispo lumakad na abay ang man~ga konseho gayon din ang lahat nang man~ga soldado sa nasabing bangkay sila napatun~go. Sa bahay nang sila ay mapaitaas kinuha nang Hari ang nasabing sulat na siyang sa kamay nang bangkay ay hawak binitiwang tambing namang agadagad. Niyong makuha na ang nasabing liham binuksa't binasa nang Haring maran~gal nang matanto niya ang nan~galalaman nabuwal sa likmo siya't hinimatay. Sumaklolong lahat ang man~ga konseho at gayon din naman yaong Arzobispo malaon din bago nakamalay-tao n~guni't di mapawi yaong panglulumo. Binasa rin naman ang nasabing sulat niyong Arzobispo sa harap nang lahat kaya n~ga't natanto nang tanang kaharap ang man~ga salitang doo'y nasasaad. Gayari ang man~ga wikang sinasaysay ikaw n~ga ay Haring makapangyarihan na dito sa lupa ay bantog sa yaman at pinipuntuho nang lahat mong kawal. Tanang man~ga taong pinaghihirap ko'y pinipilit namang pinayayaman mo n~gayo'y kinuha kong buhay nitong tao ay muli mo naman na buhayin ito. Kaya ang ginawa nang mahal na Hari ay sa Arzobispo ay isinangguni anang Arzobispo ikaw ay magwari pagka't sa matuwid ang gawa mo'y sawi. Magmula na noo'y natanim sa loob nang mahal na Hari ang malaking takot yayamang kaniyang tunay na natalos na ang gawa niya ay laban sa Dios. ELECTO Ito'y siyang saksing dapat na ilimbag sa ubod nang pusong di dapat maghan~gad niyong kayamanang di sariling hanap lalo na't sa gawang di mabuti buhat. Ang man~ga may pilak na pinayayaman ang dukha at nagmamapuri sa lagay pinayamang yaon ay kung maging daang magpalalo'y siya ang may kasalanan. Sapagka't mayroong mabuti kung dukha n~guni't kung yumama'y biglang nawawala ang di magkagayo'y bihirang bihira't kung minsa'y sanhi nang isinasama. May taong mababang loob kung mahirap n~guni't kung yumaman ay nagmamataas walang lin~gong likod kung magsipan~gusap at napatatan~gay sa dahas nang pilak. Nan~gararapat n~gang ating saklolohan ang nan~gasasalat na walang pagkunan n~guni't kung lalagay sa kapalaluan ay isang dakila namang kasalanan. Anopa't marami ang dahil sa pilak sa Santong matuwid ay nan~galilinsad sa nasang yumaman nang ibang mahirap kaluluwa'y di na pansing mapahamak. Kahi't kilala nang gawang nalilihis at nasasalansang sa utos nang lan~git ay ikinakanlong sa sariling isip ang kakamtang dusang walang kasingpait. Huwag mong nasaing matamo ang pilak na mula sa ganang di karapatdapat at baka doong ka matulad kay Judas na nasa Infierno't walang hanggang hirap. BRINDO At may isa namang dukhang magasawa na palaging salat yaong buhay nila at ang hanapbuhay ay di makasiya nang abang lalaki sa tuwituwi na. Bakit ang tutoong nakapaghihirap lalaki'y natutong uminom nang alak kaya't palagi nang lasing na madalas na di magkawastong kumita nang pilak. Kaya n~ga at yaong kapatid na lamang ang umaalalay sa ikabubuhay saka nan~ganak pa ang asawang hirang na nagpalugami sa karalitaan. Nang may tatlong araw na nan~gan~ganak na ay dinalaw niyong kapatid na isa noo'y tunay siyang walang magagasta kaya't linimusan nang isang peseta. Ang isang peseta ay nang maibigay ang abang lalaki pinakiusapan na siyang bumili nang ikabubuhay at lumakad na n~gang ang peseta'y taglay. Nagkataon namang doon sa paglakad natapat sa isang tindahan nang alak may nagsisiinom kaya n~ga't tinawag pagka't dati niyang kainumang lahat. Paglapit ay agad namang tinagayan nang makainom na'y nagusapusapan nang lumaonlao'y uminom na naman hanggang makaitlo bago tinigilan. Nang di makalaban sa tapang nang alak sumuraysuray na't ulol ang katulad ang isang pesetang sa kamay ay hawak doon sa tindaha'y siyang ibinayad. Lumakad na siya na hahapayhapay masulong maurong doon sa lansan~gan nang di makakaya ang lunong katawan nalugmok sa lupang tulad sa may damdam. May dalawang oras ang bilang humigid yaong panglalata ay bago naalis nang humusayhusay yaong pagiisip saka nagunita yaong napagsapit. Na walang kakanin ang asawa't anak pagka't ang pesetang dala'y ibinayad doon sa kanilang iniinom na alak kaya't naghinagpis na di hamakhamak. Yaong asawa ko ay gutom nang gutom aniya, at ako'y hinihintay n~gayon n~guni't ang peseta'y ¿saan pa naroon nabayad sa alak na aming ininom? Ang aking asawa'y ¿anong aasalin? bakit nan~ganak pa ay di kumakain kundan~gan ang aking gawang paglalasing sa nangyaring ito'y siyang naging dahil. Wala naman akong sukat mautan~gan na maibibili nang ikabubuhay kung ako'y magbigti ay masama naman ¿ay paanong aking gagawing paraan? Habang lumalakad ay nagsasalita at mistulang ulol ang kahalimbawa napahihimutok tuwing magunita yaong napagsapit na kahiyahiya. Sa di nagtitigil na linakadlakad ay dinating yaong baybayin nang dagat at doo'y kaniyang inabot nang malas yaong sarisaring bangkang nasasadsad. Walang anoano'y ang nasok sa isip umupa nang isang bangka at sumilid at doon magaliw nang sukal nang dibdib na sa puso niya ay lumiligalig. Ipinatuloy na ang sa lan~gong han~gad na siya'y nagbangka-bangkaan sa dagat na sa kalasin~ga'y ang naipan~gusap ay ang man~ga wikang di karapatdapat. Kung sino aniyang makapagbibigay sa akin, nang yamang aking maibigan at kahi't n~gayon ma'y aming pagsulatan ang usap na aming pagkakasunduan. Gayon ang laging isinisigaw niya habang namamangka't nagtutumayo pa walang anoano'y lumitaw pagdaka isang taong pan~git na walang kapara. Naupo sa daong nang kaniyang bangka at ang sinabi niya'y inusisa tunay bang ibig mo na yumamang bigla na gaya nang iyong man~ga salita. Oo anang lan~go't nasa ko'y n~gayon din kung iniibig mong ako'y payamanin anitong tumanong kung iyong susundin ang kahilin~gan ko yama'y tatamuhin. Hustong isang taóng ay kung dumating na ikaw ay sa akin pilit na sasama n~guni't yayaman ka na walang pagsala at sa iyoy madla ang man~gagtataka. At kung papayag ka'y iyong pifirmahan itong gagawin kong isang kasulatan tandang pagayon mo sa ating usapan na ikaw ay akin magpakailan man. Inaayunan ko ang sagot nang lan~go gawin mo ang sulat at pifirma ako agad na ginawa naman nang Demonio na ang katuwaan ay di mamagkano. Sulat nang mayari ay pinirmahan na saka iniabot ang isang pitaka isang pako't isang martilyo't ang wika'y ang sasabihin ko'y tandaan mong pawa. Ang pitakang ito'y ang iyong gagawin ilapat sa isang haligi ó dingding saka mo pakuan at iyong dukutin at madudukot mo ang yamang ibigin. Sa dingding nang bangka'y ikinabit agad dinukot at wika'y onzang aking han~gad habang dumudukot ang ilinalabas ay onza, at bumabalong ang katulad. Nang ang nadudukot na onza ay sampu ay yaong pagdukot niya'y inihinto at yaong pitaka niya'y itinago sampu nang martilyo't ang kasamang pako. Agadagad nan~gang pumundo sa pampang at yaong may-ari nama'y inupahan bumili nang bigas na dalawang kaban at vaca at baboy ang biniling ulam. Umupa nang man~ga isang magdadala at nang maglulutong kaniyang kasama na yao'y upahang buwanang talaga na sa bahay niya ay doon titirá. N~guni at nang siya'y dumating sa bahay hapo na sa gutom ang asawang hirang anitong babae ay bakit nabalam diwa yata'y ikaw ay nakipagsugal. Sagot nang lalaki ang iyong pesetas ay nabayad lamang na lahat sa alak ang kainumang ko ay niyong matapat ako sa tindaha'y kanilang tinawag. Pinainom ako hanggang sa nalasing at sampung sila man ay nagsiinom din saka doon sila'y matulad sa akin peseta ko pala'y siyang uubusin. Datapuwat n~gayo'y di masasalat na't ipagagawa ko'y malaking bahay pa sagot nang asawa'y saang ka kukuha diwa'y hanggang n~gayon ay nalalan~go ka. Hindi ako lan~go't makikita mo rin kung makatapos nang tayo ay kumain kung hindi mangyari saka mo sabihin na ang salita ko ay salitang lasing. Nan~gatigil sila't nagsikain naman nang di karaniwang masarap na ulam nang makakain na ay pinalatagan nang banig na suson ang kanilang bahay. Ilinapat nan~ga doon sa haligi saka pinakuan na pinakabuti wika sa alila ikaw ay bumili nang dalawang kabang lalong malalaki. Buong isang onza yaong ibinigay wika'y piliin mo ang lalong matibay at kung magkano ang kahalagahan bayaran mo't ikaw ay madali lamang. Yaong inutusan pagdaka'y lumakad ang lasing ang akin namang ipahayag wika'y pawang onzang aking ilalabas at dinukot nan~ga na hindi naglikat. Pagdukot ay onzang nakukuha naman at doon sa banig ay ilinalagay kaya sa pagdukot niyang walang humpay ang onza'y nabuntong halos di mabilang. Anopa't malabis yaong pagtataka nang bagong pan~ganak na sintang asawa ang wika ay ako ang durukot muna nang siyang dumukot ay walang makuha. Kaya ang asawa ang pinabayaang dumukot at siya ay nanood lamang gaya rin nang unang paglabas nang kamay onza ang sa banig ay inilalagay. Nang dumating naman ang kabang dalawa ay ilinagay nang lahat yaong onza hanggang sa napuno ay di nagpahin~ga doon sa pitaka nang pagdukot niya. Sila'y natulog na't nang kinabukasan maraming anluagi ang tinawag naman ang ipinagawa ay malaking bahay na sa bayang yao'y pinakamainam. Tuloy nagpagawa nang sisidlang bató nang salapi't laki ay di gagaano at pinakatibay naman nang maestro na di mahahamak nang masamang tao. Ginawang lalagyang yao'y nang mayari pitaka ay doon dinalang madali dinukot na gaya niyong dating gawi nitong lumilikha lamang nang salapi. Walang sinisikap sa gabi at araw kundi ang dumukot nang salapi lamang kung kaya matigil ay kung napapagal at bago napuno'y may ilan ding buwan. Pintong susonsuson ay isinira na may bilang limangpung susi't cerradura anopa't ang lahat ay nan~gagtataka sa bagong mayamang natan~gi sa iba. Lahat nang magandang man~ga kasangkapan at gayon din naman ang man~ga sasakyan ay nasa kaniya at balang humiram sino ma'y di niya pinagkakaitan. Ang may kailangan at ang nasasalat pagdaing ay agad niyang linilin~gap pawang bigay lamang at wala nang bayad pagka't siya'y lubhang sagana sa pilak. N~guni't ang asawa ay di mapaghaka ang pitakang yaon kung saan nagmula kaya pinipilit na inuusisa sapagka't ang han~gad niya'y maunawa. Hindi ipagtapat naman nang lalaki at ang kahihiyan ay nananatili hindi matiwasay sa araw at gabi ang kahihinatna'y naguguniguni. Pagka't mahigit nang isang buwan lamang yaong taning nila na pinagusapan kaya n~ga't tutoong malaki ang lumbay na anhin mo'y yaong may malubhang damdam. Sa babae namang kusang napapansin yaong kalumbayan nang asawang giliw kaya't inusisang pinalihim-lihim ang pitakang yaon kung saan nanggaling. Mapiling pagtanong nang asawang kasi ang katutohanang lahat ay sinabi dahil sa peseta kung kaya nangyari ang kinahinatnan nang palad kong imbi. Ayon sa hiya ko't naubos na lahat na aking nagugol ibayad sa alak ako'y walang kunan nang maibabayad kaya't sa Demonio ay nakipagusap. Na ang aking kaluluwa at katawan ay naging kapalit ang pitakang iyan ang taning ay hustong isang taón lamang ako'y kukunin na na di maliliban. At sa katunaya'y may kasulatan pa na ginawa't ako naman ay nagfirma kaya ang taning ay iisang buwan na at pilit na maghihiwalay kita. Gayong pan~gun~gusap ano'y nang madin~gig nang asawang kasi pagdaka'y tuman~gis aniya ay ano't di mo na inisip ang daratning huling iyong masasapit. Sa kayamanan n~ga'y magpapasasa ka sa huli ay hirap namang walang hangga sa yaman sa Mundo'y ipinalit mo na ang Dios na mulang tuwa at ginhawa. Pagkapalibhasa ay may kabanalan ang babae agad namang nagkumpisal sa isa n~gang Pari na tutoong banal at isinangguni ang ganoong bagay. Matanto nang Pari ang nangyaring yaon sandaling nagisip munang mahinahon siya'y nanalan~gin sa Dios na Poon nang matanto niya ang gagawing ukol. Niyong matapos nang makapanalan~gin wika sa babae (aniya) ay n~gayon din sa iyong asawa ay iyong sabihing siya'y magkumpisal at aking hihintin. Babae madaling umuwi sa bahay at sa asawa'y sinabi ang banay niyong matalastas ay sumama naman at noon din siya'y tambing nagkumpisal. Sinabi ang yaring salitaan nila sampung kasulata't pagkapirma niya saka ang pitaka ay ipinakita gayon din ang pako at ang martilyo pa. Ang hatol nang Pare ay magkukumpisal tuwing makalawa, at sa araw-araw ay magkukumunion huwag pasalahan ang pagdedevocion ay gayon din naman. Tuloy sinootan nang larawang hayag nang puso ni Jesus at nang birheng liyag tanang katungkula'y ipinatalastas na huwag bayaang di ganaping lahat. At yaong usapang araw kung dumating na sa Demonio nang siya'y kukunin huwag magpabayang di siya tawagin at ang buong kaya'y kanyang gagawin. Madlang kabilina'y ginanap na pawa nitong sa Demonio'y humandog na kusa nang dumating yaong araw na tadhana Paring magtatanggol ay tinawag nan~ga. Yaong Paring banal ay nang dumating na buong bahay nama'y benendita upang yaong tao ay huwag makuha nang Demonio't di makapasok siya. Pulubing marami nagpatawag naman nang dumating doon ay pinagsabihan na halihaliling sila'y magdarasal tan~gi ang sa lupa kay sa nasa bahay. Yaong Altar nama'y kusang iginayak na naroo'y tatlong larawang mag Anak na Jesus Maria y Josef ang tawag at saka ang pitong Arcangel na hayag. Ano'y nang sumapit ang araw na taning Demoniong katipan nang tao'y dumating pagka't kailan~gang kanya nang kunin kaya't daladala ang may firmang papel. Matanto nang Pari ay pinaluhod na ang taong kukunin niyong palamara saka sinubuan nang mahal na Hostia galit nang Demonio'y sabihin pa bagá. Di ganiyan aniya ang ating usapan nang namamangka kang nasa karagatan kundi ang kita ay payamanin lamang at ikaw ay akin sa taning kong araw. Pinayamang kita't ang iyong susundin ay layaw sa Mundo't sa katawang hiling di nating usapang lahat nang magaling na ukol sa Dios ang iyong gagawin. Ang lilong Demonio'y hindi makalapit dahilan sa dasal na nauulinig kaya n~ga tutoong siya'y nagn~gan~galit sa ganoong ayos niyang namamasid. Tinatawag niya't lumapit ang han~gad n~guni't yaong Pari ang siyang nan~gusap hayo't lumayo ka aniya sa Satanas at huwag paritong muli pang man~gahas. N~guni't tumutol naman ang Demonio na ang wika'y siya ang kailan~gang ko tunay siyang aki't ang pagkatutoo'y may sulat at siya'y nakafirma dito. Ang sagot nang Pari ay lumayas ka na Satanas at siya'y di mo makukuha kasulatang iyan ay walang halaga punitin mo't huwag ditong magbalik pa. Wika nang Demonio'y ibigay sa akin ang pitakang iya't martilio'y gayon din at saka ang pako't aking pupunitin itong kasulatang kasunduan namin. Inihagis nan~ga nang Pari ang wika hayo't umalis ka lilong magdaraya umalis nang galít na hindi kawasa't nagiwan nang bahó na walang kamukha. Nang makaalis na yaong si Satanas doon sa iniwa'y ang sa Paring saad ang salaping iya'y gugulin mong lahat sa man~ga salanta at sa nasasalat. Sa m~ga ulila at sa kailan~gan na nagsisigawa niyong kagalin~gan at ang paglalan~go'y iyong pagin~gatan nang di ka madaya nang Demoniong hunghang. At sa katawan mo ay huwag alisin ang larawang puso nang nakop sa atin saka ang larawan niyong Inang Virge't ang pagdedevocio'y huwag lilimutin. Tanang man~ga bilin ay pawang tinupad nang nasabing Pari kaya't napanatag nagbuhay Angel na at walang hinarap kundi ang maglingkod sa Dios na wagas. Kaya't nang dumating ang tadhanang guhit ang bayang payapa'y kinamtang tahimik bagaman nalígaw sa daang matuwid ay natutuhan ding muling nanumbalik. ELECTO Gayon din ang tunay na nakakapara nang nan~gahuhulog sa pagkakasala na nagsisuyo sila't pumifirma sa libro nang taksil na ating kabaka. Ang firma ay kaya naaalis lamang at nan~gasisira yaong kasulatan kung ihin~ging tawad at ipagkumpisal ang sala't magsisi't tuloy pagtikahan. Sapagkat ang Paring kay Kristong alagad sa tali nang sala'y silang kumakalag at kapag binigyan nila nang patawad umasang kay Kristo tayong tinatanggap. Pagka't ang sinomang nasa salang mortal ang pinto nang lan~git nama'y nasasarhan n~guni't kundi iwan yaong kasalanan hirap sa Infierno'y siyang nalalaan. BRILLO May isang sasakyang minsa'y naglalayag sa baybayin niyong malalim na dagat kapitá'y tutoong malaki ang sindak doon sa nasapit nilang pagkabagbag. Demonio'y makita ang ganoong ayos sa kaniyang puno'y nuhang pahintulot at ang tutuksuhin nang taksil na loob ay yaong kapitáng doo'y naguutos. Nang mabigyang tulot nama'y yumao na manunuksong ayos marinero siya at yaong sasakya'y tinun~go pagdaka't sa man~ga utusan siya'y nakisama. At sa paguutos na kasalukuyan sa lahat nang man~ga naruroong utusan nang upang maligtas sa kapan~ganiban ang malulubog na kanilang sasakyan. Marinero n~gang Demonio'y paglapit kapitán aniya'y ano po ang ibig sagot ay itali sa kahoy ang lubid nang tayo ay huwag malayo sa gilid. Lubid ay kinuha't ang pinatun~guhan ay lugar na walang sukat pagtalian saka wiwikain doon sa kapitán dito'y walang kahoy na mapaggapusan. Kung gawing kaliwa ang siyang sabihin ay sa dapat kanan ay doon dadalhin at pinagagalit na tikis ang dahil ang kapitá'y upang magkasalang tambing. Ang ginagawa n~gang man~ga panunukso kapitá'y nayamot na di mamagkano kung walang taliang kahoy man ó bató itali kahi't sa sun~gay nang Demonio. Gayong pan~gun~gusap ay niyong madin~gig niyong marinero'y iniwan ang lubid nagtaglay nang takot at ang sumaisip siya'y nakilala kung kaya nagalit. Kung kaya sinabi na sa aking sun~gay itali't ako pa ang pahihirapan agad nang umalis at humarap naman doon kay Satanás yaong tampalasan. ¿Wika ni Satanás ay anong lakad mo tugo'y nakilalang ako'y manunukso winika'y itali kahi't sa sun~gay ko kung walang taliang kahoy man ó bató. Ang tinukso mo'y taong may Devocion na di madaraig at may magtatanggol yaon ang sa Mundo'y di napauulol at tunay na lingkod niyong Pan~ginoon. ELECTO Dito'y dapat nating huluin sa loob na kapag ang tao ay lingkod nang Dios kahi't si Satanás ay nan~gin~gilabot at di madaraya nang sa Mundong adyok. At nakikilalang yaong nanunukso'y isa sa kampon nang taga Infierno kaya nararapat na pakupkop tayo sa Dios at Inang Virgeng masaklolo. Huwag pabayaan ang tayo ay magahis nang kaaway nating sadyang malulupit na walang adhika kundi ang magahis tayo't makasama nilang magkasakit. Sapagka't kanilang kinaiinggitan ang tanang biyaya nang Dios na mahal na pinatatawad kung magkasala man ang nan~gagsisisi't sala'y ikumpisal. Demonio'y minsan lamang na nagsukab sila'y ibinulid sa balon nang hirap at hindi nangyaring sila'y pinatawad at parusang walang hangga ang nalan~gap. BRINDO At mayroon namang isang magasawa na ang anak nila ay lalaking isa at sa kabuhaya'y may lubos na kaya na hindi rin naman sukat kulan~gin pa. Dapuwa't sa anak ay labis magmahal at tutoong sunod na sunod ang layaw na kahi't anomang gawing kasalanan hindi pinapalo kahi't pilantik man. Kaya n~ga't lumaki ang kanilang anak na pagalagala't hindi naghahanap nang ikabubuhay na tungkuling dapat nang tao, kaya n~ga't kaiba sa lahat. At sa kayamana'y labis na gumugol na ináaksayá sa pagayon-gayon niyong makaraan ang ilang panahon namatay ang Ina na nagkandongkandong. Kaya ang natira'y ang Ama na lamang na siyang sa anak ay nagpapalayaw paglibot ang gawa sa gabi at araw palad nang matigil sa kanyang bahay. Isang araw naman na pagkaumaga na pagkakain ay naglibot na siya dinatnan nang lagnat naman yaong Ama ang sakit nang ulo'y halos di mabata. Di makuhang siya ay magluto naman nang pagkai't ayon sa matinding damdam sapagka't ang lagnat ay lubhang masásál saka masakit pa ang kasukasuan. Nang dumating yaong naglibót na anak ay gutom sapagka't lampas na sa oras pagdating sa bahay ay agad nagbukas niyong paminggala't kakanin ang hanap. Anopa at walang nakitang pagkain sapagka't ang Ama'y di makapagsaing pumasok na galit ay walang kahambing ang wika sa Ama'y bakit walang kanin. Malubay na tugon niyong amang ibig di makapagsaing ako at maysakit hindi makaban~gon pagka't nan~gin~ginig yaring katawan ko sa lagnat na labis. Sa anak na tugo'y magluluto lamang ang sakit na yaon ay dinadahilan ako ay gutom na ay walang daratnan nang pagkaing akin na inaasahan. Di magsaing ka na ang sa Amang wika at tunay na ako'y di makagagawa at ang katawan ko ay malatang-malata't ulo ko'y masakit na hindi kawasa. Magsasaing ako sa anak na sagot kita mo po't ako ay pagod na pagod lalo kung ganitong ako'y nayayamot maihahampas ko lamang ang palayok. Kung hindi ka taong walang kahihiyan anang Ama't talos mo na ako'y may damdam may kakanin ka na't iluluto lamang ay di mo magawa't akong uutusan. Madin~gig nang anak galit ay sabihin aniya'y ako pa palang hihiliin kahi't matuluyang ako'y di kumain ay ako ay hindi makapagsasaing. Nagalit ang Ama't wika'y lapastan~gan at munti ma'y wala ka nang kahihiyan gala ka nang gala sa maghapong araw at di mailuto ang kakanin lamang. Gayong pan~gun~gusap ano'y n~g madin~gig ang minamahal na anak ay nagalit at walang pitagang sa Ama'y lumapit yaong tampalasang alibughang isip. Saka yaong Ama ay sinabunutan at hinila hanggang malapit sa hagdan ang kaawaawang Ama'y sumisigaw pagka't masasakit ang buong katawan. Doon iniwan lamang yaong Ama at tuloy nanaog at umalis siya pagka palibhasa ay maraming kuwarta nang may isang linggo nama'y umuwi na. Kaya n~ga at noong dumating sa bahay ay bangkay na lamang ang Amang dinatnan at dalawang araw nan~gang namamatay sa gutom na labis na di ano lamang. Ano ang gagawin sapagka't patay na ay ipinalibing ang bangkay nang Ama sa apat katao siya ay umupa't nang oras ding yao'y ilinibing nila. Nang mailibing na ang sa Amang bangkay siya'y nagiisang natira na lamang nagkaasawa ri't kapalibhasaan ay may kamunti pang natitirang yaman. Isang lalaki rin yaong naging anak kawan~gis n~g Amang anhin mo'y pinilas at nang lumaki na'y tunay na kahuwad nang Ama, ang gawa at ugalig lahat. At tunay n~gang lubos na pinakalakhan ang gumagala sa gabí at araw at kung oras siya na kakain lamang kaya umuuwi sa kanilang bahay. Niyong lumaki na'y namatay ang Ina kaya't ang natira'y ay silang mag-ama haggang sa naging bagong-tao siya ang dating ugali ay di rin nagiba. Isang araw yaong Ama ay dinatnan nang matinding lagnat na may kalubhaan masakit na lahat ang buong katawan at di makaban~gon doon sa hihigan. Kaya sa hindi makayanang bathin yaong karamdama'y hahalihalinghing walang anoano nama'y sa darating ang anak sapagka't oras nang pagkain. Pagpanhik sa bahay ay tinun~go niya yaong paminggala't kakaing talaga palayok nang buksan ay walang nakita kamunti nang sukat na makain baga. Agad pinasok niya't kusang itinanong ang lutong pagkain kung saan naroon Ama ay bahagya na lamang tumugon aniya'y di ako makakilos n~gayon. Sa anak na wika'y ang kamunting damdam ay minamalaki mona pong dahilan diwa ay talaga na lamang aayaw na ako'y pakanin at nanghihinayang. Baga man ang Ama ay datay sa sakít ay napilitan ding dinayo nang galit dan~gan ang tao kang walang munting bait na nagsasalita'y hindi iniisip. Nakikita mona na may damdam ako ang pagsasaing ko kaya ay paano nariyan ang bigas ay di iluto mo at huwag magsabi nang kung anoano. Sa salitang yaong anak ay nayamot pagdaka'y tinangnan ang Ama sa buhok at kinaladkad na nang katakot-takot na hanggang sa lupa ay ipinanaog. Niyong hinihilang malapit sa hagdan ang sigaw nang Ama ay dito na lamang sapagka't dito ko lamang inihanggan ang nuno mo niyong aking sabunutan. Hindi rin nakinig ang kuhilang anak at doon sa hagda'y kinalakadladkad kaya't sa baytang ay nagkahampashampas nasisigaw tuloy sa malaking hirap. At nasa lupa na'y kinakaladkad din ang hunghang na Ama nang anak na taksil at iniwan na n~gang hahalihalinghing at doon na lamang buhay ay nakitil. Kaya n~ga't ang anak ay nang umuwi na dinatnan sa lupa ang bangkay nang Ama madlang nanunuod niyong datnan niya na hindi maisip yaong pagtataka. Pagkamangha nila'y paganhing saysayin bangkay ay ginanap yaong paglilibing anak na naiwan ay di rin nagmaliw ang ugaling hayop ang siyang kahambing. Yaong natitirang ari't kayamanan na minana doon sa Amang namatay ay naipagbili sampung pamamahay at naubos naman sa pagayon lamang. Saka nang wala nang tunay na makain ang man~ga damit pa'y naipagbili rin nang walang pagkuha'y dito na umatim nang gutom na hindi makayang tiisin. Ang ginalagala'y di rin nagtatahan at natun~go tuloy sa labas nang bayan at doon inabot niyong karamdaman nahiga sa lupa't di makagulapay. Sapagkahiga ay walang anoano doo'y napalibot ang maraming aso linapita't asa'y patay nang tutoo kinagat na pinaghalihanan dito. Katawa'y malata't mahinangmahina at hindi na halos makapagsalita kaya't ang pagbugaw niyang ginagawa'y di pansin nang asong nan~gagkakatuwa. May limang dipá rin ang napaghilahan niyong man~ga asong nagkakaguluhan at bago pa nila nakilalang buháy ay nang mahalata nang ginalawgalaw. Bagaman iniwan nang man~ga pagkagat ang dalawang paa'y tadtad na nang sugat lalo pang magulol ang matinding hirap at doon ang buhay na lamang nautas. ELECTO Ito'y siyang tubo nang man~ga magulang na sa man~ga anak ay mapagpalayaw kahi't gumawa man niyong kasalanan ay di binibigyan nang kaparusahan. Kapag namihasa sa ganoong gawa ay ulol at ulol ang nagiging samâ at sila ang bilang na nagpapalala nang ugaling lihis mulang pagkabata. At kung tumanda na't saka susupilin ang asal na gayong karimarimarim wala nang panahon at kung pipilitin abang nagpalayaw ang patatan~gisin. BRILLO May isang mag Inang sanggol n~g maiwan ang lalaking anak nang Amang namatay kaya n~ga't malabis yaong pagmamahal nang Inang may iwi sa anak na hiran. Nang katabilan pa ang lagay nang bata na di mawatasan halos magsalita kapag inaglahi nang kahi't matanda ang itinuturo'y mahalay na wika. Hanggang sa lumaki ay nakagawian pagbigkas nang bibig ay wikang mahalay at kahi't sa harap niyong kamahalan ang ibinubuga'y kasalaulaan. Di na alumana ang bagay na yaon na katulad niyong masidhing ulupong Ina'y isang araw nama'y nagkataon na may panauhing nan~gagkakatipon. Anak ay dumating na galing sa sugal at sa pagkatalo siya'y nagkautang pagharap sa Ina ang wika ay bigyan siya, nang salapi't may pagbabayaran. Ina ay tumanggi't walang ikakaya doon sa salaping hinihin~gi niya kamandag na in~gat nan~ga'y ibinuga niyong tinuruang anak na vivora. Pinaglasayan na n~g wikang mahalay ang Ina, nang anak na walang pitagan Ina ay nagtaglay niyong kahihiyan sa nan~garuroong panauhing tanan. Kaya't ang mahalay na sabi nang anak sa bibig nang Ina'y siya ring binigkas anak ay nagtindig na likmua'y hawak at doon sa Ina'y siyang ihahampas. Tanang panauhin ay dumalo naman dahilan sa Ina na nagsisisigaw at lubhang malakas ang pananambitan nang nagturong Ina niyong kataksilan. Kaguluhan nila'y kahi't naapula kapintasan nama'y sumabog sa madla anopa't ang lahat nang makaunawa'y Inang sinisising uliran nang sama. Sila na ang lubos na naging hantun~gan nang lahat nang taksil na magmamagulang kaya nga't nabantog ang kanilang n~galan ay di kabutihan kundi sa kasaman. Yaong kapalaran kung sila'y dalawin ay di mamalagi at umaalis din parang sinasabik sa sandaling aliw at kung magdalita nama'y sapinsapin. Anopa't ang lahat nang sa Mundong silo sa maginang yao'y walang nabibigo ginagawa nilang aliwan nang puso yaong walang awang hirap kung bumugso. ELECTO Kayong Ama't Ina na palatun~gayaw at mapagsalita nang wikang mahalay kayo ang sa anak ninyo'y umaaral nang lahat nang man~ga likong kaasalan. At ang nagtuturo sa man~ga inanak nang bagay na man~ga di karapatdapat kayo rin sa huli naman ang lalan~gap nang bun~gang mapait sa binhing masaklap. Tuwa mo'y kung ano nang bata pang munti sa pagtuturo mo nang salitang sawi kung lumaki nama't magkaroong sanhi ang tubo mo'y luha't pagdadalamhati. Sapagka't kung ano ang punlang pananim ay siya rin namang bun~gang aanihin balang isang puno ay iyong timban~gin kung ilang ibayong papakinaban~gin. Kaya karampatang in~gatan ang bata sa ano mang bagay na makasasama dito pa't sa isang buhay man ay huag ang ban~gis nang dusang pilit ilalagda. BRINDO May katuwatuwang duling na dalawa na nagkasalubong sa paglakad nila binati n~g isa na tatawatawa nanan~gis kunuwang sumagot ang isa. Wika nang isa ay anong buhay mo't ang lakad mo'y tila malayong tutoo tugo'y mahalaga ang lakad kong ito at ako'y nanggaling sa isang mediko. Napasa mediko at ano ang dahil tugon ay ang sanhi ay sa mata natin at hinihiling kong ang ating paningin ay mangyari lamang kanilang baguhin. ¿Ay ano ang naging panagot sa iyo? tugon ay wala nang daan pang mabago kanunuan natin ang may sala nito't naganyak nanuod doon sa Calvario. Sa Poong kay Jesus nang nababayubay sa Cruz, at dahil sa sala nang tanan niyong malagot na ang hinin~gang tan~gan sa nin~gas nang kidlat sila'y nan~gasilaw. Hindi magkawasto ang man~ga panin~gin at sa katakutang walang makahambing nan~gagtatakbuhang mata'y pasuliling at di matutuhan yaong tutun~guhin. Katunaya'y noong si Kristo'y buhay pa ay wala nang gaya nitong ating mata si Kristong gagamot sapagka't patay na sa paggaling tayo'y wala nang pagasa. Ito ang siya kong ikinalulumbay kailan ma't aking magunamgunam lagay natin n~gayo'y parang tinandaan niyong lihis nilang kagagawan. Kundan~gan ang sila ay pakialami't walang kaguluhang di nakikipiling at nakikigaya pa sila marahil sa taksil na budhing man~ga mainggitin. Naging pakinabang sa ganoong gawa ang tin~ging mabuti nila ay napasamâ sampung tayo n~gayo'y pinapalibhasa nang walang pitagang matabil na dila. Dulo'y kundi tayo makapagpipigil laging basagulong makikita natin kaya wala tayong dapat na sisihin kundi silang naging sanhi nang hilahil. Sila'y naglakad na't ang kalang makita ay linalapita't nananan~gis sila dahilan sa matang wala n~g pagasa na magkapanahong sila'y gumaling pa. Balang makaalam nang kanilang sumbong man~ga katuwaan ay walang kaukol ang ganoong gawa nila ay patuloy hanggang sa kanilang bahay ay humantong. ELECTO Matuwid ang gayong palagay n~g duling kung tunay na ating didilidilihin tanang may ugaling mapakialamin madalas maramay sa man~ga hilahil. At sa nangyaring man~ga kaguluhan sila'y nalalahok kahi't di kaalam ang di umaalis sa loob nang bahay sa sandaa'y isa kung magkagayon man. Yaong man~ga taong gawa'y man~gutiya't walang kilos na di pamamalibhasa anopa't ang gayong pamamalibhasa siyang nagkakamit nang labis nang pula. Kaya kapatid kong man~ga ginigiliw gayong kagagawang lihis ay alisin at doon ay walang papakinaban~gin kundi yaong dusa't pulang sapinsapin. Kinakailan~gan nating pagaralan ang turo ni Kristong kapakumbabaan sundin ang kaniyang man~ga bili't aral nang tayo'y masama sa payapang bayan. =KATAPUSAN= [Patalastas: Imprenta Libreria y Papeleria de P. Sayo] End of Project Gutenberg's Panayam ng Tatlong Binata, Ikalawang Hati, by Cleto R. Ignacio *** END OF THE PROJECT GUTENBERG EBOOK 14271 ***